7,890 guests

Doble kayod pa rin si NCRPO chief Oca Albayalde!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 179

'Uncovered'

UMABOT na sa 300 suspected drug pushers ang napapatay sa Metro Manila.

Halos 30 porsiyento ang bilang na ito sa mahigit 1,000 tulak na ang natutumba sa buong Pilipinas.

Mula Hulyo 1 hanggang Setyembre 2, may 4,065 na pinaghihinalaang tulak at adik ang naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO), habang patuloy din ang pagtaas ng bilang ng mga sumusukong drug dependent mula sa pinakahuling bilang na 41,819.

Kung tutuusin, malaking accomplishment na ito hindi lamang kay PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, kundi maging sa ‘mistah’ niyang si NCRPO chief Director Oscar ‘Oca’ Albayalde.

Pero para sa dalawang magiting na heneral, ‘kulang’ pa ang mga trabahong ito dahil desidido silang sundin ang kagustuhan ng Pangulong Rodrigo ‘Rody’ Duterte na supilin ang lahat ng tulak sa buong bansa.

Mahigit tatlong buwan nang nakapuwesto sina Bato at Albayalde.
    
Ibig sabihin, nasa kalagitnaan na sila ng anim na buwang taning, palugit at pangako ng Duterte administration na maging ‘drug free’ ang ’Pinas bago pumasok ang taong 2017.
    
Kaya hanggang ngayon, doble kayod pa rin sina Bato at Albayalde.
    
Naglabas nga uli si Albayalde ng direktiba sa kanyang mga tauhan na posibleng magkaroon ng malawakang balasahan sa buong NCRPO at unang tatamaan dito ang mga ‘police district,’ presinto at operating unit na may ‘poor performance’ sa kanilang giyera kontra droga.
    
Binubuo ng limang distrito ng kapulisan ang buong Metropolis. Ito’y ang Manila Police District, Quezon City Police District, Eastern Police District, Southern Police District at Northern Police District o KAMANAVA area.
    
Kaya sa mga darating na araw, asahan pa ang pagtaas ng bilang ng police operations dahil 24-7 ang ginagawang pagsalakay ng mga pulis ni Albayalde ngayon.
 
Labas pa rito ang pa­ngangalaga sa kaligtasan ng ating mga kababayan dahil sa patuloy na banta ng terorismo.

Pakiusap ng heneral, sana ay tumulong ang mamamayan sa paglutas ng isang krimen dahil hindi nila magagawa nang lubos ang kanilang trabaho kung wala ang suporta ng taumbayan.
    
Pati checkpoint ngayon ay may nakikita na rin tayong mga sundalo dahil itinaas na rin ang State of Emergency.
    
Panawagan ni Albayalde, hindi dapat matakot ang mamamayan sa presensya ng mga sundalo sa bawat checkpoint. Alam ng mga sundalong ito ang kanilang limitasyon at hindi sila maaaring magsaliksik pilit sa katawan ng bawat indibiduwal at sa loob ng sasakyang mapapadaan sa chock point.
    
Ayon kay Albayalde, dapat ay tumigil na rin ang ilang taong nasa likod ng mga bomb threat dahil hindi na biro ang ginagawang hirap ng gobyerno ngayon para lamang sa ating kaligtasan tapos ay pinaglalaruan lamang ng walang magawang prank callers.
 
Magkakaroon din naman ng ‘araw’ ang mga ungas na ito dahil unti-unti ay tine-trace na sila ng mga awtoridad at dapat, masampulan sila ng may kapangyarihan.