6,562 guests

Pangulong Duterte: Ilibing na si Makoy

  • Written by Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 553

WALA akong nakikitang mali sa posisyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na panahon na para ilibing si dating Pangulong Ferdinand “Makoy” Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ang argumento ni Digong na si Makoy ay dating pangulo ng Pilipinas at dating sundalo ay pawang mga ligal na batayan upang maihimlay na ang mga labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
   
Kaya nakaiinis ang pagtutol ng kakaunting pangkat ng mga makakaliwa at dilawan ni Noynoy Aquino sa pagpapalibing kay Makoy sa Libingan ng mga Bayani.
   
Wala namang nagsasabi na walang pagkakasala si Makoy, pero bakit pati ang paglilibing sa dating lider ng bansa ay haharangin pa ng mga kakaunting grupong makakaliwa at dilawan?
   
Kung titingnan at uunawaing mabuti nila ang kasaysayan, madidiskubre ng mga grupong ito na ilang pangulo at indibidwal na rin ang inilibing sa Libingan ng mga Bayani na maituturing na mga taksil at gumawa ng kalupitan sa mamamayang Pilipino?
   
Idiniin ni Digong na si Makoy ay hindi bayani, ngunit karapatan niyang ilibing sa Libingan ng mga Bayani dahil siya ay naging pangulo at sundalo.
   
Idiniin pa rin ni Duterte na ang paglilibing kay Makoy sa Libingan ng mga Bayani ay daan para sa paghihilom ng mga sugat na iniwan ng mga nagdaang administrasyon.
   
Kaya nga, hindi dapat pakinggan ang mga grupo ng leftist at dilawan sa kanilang kagustuhan na huwag ilibing si Makoy sa Libingan ng mga Bayani, dahil mayorya sa ating mga kababayang Pilipino ang gustong mailibing na si Makoy dito.
   
Mismong sa survey ng StratPolls, lumalabas na higit sa nakararaming mamamayan sa National Capital Region ang pabor na pabor ilibing si Makoy sa nasabing libingan.
   
Sa survey, 71.6 porsiyento ang pabor, samantalang 28.4 porsiyento lamang ang tutol. Ibig sabihin, napakalakas ng gustong matapos na ang isyu sa paglilibing kay Makoy sa Libingan ng mga Bayani.
   
Sa kabilang banda, malinaw na tanging layunin ng grupong kaliwa na maipalaganap ang kanilang gasgas na propaganda at makakuha ng suporta para sa kanilang naghihingalong samahan.
   
Ganu’n din naman ang grupong dilawan na nagnanais na mapabagsak ang administrasyon ni Digong gamit ang isyung ‘Marcos burial.’
   
At uulitin ko, malinaw din ang gusto ng taumbayan na maituloy na ang paglilibing kay Makoy sa Libingan ng mga Bayani.
   
Hindi dapat pinakikinggan pa ang mga grupong ito na napakaliit ng bilang kung ihahambing sa higit 100 milyong Pilipino na nais  matuldukan ang isyu sa paglilibing kay Makoy.
   
Kung tutuusin, nakakainis na ang mga makakaliwang grupo at  ang kakutsaba nitong dilawan ni Noynoy, dahil daldal nang daldal, pero wala namang nagawang mabuti kailanman para sa mga mahihirap.
   
Kaya, tama si Digong nang inguso niyang ‘tama na, sobra na, ilibing na si Makoy sa Libingan ng mga Bayani!’

* * *

UST ALPHA PHI OMEGA 55TH ANNIVERSARY
   
Binabati  ko ang Alpha Phi Omega Fraternity, PI Chapter (UST), sa kanilang 55th founding anniversary. Ang APO ay itinatag sa Universidad ng Santo Tomas noong August 23, 1961.
   
Kaugnay ng pagdiriwang, sa August 20, 2016 (Sabado) magkakaroon ng “Family Day” ang mga brod at sis sa Deo Gracias Resort, Antipolo City.
   
Sa August 23, 2016 naman (Martes) gagawin ang anniversary celebration sa Valle Verde Country Club, Pasig City sa ganap na 6 ng gabi.
   
Libre ang okasyon sa lahat ng PI chapter members, samantalang ang mga guest ay mag-aambag ng P1,500 bawat isa, para sa mga proyektong gagawin ng UST APO sa taong ito.
   
Ang APO ay isa sa mga nagtatag ng FROUST (Fraternal Organization of the University of Santo Tomas) noong 1976 sa nasabing pamantasan, ang kauna-unahang pagkakaisa ng mga kapatiran sa Pilipinas, sa pamumuno ng mga lider nilang sina Tony Dimaano at yumaong Melvin Jasmines.
   
Isa rin ang APO sa nanguna sa pagtatayo ng NKBK (Nagkakaisang Kapatiran para sa Bayan at Kabataan), ang unang pangkalahatang pagkakaisa ng limang pinakamalalaking kapatiran sa buong Pilipinas, nitong nakarang Hunyo 15, 2015.
   
Para sa mga katanungan, maaaring tawagan si APO Sis Leah Galang sa 09224668659.