5,341 guests

930 drug personalities sumuko sa Aurora

  • Written by Mamer Bañez
  • Published in Provincial
  • Read: 408

BALER, Aurora -- Dahil sa panawagan ng pamahalaang Duterte na kusang sumuko ang mga drug addict, ang lalawigan ng Aurora ay nakapagtala na ng 930 drug personalities na sumuko sa pulisya at ang Baler ang may pinakamataas na bilang ng drug users.

Sa report ni Insp. Arnold M. Gabrillo, chief of police ng Baler Police Station, inaasahan din ang pagdating ng mga taong gustong magbagong buhay at mangangakong hindi na babalik pa sa illegal na gawain kaugnay sa droga.
   
Nanawagan si Gabrillo sa publiko na makipagtulungan na kausapin ang iba pang mga gumagamit ng droga at nagbebenta nito na kung maaari ay magkusa na silang pumunta sa himpilan ng pulisya at huwag nang hintayin ang isasagawa nilang pagpapaigting ng kampanya laban sa illegal na droga.
 
Samantala, nagpalabas naman ang PNP regional office ng talaan na pang-apat ngayon sa ranking sa drug users at pang-anim naman sa drug pushers ang lalawigan ng Aurora.
   
Ayon kay Police Regional Office 3 director Chief Supt. Aaron N. Aquino, nangunguna umano sa mga drug surrenderee ang lalawigan ng Bulacan na may 2,803 na users at 88 na drug pushers, sumunod  ang Pampanga (1,065 users, 272 drug pushers) at Tarlac (882 user, 85 drug pushers). Tabla naman sa drug user surrenderees (882) ang Tarlac at Nueva Ecija. Sa Nueva Ecija naman ay may 35 drug pushers na nagbalik-loob.
   
Ang Bataan ay may 392 users at 71 drug pushers na kusang loob na sumuko sa pamahalaan at ang lalawigan ng Zambales ay may 33 users at 12 drug pushers na boluntaryong sumuko.