4,822 guests

‘Ang Probinsyano’ sa mga kalsada

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 552

Maraming episodes din akong napanood sa teleseryeng ”Ang Probinsyano” ng ABS-CBN channel 2 at hanggang ngayon ay pinanonood ko ito sa tuwing may panahon ako sa gabi. Ngunit may matagal nang bumabagabag sa akin sa teleseryeng ito na lagi kong napapansin kaya nagpasiya akong isulat na ito.

Pangunahing aktor sa “Ang Probinsyano” si Coco Martin na halos sinubaybayan ko rin sa teleserye niyang Juan De La Cruz noong nakaraang taon. Ginagampanan niya sa kasaluyan ang karakter ni PO3 Ricardo Dalisay. Kasama niya ang iba pang mahuhusay na aktor na gumaganap dito sa Ang Probinsyano. Bigatin ’ika nga!
    
May kakayahan nga lang din si Coco o ang producer nito na pahabain ang puwede nang matapos na kuwento ng dalawang teleseryeng binanggit ko. Nagdaragdag sila ng mga kilalang aktres o aktor sa tuwing tila puwede nang matapos ang kuwento ng teleserye kaya hahaba muli ang kuwento. Marami ulit kakalabanin na masasama ang bida ‘ika nga. Mas tumutok nga lang sa mga kalabang halimaw ang Juan De La Cruz.
    
Isang kapansin-pansin lang sa teleseryeng “Ang Probinsyano ay ang pagtitinda ni Lola Kap o “Kapitana” Flora  ng kanilang barangay sa kalsada mismo. Ang karinderya ni Lola Kaps ay nasa loob ng garahe at ang mga mesa’t upuan ay nasa kalsada sa harap ng garahe. Si Ms. Susan Roces ang gumaganap na Lola Kaps.
    
Tila nakalimutan ni Lola Kaps na ang kalsada ay pag-aari ng estado o mamamayang Pilipino at hindi ito pribadong pag-aari ng kanyang pamilya. Ang kalsada ay daanan ng mga tao at sasakyan. Hindi ko na nga makita ang bangketa sa harap ng kanilang karinderya.
    
Isang malaking eksena o ”big scene” sa teleseryeng ito ay ang pagkakaroon ng malaking street party handog kay Police Chief Superintendent Delfin Borja na ginagampanan ni Jaime Fabregas na kapatid naman ni Lola Flora.
    
Maraming itinuturong positibo at magagandang ”values” ang teleserye. Ngunit tila nalimutan ng producer, writer, director, maging ng mga artista na hindi tama o positibo ang pagdadaos ng personal na pagdiriwang ng kaarawan ng isang pinuno pa naman ng pulisya sa kalsada ng mga mamamayang Pilipino. Sa wikang Ingles, contrived ang eksenang ito o kaya’y pinilit o pilit ‘iks nga.
   
Nauunawaan kong kailangang nakahantad si “General” Borja sa eksenang ito upang mabaril siya ng hitman na si Mercurio na ginampanan ni Cesar Montano. Ngunit maraming mapanlikhang paraan upang maisagawa ang ganitong layunin. Nakapagtataka ngang pagkaraang mapatay ni Mercurio ang ilan nang matataas na opisyal ng pulisya, hindi pa rin nag-ingat si Borja at sa mismong kalsada pa idinaos ang kanyang kaarawan. Si Lolo Flora na laging pinag-iingat ang kanyang mahal na pamilya ay hindi rin naisip ito? At tila may alak pa sa party kung hindi ako nagkakamali. At ano ang nagawa ni “Gen” Borja sa komunidad nina Kardo upang mabigyan siya nang ganoong kalaking pagdiriwang ng mga taga-barangay. Ni hindi nga siya nakatira sa barangay ni Lola Flora. Ang lahat ng ito ay para kay hitman Mercurio. Easy target ’ika nga.
    
Ngunit hindi talaga tama ang pagkakarinderya ni Lola Kaps sa may kalsada. Sinundan pa ito ng mga episodes ng isang karinderyang nagtitinda ng karne ng aso na sa may garahe rin at sa kalsada rin nakapuwesto ang mga mesa’t upuan para sa mga kumakain! Kakumpitensya ni Lola Kaps na mali rin ang ginagawa.
 
Tagapagpatupad ng mga batas sa komunidad o barangay si Lola Kaps o Punong Barangay (PB) Flora Borja. Kaya dapat ay alam niyang bawal magtinda o magkarinderya sa kalsada. Maraming kinakalaban na kasamaan at labag sa batas na sindikato si Kardo Dalisay, ngunit tila hindi niya napansin ang paglabag ng lola niya sa pagtitinda. Alalahanin lang na maraming nanonood gabi-gabi sa teleseryang ito. Kailangan marahil maitama ang mali.
    
Malaking bagay ang paglabag na ito sa mga batas at  ordinansa ng mga lunsod at munisipyo. Malaki ang problema natin ngayon sa sobrang trapik sa mga pangunahing lansangan. Krisis na ito. Ang barangay nina Kardo ay isang kalsada na maaaring makatulong sa paggaan ng trapik. Iniisip ko din na ang kinakain ng mga suki ni Lola Kaps ay punong-puno ng alikabok, usok ng sasakyan at kung anu-ano pang mga mikrobyo dahil nakahantad ang mga pagkain habang kumakain ang kanilang parukyano. Mungkahi kong  i-review ng producer ang kanilang teleseryeng ito. (This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)