7,901 guests

Ama tinodas ng anak

  • Written by Cesar Reyes
  • Published in Provincial
  • Read: 234

ABRA -- Isang Merlinda Bersalona ang tumawag at nagreport sa mga tauhan ng Luba Municipal Police Station 9 p.m. kamakalawa na isang Jerry Pisquil Cruzada, a.k.a. Paeng, 35, may asawa, walang trabaho, ng Bgy. Luzong, Luba, ang umamin sa kanya na umano ay nabaril niya ang kanyang ama sa kanilang tahanan.

Agad pinuntahan ng pulisya ang nasabing lugar at nakita nila ang wala nang buhay ng biktima na kinilalang si Nestor Samuel Cruzada, a.k.a. Lito, 58, biyudo, magsasaka, ng nasabing lugar na may tama ng bala sa ulo.
   
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, sinasabing ang suspek at ang kanyang ama, kasama ang dalawang hindi pa nakikilalang kaibigan, ay nag-iinuman sa kanilang bahay at nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama.
   
Bumuno umano ang biktima ng pinaniniwalaang kalibre .38 na baril pero naagaw ito ng suspek at naiputok sa ulo ng biktima na agad nitong ikinamatay.
   
Ang suspek ay naaresto agad sa isinagawang follow-up operation ng Luba police ngunit hindi narekober ang armas na ginamit sa krimen.
   
Ang suspek ay kasalukuyang iniimbestigahan para sa dokumentasyon at sa paglalatag ng kaso laban sa kanya.