6,960 guests

Mas may ‘balls’ si Duterte kesa kay Obama!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 391

LUMIKHA ng ingay ang mga binitawang salita ng Pangulong Rodrigo ‘Rody’ Duterte laban kay US President Barack Obama nang tanungin ito kung ano ang magiging tugon sakaling pangaralan siya tungkol sa isyu ng paglabag sa karapatang pantao.

Dahil sa ‘son of a whore statement’ ni Digong, gumuhit sa kasaysayan sa buong mundo ang pa­ngalan ni Duterte. Siya lamang kasi ang nag-iisang Presidente ng ’Pinas na nagkaroon ng lakas ng loob para magbitaw ng ‘maanghang na salita’ laban sa pinuno ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong planeta.
   
Nagpalabas na ng pahayag ng panghihinayang ang mga tagapagsalita ni Digong. Kahit sino sa mga ‘spin doctors’ ngayon ng Malakanyang ay tiyak na nahihirapan dahil kahit anong ‘pangaral’ at salo siguro ang kanilang gagawin, mauulit at mauulit ito bunsod na rin sa pagiging taklesa ng ating Pangulo.
   
Ginagawa ko ang artikulong ito kahapon ng umaga ay hindi pa rin nagkakaharap sina Digong at Obama. Nagkamali pa nga ang Palasyo sa nauna nilang anunsiyo na posibleng magkatabi ng upuan sina Obama, Digong at UN Secretary General Ban Ki-Moon dahil hindi ito nangyari sa ASEAN Summit kamakalawa ng gabi.
   
Siguro habang isinusulat ko ito’y nagkaroon din ng kahit papaanong kamayan sa isa’t isa sina Digong at Obama.
   
Kung ako ang tatanungin, hindi ‘big deal’ kung hindi man natuloy ang nakatakda sanang pag-uusap nina Obama at Digong sa bansang Laos.
   
Hindi ito kawalan para kay Digong, pero sigurado akong kawalan kay Obama na malapit na ring matapos ang termino ngayong darating na buwan ng Nobyembre.
   
‘Lame duck President’ na si Obama ngayon dahil halos dalawang buwan na lang ang inilalabi nito sa White House.
   
Samantalang dapat ding kabahan si Obama ngayon dahil posibleng maapektuhan ang kandidatura ng manok niyang si Hillary Clinton sa nalalapit na US presidential elections.
   
Alam naman siguro ng partido nina Obama at Clinton na Democrats kung gaano karaming Filipino-Americans ang botante nila ngayong halalan.
   
Totoong malaking tulong ang bansang Amerika sa Pilipinas lalo na sa tuwing may nangyayaring malaking trahedya at sakuna sa bansa.
   
Pero aminin o hindi ng bansang Amerika, mas malaki ang naitutulong ng Pilipinas sa kanila.
   
Hindi ba kaya hanggang ngayon ay nanggagalaiti sa galit ang mga kapatid nating militante dahil lagi na lang mas pabor sa Amerika ang nilalaman ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA)?
   
Tama si Duterte na higit na mas maraming isyu ng paglabag sa karapatang pantao ang bansang Amerika kaysa sa atin.
   
Kaya nga kung babalikan natin ang pinaghuhugutan ni Duterte na US massacre sa Katimugan ng Mindanao noong 1902, libong bilang ng mga kababayan nating Muslim ang minasaker ng mga sundalong Kano dahilan para ilunsad ang rebelyon ng mga Moro.
   
Ang pagkamatay ni Jenifer Laude noong Oktubre 11, 2014? Hindi ba’t sobra pa sa pagiging VIP ang naging trato ng bansang Amerika sa suspect na si Private First Class Joseph Scott Pemberton?

Eh ang pangga-gang rape ng mga sundalong Kano kay Nicole noong Nobyembre 1, 2005? Ano na ang nangyari sa mga suspect na sina USS Essex military servicemen Chad Staff Sergeant Carpentier, Lance Corporal Daniel Smith, Lance Corporal Corey Burris, Lance Corporal Albert Lara, Lance Corporal Keith Silkwood, at isa pang suspect na hinatulang makulong sa hukuman pero kahit kailan ay hindi nakatikim ng malamig na rehas na bakal.
   
Hindi ba’t lantad na halimbawa ito na sa oras ng kagipitan, lagi na lang agrabyado tayong mga Pilipino kapag interes na ng rehimeng Amerika ang pinag-uusapan?
   
Nakataas ang banta ng giyera kontra Amerika at China na posibleng kasangkutan muli ng Pilipinas.
   
Pero ’wag sana tayong papalinlang sa katusuhan ni Uncle Sam dahil kahit may ‘iringan’ sa dalawang dambuhalang bansa, patuloy ang kanilang pakikipag-usap at pagpirma sa mga tratado na may kinalaman sa kanilang ekonomiya.
   
Samantalang tayong maliit na bansa ay patuloy na nakanganga kung ano pa ang iaambon sa atin ng bansang Amerika.
   
Sa ganang akin, dapat lalo pa nating hangaan si Duterte ngayon dahil ang ipinairal nito ay interes ng mamamayang Filipino at hindi mapagsamantalang dayuhan.
   
Sabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, si Duterte ang makabagong Heneral Antonio Luna na totoong may ‘kabastusan’ ang bibig dahil sa pagiging palamura, ngunit binubuhay nito ang tunay na diwa ng isang tunay na makabayan.
    
Sana’y magdoble i­ngat pang lalo ngayon si Duterte dahil alam natin na kahit kailan, ibang maglaro ang mentalidad ni Uncle Sam, lalo na ang malademonyong tao sa kanilang Central Intelligence Agency (CIA).