6,426 guests

Ipatawag ang mga artistang suki sa NBP at kilalanin ang mga gun-for-hire!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 432

‘MADUGO’ ang ibinunyag na detalye ng mga ‘inmate’ at dalawang miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) sa dalawang magkasunod na araw na Congress inquiry hinggil sa talamak na bentahan ng droga sa bilibid.

Tulad ng inaasahan, nadiin nang husto si Senadora Leila de Lima na dating Justice secretary.

Binigyan na rin ng ‘immunity’ ang mga ‘testigong’ inmate at NBI officers, bagaman ‘pinagtatalunan’ pa kung ‘applicable’ ba ito kay NBI Deputy Director Rafael Ragos na dating officer-in-charge ng Bureau of Corrections (BuCor).
   
Sinasabing si Ragos ang nagpatawag sa mga pinuno sa pangkat sa NBP para hingan ng ‘tara’ o lagay ang mga ito tungkol sa hinahabol nitong ‘quota.’ Isa rin sa nagdidiin sa kanya ay si NBI Intelligence Agent Jun Ablen ng Baguio City-NBI.
   
Ang quota, kung papakinggan ang testimonya ni Ragos, ay para umano kay Sec. De Lima.
   
Higit na tumaas ang pagdududa ng mga taong sumusubaybay kay De Lima nang sama-samang ituro ng mga ‘inmate’ ang natitirang ‘high profile’ na bilanggong NBP na si JV Sebastian.
   
Hindi pumasok sa Senado si De Lima noong Miyerkules. Masama raw ang pakiramdam nito dahil dinumog ang kanyang telepono nang ihayag sa publiko ang mobile number nito. Bukod dito, nagpaplano na rin daw lumipat ito ng bahay dahil nakaladkad na rin ito sa De Lima serye ng Mababang Kapulungan.
   
Sayang dahil nagkaroon sana ng pagkakataon ang mga mamamahayag na itanong sa kanya kung bakit naiwan at hindi naisama sa Bilibid 19 si Jaybee Sebastian.
   
Sa takbo kasi ng pagdinig sa Kongreso, mukhang si Sebastian na pinuno ng pangkat na Commando ang binigyan ng kakaibang ‘treatment’ ng De Lima administration sa DOJ.
   
Ang mga bagay na ito ay nasisiguro kong sasagutin ng senadora at sana ay mapaniwala niya ang taumbayan sa gagawin  niyang ‘alibi.’
   
Halos lahat ng detalyeng ibinunyag ng mga testigo ay ‘interesting.’
   
Lalo na ’yung ipinakitang video bagaman naging viral na rin ito sa ‘youtube’ bago pa man maghalalan.
   
Agaw atensiyon din sa mga nanonood at nakikinig ang mga detalyeng sinabi na maraming malalaking artista ang nag-perform sa Bilibid.
   
Ilan pa sa kanila ay mga supporter noong nakalipas na kampanya ng Pangulong Duterte, tulad nina Freddie Aguilar at Mocha Girls. Nabanggit din ang pangalan ni Ethel Booba at si Megastar Sharon Cuneta na asawa naman ni Liberal Party Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan.
   
Bago ko kalimutan, gaano katotoo na kamag-anak ng LP Senator si ret. Gen. Gaudencio Pangilinan na dati ring BuCor director? 
   
Pinag-usapan din ang paglabas-pasok ng ilang kababaihan na karamihan ay mga ‘model’ na pinagkitaan nang husto ni Bilibid 19 member Herbert Colanggo.
   
Sabi pa nga niya, ‘tilapia’ ang tawag nila sa mga ‘babaing naikakama’ ng mga ‘high profile inmate.’
   
Ang bayad niya sa mga ito ay P25,000 lamang pero ‘naibebenta’ niya ang mga ‘tilapia’ sa halagang P75,000 hanggang P100,000. Nangyayari aniya ang panandaliang aliw sa sariling kubol ni Colanggo dahil may sarili itong ‘hotel’ sa loob ng Bilibid.
   
Karamihan sa mga customer at kumukuha ng tilapia ay mga Chinese inmate, sabi pa niya.
   
Ani Colanggo, may komisyon din si De Lima sa bawat isang kahong beer na itinitinda niya sa tuwing magpapa-concert sa loob ng Bilibid. Ang halaga ng isang kahong beer in can ay P700 lamang pero naibebenta niya ito ng P10,000 bawat isang kahon.
   
Mula Oktubre 13, 2013,  P3 milyon kada buwan ang ipinadadala umanong pera ni Colanggo kay De Lima bilang ‘PR payola,’ at ito ay ibinibigay sa pamamagitan ni Joenel Sanchez na ‘bagman’ umano ni Ronnie Dayan na sinasabing ‘driver-bodyguard’ at umano’y lover naman ng senadora.
   
Malaki ang maitutulong ng mga artistang binanggit, lalo na si Megastar at mga artista na supporters ni Duterte kung sila’y magsasalita lamang.
   
Bagaman naniniwala tayo na karapatan nila ang tumanggap ng anumang ‘raket,’ may obligasyon silang moral para makatulong sa isinasagawang pagdinig para lumabas ang tunay na katotohanan.
   
Dapat, ipatawag din sila sa Kongreso para maidetalye kung sinu-sino ang ‘nag-book’ sa kanila, ano ang nakita nila sa loob at kung anu-anong ‘kasiyahan’ at karangyaan  mayroon ang selda ng mga high profile inmate.  
   
Lalo na sina Ka Freddie Aguilar at Mocha Girls na maraming followers sa social media. Bilang masugid na tagasuporta ng ating Presidente, dito makikita ang kahandaan nilang tumulong sa kasalukuyang pamahalaan sa abot ng kanilang nalalaman -- alang-alang na rin sa tinatawag na ‘change is coming’ o ‘change is happening.’
   
Ito namang si Ormoc Rep. Lucy Torres, sa halip na susugan ang pagtatanong para makilala ang mga artistang labas-pasok sa loob ng NBP, ang suhestiyon pa nito ay magpunta sila sa Singapore para malaman daw kung gaano kaganda ang kulungan doon.
   
Maganda ang layuning ito ng misis ni Ormoc City Mayor Richard Gomez pero mas maganda siguro na ang perang gagastusin sa kanilang ‘out of the country inspection’ ay gastusin na lamang sa anumang ikagaganda ng NBP.
   
Mas tamang angkop na gawin nilang mag-asawa ay manawagan sa mga kasamahan  sa ‘showbiz’ na magsalita na tungkol sa nalalaman sa NBP at tukuyin na rin kung sinu-sino ang mga adik sa kanilang industriya.
   
Samantala, matalas ang naging tanong ni Antipolo Rep. Romeo Acop na dati ring police general. Bago kasi basahin ni Majority Leader Rudy Fariñas ang ipinapatanong ng isang reporter tungkol sa hindi pagsama ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa December 2014 NBP raid, nag-usisa na si Acop tungkol sa Oplan Cronus.
   
Hindi man na-elaborate, may palipad hangin si Acop na magkaklase sa Philippine Military Academy class of 1981 sina dating PNP Deputy Chief for Administration Deputy Director Marcelo Garbo, dating BuCor Director Franklin Bucayo at dating Gen. Reginald Villasanta ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
   
Si Bucayo ay kasama sa itinuturong kasabwat ni De Lima sa pagbibigay ng ‘special treatment’ kay Jaybee Sebastian.
   
Si Garbo naman ay isa sa tinaguriang ‘Narco Generals,’ samantalang si Villasanta ay executive director ng PAOCC na nasa ilalim ng pamamahala ni dating Executive Secretary Jojo Ochoa.
   
Dati ko nang isinulat na dapat magpaliwanag si Ochoa hinggil sa pagkalat ng malalang droga sa bansa. Bilang PAOCC head na nakakuha ng P2.5 billion, tungkulin ni Ochoa na sugpuin ang lahat ng uri ng organized crime, tulad na lang itong talamak na problema sa ipinagbabawal na gamot.
   
Hindi ba si Ochoa rin ang sinasabi ni dating PDEA chief at AFP chief of staff Dionisio Santiago na binigyan niya ng listahan ng  drug personalities noong panahon ng Pangulong Noynoy Aquino?
   
Pero ano ang nangyari, mga ate at kuya? ’Di ba wala?
   
Isa rin sa nakatawag sa atin ng pansin ay ang salaysay ng testigong si Froilan ‘Popoy’ Trestiza. Bukod kasi sa matindi ang ginagawa nitong pagdiin kay NBI Deputy Director Ragos, binanggit din nito sa testimonya ang kaibigang si John Herra na dating NBI agent.
   
Si Herra kung matatandaan ay naging kontrobersiyal sa NBI dahil maliban sa pinagbintangan itong nag-karnap sa Pajero ni noo’y Senador Juan Ponce Enrile, naging boyfriend ito ni Jessica Alfaro na pangunahing testigo sa tinatawag na Vizconde massacre.
   
Ang masaklap, napatay si Herra noong Abril 2013 at base sa ating impormasyon, mga sindikato sa NBP ang nagpatrabaho sa kanya.
   
Kung madidiinan pa sana sa mga susunod na Congress inquiry, dapat ay mahalukay na rin ang kumakalat na kuwento na marami ring ‘gun-for-hire’ na mula mismo sa Bilibid.
   
Kaya nga nang sinabi ni dating CIDG chief Director Benjamin Magalong na pumunta mismo sa kanyang tanggapan sina Bucayo at Col. Ely at nakiusap na huwag nang ipa-raid ang NBP dahil may papatay daw sa dating heneral, bigla ko na lang naisip na gaano ba talaga kaimpluwensiya ang sindikato ng droga sa Bilibid dahil hanggang labas ng kulungan ay mayroon silang galamay?
   
Sana, kung sa Oktubre pa nga ang susunod na pagdinig, matalakay din ang usapin tungkol sa kung sinu-sino ang koneksiyon nina Jaybee Sebastian at Bilibid 19 sa loob at labas ng bilangguan para malaman natin ang kabuuang transaksiyon ng sindikato sa droga, kabilang na rin ang pagkakaroon ng hired killer kung mayroon man.