7,033 guests

Emergency power sa trapiko

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 421

HINDI pa rin mabura-bura ang Pilipinas sa talaan ng mga nangungunang bansa na may malaking problema sa ma­bigat na daloy ng trapik.

Alinsunod nga sa pag-aaral ng isang research firm na nakabase sa Serbia o sa 2015 Traffic Index ng Numbeo, isang multi-national research firm, pangsiyam ang Pilipinas sa 88 bansa na may matinding problema sa trapiko.

Ibinase ng Numbeo ang  datos  sa overall commuting time, commuting public’s dissatisfaction, traffic inefficiencies at carbon dioxide emissions.

Lumabas sa kanilang pag-aaral na kumakain ng 45.50 minuto ang isang pasahero o motorista sa Pilipinas bago marating ang kaniyang destinasyon sa may distansiyang 12-kilometro.

Maliban sa Pilipinas, ang iba pang mga bansang may pinakamatinding problema sa  trapiko ay ang Kenya na numero uno sa talaan at sumunod ang Egypt.
   
Pangatlo ang Bangladesh, Bolivia, Nigeria, Jordan, Iran, South Africa, Pilipinas at Thailand.
   
Kung may pag-aaral sa sitwasyon ng trapiko sa kabuuan ng bansa ay mayroon din sa mga siyudad o ang tinatawag na city category ng Numbeo kung saan ay nasa number 12 ang Manila sa mga lungsod sa mundo na may malaking problema sa daloy ng trapiko.
   
Ang bawat pasahero o motorista sa Maynila ay umuubos ng 53.82 minuto para makarating sa kaniyang destinasyon na may layong 12-kilometro.
   
Ang iba pang mga siyudad sa buong mundo na may mabigat na trapiko ay ang Mumbai sa India na nangunguna sa talaan.
   
Kasunod ang Nairobi (Kenya), Pune (India), Cairo (Egypt), Kolkata (India), Miami (Florida, USA), Tehran (Iran), Recife (Brazil), Pretoria (South Africa), Denver (Colorado, USA) at Jakarta (Indonesia).
   
Kaya naman ang sitwasyong ito ng trapiko sa bansa ay umabot na sa puntong pagkakaloob ng dagdag kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
   
Sa pamamagitan ng binabalangkas na emergency power ng Kongreso ay magkakaroon na ng kapangyarihan ang Pangulong Duterte na solusyunan ang problema sa trapiko katuwang ang ahensyang kanyang pagkakatiwalaang mangasiwa sa problema sa trapiko.
   
Sa katunayan ay isinumite na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa Senado partikular sa komite ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate committee on public services, ang listahan ng mga proyekto para masolusyunan ang problema ng trapik sa Metro Manila.
   
Kabilang dito ang mga proyekto sa Rail Sector tulad ng LRT Line 1 extension patungong Cavite; LRT Line 2 extension patungong Masinag, Antipolo; LRT Line 2 extension patungong Pier 4; konstruksyon ng Line 4 mula sa Taytay, Rizal patungong Pureza; konstruksyon ng Line 5 mula Makati CBD gamit ang ‘existing tunnel’; konstruksyon ng Line 5 -- subway na magkukonekta sa existing business districts; konstruksyon ng Line 6 mula Niyog, Cavite patungong Dasmariñas, Cavite; konstruksyon ng Line 7 mula North EDSA patungong San Jose del Monte, Bulacan; at iba pa.
   
Harinawa ay magtagumpay ang gobyernong Duterte na maresolba ang kung ilang dekada na nating problema sa trapiko sa pamamagitan ng ipagkakaloob ditong emergency power dahil malawak na talaga ang perwisyong hatid sa lahat ng  napakasikip na daloy ng trapiko sa bansa.