7,072 guests

Tanong ni Sen. Gringo, hudyat ng karma kay De Lima?

  • Written by Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 488

SINULAT ko ang impeachment trial ni yumaong Chief Justice Renato Corona. Sa aking kolum noong May 20, 2012, na ang pamagat ay “Sa ikabuturan ng Inyong Puso,” mula sa bibig ni Senador Gringo Honasan, na para sa akin ay ang pinakamagandang salita  na nabanggit sa paglilitis, ay sinulat ko ang sumusunod:

“Sa kabuuhan ng pag­lilitis, may salita na mababanggit ko sa aking mga anak at apo, kung ako’y tatanungin tungkol rito. Ang tanong at salita ni Sen. Gringo Honasan sa testigo ng gobyerno na si DOJ Secretary Leila De Lima.
   
Sabi ni Sen. Gringo:
   
“Madame Secretary, sa Saligangbatas ay sinasabi “No person shall be deprived of life, liberty and property, without due process of law.” So, maliwanag po na pinu-protektahan ng batas ang buhay, kalayaan at pag-aari ng tao.
   
Paano po ang honor o karangalan ng tao? Hindi po ba mahalaga rin na protektahan ng batas ang dangal ng tao? Sinabi ko po ito dahil may kilala akong tao, na mas mahalaga ang turing sa kanyang dangal, kaysa kanyang buhay.
   
Sa kaibuturan ng inyong puso, Madame Secretary, bilang isang mamamayan at hindi Secretary, sa palagay n’yo po ba ay hindi nalalabag ng gobyerno ang pagkatao at dangal ng nasasakdal at kanyang pamilya sa ginagawang paglilitis ng gobyerno.”   
   
“Binanggit ko ito dahil sa hiling ng prosekusyon na ipatawag ang mga anak at asawa ng Chief Justice upang tumestigo laban sa kanya, gayong alam nila na sa ilalim ng ating batas ay hindi maaaring tumestigo ang anak laban sa ama o asawa laban sa asawa.
   
Hindi ba naisip ng prosekusyon na nasasaktan at nadudungisan rin ang dangal ng mga anak sa ginagawang paglilitis sa kanilang ama?
   
Hindi nasagot ni Sec. De Lima ang nasabing tanong ni Sen. Honasan.”

* * *
   
Ang nabanggit na salita ni Gringo ay mahalaga sapagkat tinukoy nito kung parehas at alin­sunod sa Konstitusyon ang ginagawang paglilitis ng gobyerno laban sa yumaong Punong Mahistrado.
   
Sinabi ko sa kolum na ang ating mga karapatan at kalayaan ay nakasalalay sa tinatawag nating “due process of law,” ang karapatang malaman ng sinuman ang mga bintang sa kanya at marinig siya bago husgahan.
   
Subalit sa kaso kasi ni Corona, hindi pa man nagsisimula ang paglilitis ay pinalabas na ng Malacañang ang pagmamay-ari niya ng 45 bahay at mga lupain, na sa paglilitis ay lumabas na hindi totoo, sapagkat ang mga sinabing pag-aari ni  CJ ay pag-aari pala ng ibang tao. Nangyari ito dahil pinalabas ng Prosekusyon na lahat ng mga lupang nakalagay sa apelyidong Corona ay pagmaamay-ari ni CJ.
   
Sa paglilitis, tinanggap ng Senado ang hiling ng Prosekusyon na i-subpoena ang bank records ni Corona, batay sa mga xerox nito na hawak nila.
   
Ayon sa Prosekusyon, ang xerox ng bank records ni Corona ay ibinigay kay Cong. Umali ng isang matabang babae sa pasilyo ng Senado; hiniling nila na paniwalaan ang sabi ni Cong. Banal, na ang xerox na mga tulad na ebidensiya ay ibinato sa gate ng kanilang ta­hanan; at ang sabi ni Harvey Keh ng Kaya Natin, ang NGO nina Banal, na ang xerox ng $10 million deposit ni Corona, ay iniwan sa kanilang mailbox sa Quezon City.
   
Ang mga isinumiting ebidensya ng Prosekusyon ay pawang mga xerox, walang pirma at ’di matukoy kung kanino galing.
   
Sa ilalim ng prinsipyo sa batas, ang “fruit of the poisonous tree doctrine”, ang mga ebidensya mula sa ilegal na paraan ay ’di maaaring tanggaping ebidensya, subalit sa kabila nito’y  tinatanggap ng Senado.
   
At dahil pinate-testigo ng Senado ang asawa at mga anak ni Corona laban sa kanya, bagama’t ito’y labag sa batas, binanggit ni Gringo ang kanyang nasabing salita kay dating DOJ Secretary at ngayo’y Senadora De Lima.
   
Alam ni De Lima na ang ginawa nilang paraan sa paglilitis kay CJ Corona, gaya ng nabanggit ay mali at labag sa batas.
   
Ngayon, matapos akusahan ni Pangulong Duterte si De Lima sa kanyang partisipasyon sa bentahan ng shabu sa New Bilibid Prisons, kung saan di-umano’y tumanggap siya ng milyun-mil­yong piso, sa pamamagitan ng kanyang driver-lover, ay humihiling  ng “due process” ang senadora.  
   
Nakiusap siya kay Tatay Digong na tigilan na ang pagbibintang o paninira sa kanya, sapagkat aniya, nasasaktan ang kanyang pamilya, lalo ang kanyang mga anak.  
   
Karma.
   
Kung noon ay ’di nasagot ni De Lima ang tanong ni Sen. Gringo Honasan, ngayon ay tiyak na masasagot niya.