5,280 guests

Paalis na nga, nambuwisit pa!

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 279

ITO ang himutok ng mga kaanak ng ilang nurses nang i-veto ni Pangulong Aquino ang proposed Comprehensive Nursing Law.

Ang nasabing panukalang batas ay naglalayong tulungan ang mga nurse sa bansa.

Sa ilalim ng nasabing panukala, itataas ang minimum monthly pay ng isang nurse ng halos P26,000.

Kamakailan ay ibinasura din ni PNoy ang panukalang batas na nagbibigay ng P2,000 increase sa buwanang pension ng mga SSS pensioner.

Ang tingin tuloy ng mga tao kay Pangulong Aquino ay anti-worker at anti-poor. Palibhasa ay hindi daw nakaranas ng mahirap na buhay kaya hindi alam ang damdamin at kabuhayan ng isang mahirap.
   
“Ito’y hindi nakapagtataka dahil galing sa pamilya ng mga haciendero si PNoy,” ayon sa isang SSS pensioner.
   
Pero hindi nawawalan ng pag-asa ang mga nurse at SSS pensioner.
   
Siguradong ipapasa daw nang mabilisan ng 17th Congress ang dalawang panukalang batas na ibinasura ng Malakanyang.
   
Tiyak ’yon, sabi ng mga tagahanga ni Pangulong Duterte.

* * *   

Sampung araw na lang, magsisimula na ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.  
   
Sa aduana, talagang “under heavy pressure” ang bagong liderato ng Bureau of Customs (BoC) para mahigitan ang revenue collection ng papaalis na BoC chief, Bert Lina.
   
Dapat mapantayan o malampasan ni incoming Commissioner Nicanor Faeldon ang koleksyon ni Lina sa unang anim na buwan ng taon. 
   
Kaya simula Hulyo 1 ay kayod-kalabaw ang gagawin ni Faeldon at kanyang mga kasama.
   
Wala namang problema si Faeldon dahil masisipag ang karamihan ng mga opisyal at kawani ng BoC, lalo na ang mga rank and file na walang ginawa kundi  magtrabaho at sumunod sa mga utos ng mga boss sa aduana.
   
Pero huwag kalimutan nina Commissioner Faeldon na ang koleksiyon ay depende sa halaga ng mga parating na importasyon.
   
Ang ibig sabihin nito ay walang magagawa ang BoC kung walang kargamento na papatawan ng buwis.
   
Kaya nga dapat tulungan at hindi gipitin ng mga otoridad ang mga importer at broker.
   
Sila ang nagbibigay ng pera kay Juan dela Cruz na pinapasuweldo naman sa mga lingkod-bayan, kasama na ang mga taga-BoC.
   
Ang mga importer at broker ay hindi kaaway, kundi kaagapay in nation-building.
   
Tama ba, incoming Finance Sec. Sonny Dominguez?

* * *  

Hindi lang korapsyon at iligal na droga ang dapat pagtuunan ng pansin ni Pangulong Digong Duterte.
   
Pati illegal job recruiters ay dapat gamitan na ng kamay na bakal.
   
Maraming kababayan natin ang nasira ang buhay dahil sa kagagawan ng mga buwayang ito.
   
May mga naipagbili ang lupa at iba pang ari-arian, nakulong pa sa ibang bansa.
   
Nakakaawa naman ang mga biktima ng mga iligal na recruiter.
   
Kapag hindi nakaalis ng bansa, hindi rin makapagreklamo ang biktima dahil walang perang gagastusin sa pag-follow-up sa kasong isasampa laban sa recruiter.
   
Ang resulta? Dismiss ang kaso at tuloy na namang makakapam-biktima ang recruiter.
   
Panahon na para matigil ang panloloko ng mga recruiter na ito.
   
Walang pagkakaiba ang mga drug lord at iligal recruiter. Pare-pareho silang manloloko!

* * *

MGA REKLAMO AT REAKSYON:
   
Sana umalis na ’yang nagmamagaling na panot dyan sa Palasyo. Kasinungalingan ang alam. Wala namang nagawa -- MARIO GONZALO ng San Juan.
   
Trillanes, gusto daw maging defense adviser. Ang kapal ng mukha -- RICO E. ng Manila.
   
Inumpisahan nang magsipsip ni PNoy kay Duterte. Takot kasing makasuhan -- MARLYN CONSTANTINO ng Makati.
   
DepEd at Luistro patuloy na niloloko ang mamamayan ukol sa K-12. Parang idinagdag lang naman nila ng pwede mong kunin na vocational course. Mas maige pa nga dati, kapag ’di mo kayang mag-college, kuha ka na lang ng 6 months na vocational course. Samantalang ngayon, 2 taon pa ang idinagdag. Pati kinder ay ginawa ding mandatory! Hay, makamayaman din kasi itong si Luistro katulad ni PNoy -- ELVIE CO ng Caloocan.
   
Salamat sa text nina:  ROBERT PASCUAL ng QC, ELIZABETH SAYSAY ng QC, LIZA ONG ng Manila, CHYNNA AGUDO ng Pasay, MELODY H. ng Manila, DENNIS FLORENCIO ng Mandaluyong, ARLEEN SAMANIEGO ng Bulacan, EDWIN MIRANDA ng Laguna at SHARON PAGALA ng Muntinlupa.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).



Leave a comment

Make sure you enter all the required information, indicated by an asterisk (*). HTML code is not allowed.