5,304 guests

‘Nganga’ ang media kay PNoy

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 465

Paul's alarm

BAGO ang lahat, isa munang “anunsiyo:” Naghahanap ang National Press Club (NPC) ng isang ‘drug testing clinic’ para sa layunin nitong “patunayan” na hindi mga “adik” ang hanay ng mga mamamahayag sa bansa.

Ang proyektong ito ay dahil na rin sa masugid na suporta ni Sen. Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na matagal nang “kakampi” ng malayang pamamahayag sa pangu­nguna ng NPC. Muli, salamat, Sen. Migz at mabuhay ka!

Sa mga interesadong ‘drug test clinics,’ mangyari lang po na agad makipag-ugnayan sa inyong lingkod o sa ‘Secretariat’ ng NPC sa ‘telephone number’ (02) 3010521. Salamat po!

* * *
   
Pagbati naman at pasasalamat sa buong kasapian ng Bulacan Press Club sa pangunguna ni kasamang Carmela Reyes sa mainit na pagtanggap ng kanilang grupo sa “delegasyon” ng NPC na dumalo sa pagdiriwang ng ika-166 kapanganakan ni Gat. Marcelo ‘Plaridel’ del Pilar noong Agosto 30.

Ginanap ang selebrasyon sa kanyang “bantayog” sa Bgy. San Nicolas, Bulacan, Bulacan, kung saan isa ako, bilang pangulo ng NPC, sa napiling magsalita.
    
Muli, salamat kasamang Carmela at sa iyong grupo sa inyong pagsisikap na hindi ‘ma-etsa puwera’ ang NPC sa naturang okasyon. Mabuhay kayo!
    
Kasama ng ating delegasyon sina NPC treasurer Mina Navarro at Dir. Boying Abasola. Kasama rin namin si Remate ‘photographer’ Crismon Heramis bilang “maniniyot” na malaki rin ang naging pagod -- pero “sulit” naman, hehehe!
    
Dalawang taon na ngayong isinusulong ng NPC na ideklara bilang ‘National Press Freedom Day’ ang kapanganakan ni Gat. Plaridel.
    
Ito ay bilang pagkilala sa kanyang naging mahalagang papel bilang peryodista, propagandista at tunay na makabayan na naglatag ng mga pundasyon para sa pagtatayo ng Katipunan na siya namang nagsulong ng rebolusyunaryong pag-aaklas ng mga Pilipino upang makamit ang ating kalayaan mula sa kamay ng Kolonyalistang Espanya.
    
Kumbaga, “huli man daw at magaling…magaling talaga kaya dapat lang, hehehe!
    
’Yun nga lang, “nasilat” ang ating pagkakamit ng tunay at ganap na kalayaan dahil sa pagpasok sa eksena ng Imperyalismong US -- at mga serye ng pagtataksil sa interes ng ating bayan ng mga ‘Ilustrado’ sa pangunguna ni Gen. Emilio Aguinaldo.
    
Gaya ng alam na ng karamihan ngayon, kung si Gat. Marcelo ang “utak” ng Katipunan, si Gen. Aguinaldo ang “utak” sa pagpatay kay Katipunan Supremo Andres Bonifacio at Gen. Antonio Luna, ang unang “CGPA” (Commanding General, Philippine Army).
    
‘At any rate,’ nagpapasalamat din tayo kina Gov. Wilhelmino Alvarado, Vice Gov. Daniel Fernando, kay Bulacan Mayor Patrick Meneses sa kanilang mainit na pagtanggap sa NPC.
    
‘Special mention’ siyempre, ang “matikas’ na anak ni Gov. Alvarado, si Bulacan 1st district Rep. Jonathan R. Sy-Alvarado na inaasahan nating maghahain ng panukala sa Kongreso sa susunod na linggo upang suportahan ang panawagan ng NPC na gawing ‘National Press Freedom Day’ ang kaarawan ni Gat. Marcelo.
    
Bagaman “bata pa,” bumilib tayo sa galing magsalita ni Cong. Alvarado, kumbaga, “panis” ang kanyang “erpat,” hehehe!
 
Salamat ulit, Cong. Alvarado sa iyong pagkilala sa NPC at pagtulong na makamit ng inyong kababayan na si Gat. Marcelo ang pagkilala na “ipinagkait” sa kanya ng mga Amerikano -- nang “piliin” ni US civil governor to the Philippines, William Howard Taft si Jose Rizal bilang “pambansang bayani” ng mga Pilipino at hindi si Gat. Marcelo.
   
At naniniwala tayo, mga kabayan, na sa ilalim ng administrasyon ni Pang. Rody, ang “kampanyang” ito ng NPC at mga ‘Bulakenyo’ ay magkakaroon ng katuparan, taliwas sa naging karanasan ng mga mamamahayag sa anim na taon ni PNoy sa Malacañang.
 
Ano ba ang naging “karanasan” ng ‘media’ sa administrasyon ni PNoy? Eh di… “nganga!”