Doble kaso na ang kahaharapin ng isang Filipino-American at ang kasama nito matapos na mahulihan pa sila ng droga habang isinasagawa ang pag-aresto sa kasong pagnanakaw kahapon ng umaga sa Pasig City.
Kinilala ni Eastern Police District director Chief Supt. Francisco Manalo ang mga nasakote na sina Jose Westly Reyes IV, 30, Filipino-American, residente ng Renaissance Tower, Meralco Avenue, Bgy. Ugong, Pasig City, at Jake Pascual, 47, residente ng White Plains, Quezon City.
Ang mga suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Pasay City Judge Amorfina Cerrado-Cezar.
Habang isinasagawa ang pag-aresto ay nahulihan pa ng limang pakete ng shabu ang dalawa sa loob ng kanilang tirahan.
Base sa record ng pulisya, ang mga suspek ay kinasuhan dahil sa pagnanakaw sa isang apartment ng Renaissance Tower kung saan ay nakunan ang mga ito ng CCTV na nakakabit sa nasabing condominium tower.
Ang mga suspek ay nakitang bitbit ang Louis Vuitton bags, bottles of a branded perfume at 37-inch LCD TV. Narekober din sa mga ito ang isang digital weighing scale, live ammunition ng M-16 rifle at .38 pistol.
Maliban sa robbery, ang dalawa ay sasampahan din ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms and ammunition.