6,313 guests

Gawing ehemplo si Hidilyn

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 373

Pointguard

Mainit ang naging pagtanggap ng ating mga kababayan kay Airwoman 2nd Class Hidilyn Diaz na nag-uwi ng karangalan matapos ang napakatagal na panahon nating pagkauhaw sa medalya sa Olympics.

Taong 1996 nang huling tumanggap ng medalya ang Pilipinas sa larangan ng boksing sa katauhan ni Onyok Velasco na nag-uwi rin ng silver medal.

Kaya naman kabilang ang inyong lingkod sa taas-noong mga Pinoy na kumikilala sa silver medal na pasalubong ni Hidilyn mula sa Rio Olympics.

Si Hidilyn ay ang ating naging pambatong atleta sa 53kg wo­men’s weightlifting at ang pagkakasungkit niya sa ikalawang puwesto ay talaga namang hindi sumorpresa kay Diaz.

Nang kilalanin ang performance ay kitang-kita sa kanyang mukha ang pagkabigla sa nakuhang silver medal.
   
Bagama’t kumpiyansa at talaga namang ibinuhos niya ang lahat ng makakaya sa pagsabak sa kumpetisyon, ipi­namalas ni Diaz ang kababaang-loob sa buong panahon ng laban.
   
Ito ang tunay na kapuri-puri sa Pinay athlete na ito. Hindi nauna ang yabang na kadalasang pagkakamali ng marami.
   
Kaakibat ng pagpapamalas niya ng kababaang-loob ay ang hindi niya pagkalimot sa Poong Maykapal na siyang instrumento kaya siya na­ngibabaw sa laban.
   
Kaya naman sa biglaang press conference ay paulit-ulit ang ginawang pasasalamat ni Hidilyn sa Maykapal.
   
Inialay din niya ang kanyang tagumpay sa kanyang ina na pagpapakita na isa siyang mapagmahal na anak.
   
Kasabay ng pasasalamat ay isang hamon ang kanyang binitiwan sa mga kapwa atleta na kakayanin ng mga ito ang anumang laban.
 
“Kung kaya ko, kaya n’yo rin. Don’t give up. Walang imposible sa Diyos.”
   
Tama si Hidilyn, kailangan lamang talaga ng paniniwala sa sarili upang maging matagumpay tayo lalo na sa larangan ng sports.
   
Katulad ng Zamboangueña Olympic medalist, napag-alaman nating mahabang panahon ang kanyang ginugol bago siya nagtagumpay.
   
Hindi birong pawis, di­siplina, pagsasanay, tamang diet, pangangalaga sa katawan at panahon ang ibinuhos bago narating ang tagumpay.
   
Umabot daw sa labing-apat na taon siyang naghanda hanggang sa dumating na nga ang kanyang pagkakataon sa Rio Olympics.
   
Hindi matatawarang pasensya ito dahil napakahaba ng panahon ng kanyang paghihintay para sa “perfect time”.
   
Ibig sabihin, hindi niya inapura ang tamang panahon. Nagtiyaga talaga siya. Isang bagay na importanteng matutunan, lalo na ng mga kabataan, sa bagong bayaning ito.
   
Higit sa lahat ay mahalaga ang tiyaga, deter­minasyon, ibayong disiplina at hindi ina­purang pagpapahinog upang maabot ang katulad na tagum­pay na inani ni Hidilyn.