4,570 guests

’Tapos pabayaan si Veloso, kultong dilaw gustong maging bida

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 245

HINDI ko alam kung matutuwa ako sa mga dilawan na paliguan ng palakpak o maaasar at sasabuyan na lang sila ng kumukulong langis.

Sa mga nakaraang araw, ang peg nila ngayon ay may himig ng pagmamalasakit sa buhay ni Mary Jane Veloso.

Pilit nilang nilulunok ang maling pagkakaintindi ni Indonesian President Widodo sa pahayag ni President Duterte na irerespeto ang batas ng kanilang bansa, hindi lamang para kay Veloso, bagkus ay kasama na ang mga mangingisdang Pinoy na nahuli.
   
Kung logic din lang naman ang pag-uusapan, tingnan nga natin kung nasa moral high ground ang mga kultong dilaw para sumigaw ngayon na sagipin si Veloso sa posibleng firing squad sa Indonesia.
   
Mismong ang Migrante International at Gabriela ang nagbunyag na magmula nang maaresto si Veloso sa Indonesia dahil sa pagdadala ng  mahigit dalawang kilo ng heroin noong 2010 ay hindi man lang naging agresibo ang gobyerno para tulungan siya.
   
Umabot na ito sa mga huling taon ng termino ni dating Pangulong Noynoy Aquino pero wala silang interest na tulungan ang kababayan natin.
   
Nang pumutok na ang sentensiya na bibitayin na si Veloso noong 2015, doon pa lang nagkumahog ang administrasyong dilaw para tulungan at pakiusapan ang Indonesian President na huwag muna siyang patayin.
   
Mula’t mula, ang depensa ni Veloso ay biktima siya at na-frameup ng kanyang recruiter na nagpasok ng droga sa kanyang bagahe pero hindi naman ito tiningnan ng yellow gang until pumutok ang pinal na sentensiya.
   
Dahil nga sa kanilang limang taong Noynoying, noong May 2015 pa lang nagkumahog na arestuhin ang recruiter ni Veloso at nagmamadaling kinasuhan para patunayang biktima nga ang kababayan natin.
   
Natapos at natapos ang kanilang anim na taon, wala silang ginawa gayong puwede naman sanang sa unang taon pa lang ng trial ni Veloso ay naisubo na sa korte ang kanyang depensa.
   
Kaya nga umabot pa sa Korte Suprema ng Indonesia ang kasong ito bago naging pinal dahil nga sinunod nila ang proseso ng kanilang batas. Pero itong mga kultong dilaw ay ngumanga lang ng limang taon hanggang sa huling sentensiya.
   
Ngayon wala na sila sa posisyon, sila pa ang ganadong manawagan at magmagaling na dapat sagipin ni Pangulong Digong si Veloso.
   
Sana man lang, habang kinakastigo nila si Digong, sabihin din nila sa publiko kung anong klase ng kapabayaan ang ginawa nilang  mga dilawan sa nakaraang limang taon!
   
Kayo na ang bungkos ng     mga pabaya at mistulang nagdala sa bitay kay Veloso tapos gusto n’yo, kayo pa rin ang bida sa bandang huli!
   
Saan nga ba kayo kumukuha ng kapal ng mukha?
   
Kung anu’t ano man ang maging kahinatnan ni Veloso, kailangang panagutan ng dilawan ang lahat ng ito dahil dumating si Pangulong Digong sa posisyon nang sagad na ang pagkakataon.
   
Bagama’t umaasa pa rin tayong maikukonsidera ni President Widodo ang panawagan ng mga kababayan natin na mapababa ang hatol kahit life sentence, hindi dapat natin makalimutan ang mga pangkat ng dilaw na mistulang cancer sa atay na nagpabaya sa kanilang obligasyon.
   
Pansamantala, saksakan n’yo muna ng dilaw na ispongha ang bunganga ng mga taong ito para hindi na makapagyabang dahil wala silang karapatang sumawsaw sa isyu na sila mismo ang may kagagawan.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.