4,752 guests

2 drug suspects utas sa pulis

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 250

Dalawang lalaki na sangkot umano sa iligal na droga ang nasawi sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Quezon City kamakalawa.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), isa sa mga suspek ay kinilala sa alyas na Machete, 30-35-anyos, may taas na 5’5”, katamtaman ang katawan, moreno at nakasuot ng itim na short pants at itim na shirt; at ang isa pa ay nasa 25-35-anyos, may taas na 5’6”, moreno, katamtaman ang katawan, may tattoo sa katawan at nakasuot ng kulay dilaw at asul na shirt at itim na pants.
   
Nangyari ang unang operasyon kay Machete ng tropa ng Police Station 6 Station Anti-Illegal Drugs (SAID) sa pamumuno ni SPO1 Jun Ralph Piñero sa Freedom Park, Bgy. Batasan Hills, QC, dakong alas-6:55 ng gabi.
   
Sinasabing si Machete ay pang-34 sa drug personality na tinutugayga-yan sa PS-6 dahil sa operasyon nitong iligal na droga sa Batasan Hills.
   
Sa ikinasang buy-bust operation, nagkunwaring buyer ng shabu si PO2 Amiruddin Ibrahim pero habang isinasagawa ang palitan ng items ay nakatunog umano si Machete at nagbunot ng kanyang baril saka pinaputukan ang una, hanggang sa mauwi sa barilan na ikinasawi nito.
   
Narekober sa lugar ang isang ka-libre .45 na baril na may tatlong piraso ng bala, tatlong basyo ng bala nito at 14 plastic sachets ng shabu at halagang P300 na buy-bust money.
   
Samantala, dakong alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang pangalawang insidente sa kahabaan ng Meralcoline Kangkungan, Victory St., Bgy. Tatalon, QC.
   
Nagsasagawa umano ng anti-illegal drug operation ang tropa ng PS-11 sa pamumuno ni Chief Insp. Marciano Navarro sa lugar nang mapuna nila ang suspek na nakatayo dito na may nakasukbit na baril sa kanyang baywang.
   
Nang lapitan ng mga operatiba ang suspek ay biglang nagtatakbo ito hanggang sa mauwi sa habulan. Pero bago makorner ang suspek ay pinaputukan nito ang mga operatiba dahilan para gumanti ang mga ito ng putok at siya’y masawi.
   
Narekober ng mga operatiba sa lugar ang isang kalibre .45 na may apat na bala, anim na plastic sachet ng shabu sa bulsa ng suspek, at picklock at assorted tool na naka-lagay sa itim na sling bag.