5,156 guests

Maine: Mahal din kita Alden!

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 723

PINAKAWALAN na ni Maine Mendoza ang mga salitang, “Oo, mahal din kita Alden!” sa weeksary nila ni Alden Richards sa Kalye Serye kahapon ng Eat Bulaga.

Natural, sigawan at palakpakan to the max ang audience sa Broadway and for sure ang televiewers sa tugon ni Maine sa tanong ni Alden na, “Mahal mo ba ako, Maine?”

Marami nga ang nag-akala na freeze frame ang kasunod na eksena sa tanong si Alden. Pero mali ang lahat. Sumagot muna si Meng bago nag-freeze ang Kalye Serye, huh!
   
Siyempre, may mga troll/hater/basher sa eksenang ’yon. Ang importante, natupad ang wish ng AlDub Nation na magkatuluyan ang dalawa.
   
Bale 59th weeksary ng AlDub ang eksenang ’yon sa Kalye Serye na number one sa trending sa Twitter ang hashtag na #ALDUB59thWeeksary.

* * *

HOST and dancer naman ang drama ni Tom Rodriguez sa #Like na magsisimula ngayong Sabado, Setyembre 3, after Eat Bulaga.
   
Makakasama niya ang Internet dance sensation na si Balang sa pag-iikot sa mga barangay.
   
Labanan ito ng online celebrities na umani ng million views na karamihan ay na-feature sa Kapuso Mo, Jessica Soho.
   
Ngayon, magbabakbakan sila sa isang one-of-a-kind street battle sa barangay.
   
“Imagine ’yung ganoong feeling nila na instant fame na makukuha nila. Ang daming ganitong segments sa Kapuso Mo, Jessica Soho, so, why not place them in one show and turn them into competition although a bit friendly in a way.
   
“Ang dami nating puwedeng outlets sa buhay ngayon. It’s a positive way of preoccupying and entertaining themselves,” pahayag ni Tom sa bagong show.
   
Si Balang ang mamumuno sa Taumbayan Likers na binubuo ng 100 barangay members upang mamili ng winner na may P25,000 cash prize.
   
Sa unang episode, hatawan ang labanan ng dance group pero nasa ibabaw sila ng bubungan.
   
May singing contest ding mapapanood ang Internet sensations.

* * *

HINUSGAHAN ng ilang members ng press ang half-Pinay, half-Japanese na si Jeniffer Burn nang kumanta siya matapos ipakilala ang sarili sa kanila.
   
Aprubado ang boses niya at ganda ng mukha, huh!
   
Discovery ng dating artista na si Victoria Ozawa (Vickie Varga ang screen name) si Jeniffer.
   
Marian Omiro ang totoo niyang pangalan pero ginawa itong Jeniffer Burn dahil hawig niya ang Hollywood actress na si Audrey Hepburn.
   
Komo hilig talagang kumanta at tumugtog ng gitara, nakapag-compose na ng maraming Japanese original songs si Jeniffer.
   
Nilapatan niya rin ng English lyrics ang Japanese songs na nagawa at nagsisimula na rin siyang mag-compose ng Tagalog songs.
   
Nagpunta sa bansa ang baguhang singer upang mag-record ng album na pamamahalaan ni Vehnee Saturno.
   
Tapos, babalik muna siya ng Japan. Meron din kasi siyang commitments doon bilang singer.
   
Sa kuwento ni Jen, sinubukan niyang kumanta habang naggigitara sa train stations sa Japan upang mapulsuhan ang mga tao kung gusto ang boses niya.  Pero ngayong susubukan na niya ang pagkanta sa ’Pinas, malay natin, mas lumawak ang crowd niya lalo na’t kakaiba ang timbre ng boses niya, huh!
   
Suportado si Jeniffer ng kumpanya ni Vickie na Victoria Project Co. Ltd. at ng JP Construction mula sa Japan.