5,151 guests

Kailangang mag-adjust si President Rody

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 311

Hala bira!

AKO ang kinikilabutan sa mga sinasabi ni Senator Leila de Lima na may pabrika ng ebidensiya ang Justice department.

Nangangalisag din ang lahat ng balahibo ko sa katawan kasama na ang tutsang sa binabanggit ng senadora na due process lamang sana ang gawin sa kanya ng administrasyon.

Parang kailan lang, ’yan din mismong mga kataga na kanyang sinasambit ang mismong linya ng maraming tao sa nakaraang anim na taon ni Noynoy sa Palasyo habang si De Lima naman ay Justice Secretary.

Ang problema sa senadora ngayon at sa mga kaanib niya sa kultong dilaw, noong sila ang walang patumanggang nang-aakusa ng kung sinu-sino sa isyu ng pork barrel, lalo na sa mga taga-oposisyon, binalasubas nila ang justice system.
   
Mas pino pa nga ngayon sa ilalim ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre dahil hindi sila kina-career tulad ng ginawa ni Noynoy and his minions para lang matiyak na maipapakulong at matatanggal sa puwesto ang kanilang mga kritiko.
   
Sa totoo lang, wala pa namang nagsasabing guilty si De Lima sa mga alegasyon ng pagiging drug protector kaya nga patuloy pa ang imbestigasyon.
   
Ang nagiging timbangan na lamang ng katanungan ng publiko ay kung bakit nga ba naging talamak ang drug trafficking ng mga bilanggo sa Bilibid na direktang nasa pa­ngangasiwa ng Justice department na noon ay pinamumunuan ni De Lima.
   
Kung ano man ang sagot sa mga katanu­ngan na ’yan, hahayaan nating ang resulta ng imbestigasyon ang sumagot.

* * *
   
Magkaiba ang minura sa mumurahin.
   
Lahat naman tayo ay nakarinig ng mga sagot ni Pangulong Duterte sa tanong ng Reuters reporter.
   
Bagama’t matindi ang mga pahayag, naikabit ng local at international media ang pagmumura ni Digong bilang direkta o personal na pag-son of a bitch kay Obama.
   
Nang basahin natin ang buong transcript, wala namang nakalagay doon na “tang ina mo Obama” pero ang naglabasan ay ganoon.
   
Ang binanggit ng Pangulo ay mumurahin niya kapag nag-lecture ng tungkol sa extra judicial killings. Future tense.
   
Pero nariyan na ’yan, sa tingin natin, kaila­ngan nang mag-adjust si Pangulong Digong sa kanyang mga binibitawang salita, lalo na kung ang audience ay international community.
   
Kunsabagay, sa klase ng global communications, kahit sa isang sulok ka ng bundok magsalita, lalabas sa international media dahil sa internet.
   
Nauunawaan natin ang klase ng persona ni Pangulong Digong dahil masa talaga ang uri ng kanyang pananalita at pamumuhay pero kai­langan na niyang maging mapili sa mga gagamitin niyang mga salita.
   
Maraming mga oposisyon at kritiko ang nakaabang sa kanyang mga pagkakamali para lang matupad ang kani­lang Plan B kaya dapat siyang maging mai­ngat.

* * *
   
This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.