4,571 guests

Bagong silang nakuha sa basura

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 318

ISANG bagong silang na sanggol na babae ang natagpuan sa bunton ng mga basura kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Halos wala nang buhay ang sanggol nang madiskubre dakong alas-4:30 ng hapon ng mga nangangalkal ng basura sa kahabaan ng Gen. T. De Leon kaya’t kaagad nila itong isinugod sa pagamutan bago ipinabatid sa mga awtoridad.
   
Tumanggi naman ang mga pulis na nakatalaga sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na ibigay ang mga nakalap nilang detalye kaugnay sa pagkakatagpo sa babaing sanggol na ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan sa Valenzuela City Medical Center.
   
Napag-alaman na nangunguha ng mapapakinabangan sa bunton ng mga basura ang ilang mangangalkal, kabilang ang hindi na pinangalanang ginang na siyang nakadiskubre sa isang plastic bag na naglalaman din ng mga basura.
   
Laking gulat na lang ng ginang nang tumambad sa kanyang paningin ang isang kapapanganak pa lamang na sanggol na nakabalot din ng plastic ang buong katawan nang bulatlatin ang laman ng plastic bag. Hindi na nagdalawang-isip ang ginang at kaagad na isinugod sa pagamutan ang sanggol.
   
Nasa pangangalaga na ngayon ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare ang sanggol habang nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Valenzuela police WCPD upang alamin kung sino ang may kagagawan sa pagtatapon ng buhay na sanggol sa bunton ng basura.