6,407 guests

P73M pasalubong kay hepe

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 405

Hala bira!

NAKU po, ano na ba nangyari sa taong ito?

Parang na-Oktubre sa katakawan sa pera. Noong mga bata pa kami, kapag para kaming halimaw sa kagutuman na halos hindi na ngumunguya, na-oktubre ang tawag sa amin ng mga magulang namin.

Ganito ang dating ngayon ng bagong talagang opisyal sa pamahalaan na ikinagugulat ng marami.

Nang mainis si Pangulong Digong kailan lang, nabanggit niya ang ahensiyang ito na kabilang sa mga korap na kailangang linisin.

Siguro, pumasok na sa sistema ni hepe ang pagiging korap ng kanyang ahensiya kaya isinabuhay na niya ito para kasama siya sa mga nakikiuso.
 
Ayon sa ating source, dalawang linggo pa lang siyang naitatalaga sa posisyon ay bumira na agad itong si hepe.
   
Aabot sa P73 milyon ang tinanggap ni hepe mula sa mga stakeholder sa kanyang ahensiya.
   
In fairness kay hepe, hindi naman niya inutos ang pagkulekta ng “pasalubong” dahil inisyatibo lang ito ng magkapatid na may hanapbuhay sa kanyang opisina.
   
Pinairal ng mag-utol ang kanilang abilidad at hiningian ang mga negosyanteng may interest sa ahensiya para mabigyan nila ito ng pasalubong.
   
Tipong pasikat at galante sa hindi nila pera.
 
Iyong ibang dumating na bagong hepe, masigabong palakpakan lang ang pasalubong pero itong si boy na-Oktubre ay P73 milyon.
   
Siguro itatanong n’yo kung bakit naman biglang nagboluntaryo ang magkapatid na ipangulekta si hepe gayong kabago-bago lang nito. May pinagsamahan ba si hepe at ang magkapatid?
   
Ang sagot po ay yes, sanggang-dikit sila dahil noong hampas-lupa pa si hepe at pagala-gala, sila utol ang kumupkop sa kanya sa isang lalawigan gawing Mimaropa.
   
Pero ang masakit na bahagi rito, nabukulan pa si hepe dahil ayon sa ating source, umabot sa P98 million ang nakulekta para pasalubong kaya lang kinupit ng mga ito ang P25 million.
   
Lundag na sa tuwa si hepe sa P73 milyon dahil first time niyang nakakita ng ganoong kalaking pera mula pa sa kanyang pagka-fetus hanggang sa kawatan.
   
Ang hindi niya alam, nagamit pa siya ng magkasindikatong mag-utol.
   
Tuso man daw ang matsing na hepe, naiisahan din!
   
Naka-double whammy ang mag-utol dahil ang balita natin, kumita na sa pasalubong, kumita pa sa negosyo nila sa loob ng ahensiya courtesy of gutom na hepe.
   
Ilang ahensiya lang naman ang palaging binabanggit ni President Rody na patuloy ang katiwalian gaya ng GSIS, SSS, LTO, CUSTOMS, LRA at LTFRB.
   
Isa kaya sa mga ahensiyang ito ang sinasabi ng ating source na kumita kaagad ng P73 milyon nang walang kahirap-hirap?
   
Kayo na lang ang bahalang humula basta ang sigurado, may bago siyang relo na nagkakahalaga ng P500,000.
   
Madali lang makilala si hepe, siya iyong mistulang daga noon na walang matuluyan pero biglang tinamaan ng suwerte dahil sa kanyang paglutang sa kampo ni President Rody sa mga huling yugto ng eleksiyon.
   
Buwenas din ito, dumating siya sa buhay ni Digong noong panahong 34 to 38% na ang popularity rating ng kandidato ng bayan at sigurado na ang panalo.

* * *

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..