5,310 guests

Tama ang Pang. Rody, panahon na para ilibing si Apo Ferdie

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 332

KAAWA-AWA ang kalagayan ng libu-libong kababayan natin na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.

Kaugnay nito, hirap din ang kalagayan ng mga pamilya ng mga apektadong OFW dito sa bansa. 

Hindi lang nagugutom kundi nagkakasakit na ang mga asawa, anak at iba pang kamag-anakang umaasa sa mga OFW. 

Ilang buwan na silang walang tinatanggap na pera galing sa Saudi.
   
Sa totoo lang, kung hindi dahil sa anti-drug campaign ng gobyerno, siguradong laging headline ng mga diyaryo ang nangyayari sa Saudi.
   
Hindi biro ang pagkalugi ng ilang malalaking kumpanya sa  naturang bansa.
   
Dahil nalugi, napilitan ang mga kumpanyang ito na tanggalin ang mga manggagawa nilang mga banyaga.
   
Huwag nating kalimutan na karamihan ng mga OFW sa Gitnang Silangan ay nasa Saudi.
   
Ngayon ngang patuloy pa ang pagbaba ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado ay baka mas marami pang Saudi companies ang malugi at magsara.
   
Pag-uwi ng mga OFW, saan kaya natin isisiksik ang mga kawawang kababayan natin na ito?
   
Krisis ang kakaharapin natin.
   
Malaking problema ito ng administrasyong Duterte.

* * *

Panahon na para ilibing si yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.
   
Tama lang ang desisyon ni Pangulong Duterte na payagang ilibing si Apo Ferdie sa libingan ng mga bayani.
   
Hindi natin maiaalis sa kasaysayan na naging sundalo at presidente ng bansa si Marcos.
   
Huwag nating kalimutan na sinabi mismo ng Diyos na lahat tayo ay makasalanan.
   
Sino tayo para husgahan si Marcos?
   
Hanggang ngayon nga ay pinakikinabangan natin ang kanyang mga itinayo na kagaya ng heart, kidney at lung centers.
   
Nandiyan din ang Folk Arts theater, PICC, NLEX, San Juanico Bridge at iba pa. 
   
Magaling din sa planing si Marcos. Sino ba utak n’yang reclamation area, na kilala ngayong entertainment city?
   
Matagal nang patay si Marcos.
   
Sabi nga ni Pangulong Rody, ilibing na para matapos na ang pagkawatak-watak ng bansa. Ang mahirap kasi sa iba nating kababayan, masyadong mga epal.
   
Ang dapat nating atupagin ay ang pag-address sa mga problemang pinabayaan ng nakaraang administrasyon.
   
Huwag na nating pagkaabalahan ang mga patay. Pagtulungan nating labanan ang iligal na droga, katiwalian sa gobyerno, kahirapan, kawalan ng trabaho at walang katapusang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
   
Payag ba kayo, dating Pangulong Noynoy Aquino?

* * *   

Hindi magtatagal ay magsisimula na ang pagdating sa bansa ng mga tinatawag na “Christmas item.”
   
Ito ang imported goods na kinalolokohan ng mga Pinoy sa panahon ng Kapaskuhan.
   
Kabilang na dito ang mga laruan, paputok, Christmas light at iba pang Christmas items.
   
Nandiyan pa ang mga padalang pamasko ng ating mga kamag-anak at kaibigan na nagtatrabaho o naninirahan na sa labas ng bansa.
   
Inaasahan ding tataas ang koleksiyon ng customs habang papalapit ang Kapaskuhan.
   
At dapat siguraduhin ng Bureau of Customs (BoC) na walang mangyayaring port congestion.
   
Kung hindi ay baka maantala ang paglabas ng mga Christmas item.

Maaga kasing namimili ng pang-regalo ang mga kababayan para makamura.
   
Inaasahan din ang mabilis na pagsubasta ng BoC sa mga abandonado at kumpiskadong kargamento sa iba’t ibang pantalan.
   
Makakadagdag sa 2016 revenue collection ng BoC ang mapagbibilhan ng mga kargamentong ito.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).