Nagpautang, gustong makasingil


DEAR Chief Acosta,

Nais ko po sanang isangguni sa inyo ang aking suliranin sa pagkakautang ng aking business partner sa akin. Ako po ay may negosyo na pagbebenta ng herbal juices. Noong ika-1 ng Marso 2010, nanghiram po sa akin ang aking business partner ng worth P3,210 na products, nasundan po iyon noong ika-20 ng Marso 2010 ng P4,494 worth uli ng products at nagbigay po siya ng partial payment na P2,000 at nangako na babayaran ang kulang matapos ang isang buwan. Subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin po niya nababayaran ang kulang niya na P5,700. Ito lamang po ang aking pinagkakakitaan at malaking kawalan po sa akin ang ’di niya pagbabayad sa mga kinuha niyang products.

Sana po ay matulungan ninyo ako at magkasundo kami tungkol dito upang hindi na humantong pa sa pagsasampa ng kaso sa korte. Maraming salamat po.


Anne


Dear Anne,

Kahanga-hanga ang inyong adhikain na maareglo o ma-settle at maisaayos sa labas ng hukuman ang inyong suliranin sa inyong business partner. Malaki ang maitutulong ng inyong layunin sa pagbabawas ng mga kaso sa ating hukuman.

Kaugnay nito, maaari kayong personal na magsadya sa aming tanggapan upang kayo ay matulungan sa inyong pagnanais na maareglo na lamang ang inyong reklamo. Dito ay tatawagin ang dalawang partido at susubukan na maisaayos na lamang sa labas ng hukuman ang inyong reklamo.

Sa kabilang banda, halimbawang hindi naisaayos ang inyong kaso at inyong napagdesisyunan na magsampa ng kaso sa hukuman, ang unang dapat gawin ay magpadala ng liham ng paniningil (demand letter) sa may utang sa inyo sa huling pagkakataon bago kayo gumawa ng ibang legal na hakbang. Kung sa kabila nito ay hindi pa rin siya magbayad, maaari na ninyo siyang ireklamo sa inyong barangay kung kayo ay nakatira sa iisang barangay lamang o sa magkatabing barangay. Kung hindi pa rin kayo magkasundo at hindi pa rin ito magbayad, kayo ay iisyuhan ng katunayan na maaari nang isampa ang kaso sa hukuman galing sa barangay (certificate to file action from the barangay). Ito ay kakailanganin ninyo upang makapagsampa ng kaso sa hukuman laban sa may utang sa inyo. Kung kayo naman ay naninirahan sa magkaibang barangay, maaari na kayong dumiretso sa pagsasampa ng kaso sa hukuman.

Dahil ang halaga ng inyong sisingilin ay hindi hihigit sa P100,000, ito ay sakop ng tuntunin sa pagsingil ng maliliit na halaga o “Small Claims Rule.” Ito ay natatanging pamamaraan sa pagdinig kung saan ang halagang salapi na sinisingil ay P100,000 o mas mababa. Ang nasabing proseso ay simple at hindi pormal.

Maaari ninyong makolekta ang perang ipinautang ninyo sa inyong business partner sa pamamagitan ng pagsasampa ng “small claims action” sa Metropolitan Trial Court, Municipal Trial Court in Cities, Municipal Trial Court o Municipal Circuit Trial Court.  Kailangan ninyong i-file sa nasabing hukuman ang “accomplished and verified Statement of Claim (Form 1-SCC) in duplicate, accompanied by a Certification of Non-Forum Shopping (Form 1-A, SCC), and two duly certified photocopies of the actionable document/s subject of the claim, as well as the affidavits of witnesses and other evidence to support the claim. No evidence will be allowed during the hearing which was not attached to or submitted together with the Claim, unless good cause is shown for the admission of additional evidence” (Section 5, Rule of Procedure for Small Claims Cases As Amended [SC En Banc Resolution dated October 27, 2009 in A.M. No. 08-8-7-SC]). Ang nasabi pong mga forms ay makukuha sa alinman sa nasabing hukuman. Ang Clerk of Court o iba pang court personnel ay maglalaan ng kaukulang assistance sa inyo kung ito ay hihilingin ninyo patungkol sa “availability of forms” at iba pang impormasyon ukol sa coverage, requirements at maging procedure para sa small claims cases (Section 15, Ibid.).

Sa inyo pong pagpunta sa nasabing hukuman ay bibigyan kayo o maaari kayong humingi ng “Kaalaman para sa Naghahabla” o “Information for the Plaintiff” kung saan ay nakasaad ang inyong mga karapatan bilang naghahabla at ang mga dapat ninyong gawin para sa ikatatagumpay ng inyong isasampang kaso. Maaari rin po kayong magtanong tungkol sa inyong mga karapatan sa Office of the Clerk of Court (OCC) ng lugar kung saan ninyo nais maghain ng reklamo ukol sa pagsingil ng maliit na halaga.    Ang inyo pong lingkod-bayan,


PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA
Punong Manananggol Pambayan

Paunawa: Ang mga serbisyong legal ng PAO gaya ng “legal advice,” court representation, pagsasagawa ng dokumento, notaryo at iba pa ay libre at walang bayad mula sa kliyente ng PAO sang-ayon sa R.A. 9406 (PAO Law). Sang-ayon din sa nasabing batas, ang katunggali o kalaban sa kaso na matatalo ang magbabayad ng attorney’s fee sa PAO para ideposito sa National Treasury.

Maaaring isumbong kay Chief Acosta ang sinumang public attorney o empleyado ng PAO na manghihingi o tatanggap ng salapi mula sa kliyente ng PAO sa address na ito: 5th Floor, DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue, Diliman, Quezon City, 1104.

Manood ng “Public Atorni”  tuwing Huwebes ng gabi, sa TV5, pagkatapos ng “Aksyon Journalismo.”

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC