Tinalo nga ba ni Obama si Osama?


NAGTAPOS ang 10 taong paghahanap kay Osama bin Laden nang masukol siya at mapatay sa Pakistan  ng mga sundalong Amerikano.  Matapos tiyakin na siya na nga ang hinahanap na utak sa pagkadurog  ng Twin Towers sa New York noong Septembe 11, 2001, tahimik  siyang inihimlay  sa ilalim ng dagat upang hindi makita ang kanyang hantungan na maaaring maging simbolo ng panatisismo at protesta.

Malalim ang  ugat ng sigalot ng America at ng mga kaalyado nito sa isang banda at sa mga religious extremists sa kabilang banda.  Isa nga ba itong religious war? O agawan sa oil interest? Bahagi ba ito ng nagiging kumplikadong geo-politics? O labanan ng mga bansang malalaki at “mapang-api” at mga bansang maliliit na “inaapi.” Isa ba itong kabanata sa pagpapanatili ng US world supremacy o paghahamon ng maliliit na grupo sa almighty America.

O maaaring kumbinasyon ng lahat ng ito. Ang sigurado, hindi mapipigilan ng kamatayan ni Bin Laden ang damdaming nag-aalimpuyo sa puso ng kanyang mga naiwang  kapanalig. At ngayon pa lang, posible na may mga tao o grupo na pumalit sa kanyang liderato at naghahanda ng paghihiganti. Saan hahantong ito? Ano ang dulo ng malalim na hidwaang ito?

Walang panalo sa karahasan

Itinuturing na panalo ni Obama laban sa terorismo ang pagkakapatay kay Osama. Pero alam nating lahat na pansamantala lang ang tagumpay na ito.

Paano mo aapulain ang apoy? Huhupa ba ito kung sasabayan mo ng mas mainit pang apoy? Baka mas mabisa kung malamig na tubig ang itatapat dito? Sa halip na bala at bomba, baka mas maiintindihan ang lengguwahe ng diplomasya?  Puso sa halip na dahas.

Ngayong patay na si Osama, ’di ba’t lalong nagbabala  si Obama laban sa pag-igting ng terorismo. Dahil katawan lang ni Osama ang nawala  hindi ang prinsipyong  kanyang ipinaglalaban.

Paano mo tatalunin ang isang kaisipan? Sa pamamagitan ng isa pang kaisipan? Paano mo ipapatanggap ang kaisipang ito? Sa pamamagitan ba ng mas malalagim pang karahasan?

Ang kailangan, sa aking palagay, ay edukasyon para sa susunod pang henerasyon sa magkabilang panig. Mahalagang maintindihan na  walang tunay na panalo kung karahasan ang laging paiiralin. Ang tunay na panalo ay kung  papalitan  ng tiwala ang pagdududa. Nang  pakikipagkapwa-tao sa halip na pagpatay ng kapwa tao.

Hindi kailangang patayin ang isang tao upang sabihing ito’y talo. Ang kailangan ay patibukin ang puso ng magkakatunggaling grupo upang matuto itong tumanggap, umunawa at magmahal.

Combo at Pinoy musikero

Ang musika ay bahagi na ng buhay nating mga Pilipino. At marahil kung musika talaga ang hilig mo, walang maaaring pumigil sa iyo -- hindi ang edad o day job.

Kagaya halimbawa ng mga matatagumpay na negosyante at professionals na sina Yosi Tanco ng STI, Buddy Zamora ng Rio Tuba Mines, Ramon “RJ” Jacinto, Pit Morato, Toto Ealdama o Gabby Claudio na sa edad nila ay “ kumo-combo” pa.

Nakakatuwa ang mga taong ito na matagumpay sa negosyo at enjoy pa rin sa kanilang hilig. Naging successful kaya  sila sa negosyo dahil natutulungan sila ng kanilang “passion” sa musika? Nagtagumpay kaya sila kasi hindi nila sinikil ang damdamin na tumugtog at kumanta habang inaasikaso ang kapakanan ng kompanya at pamilya?

Mahirap talagang pigilan  kung ano talaga ang kinahihiligan?

Para sa mga executive band members na ito, ang day job nila ay para sa pagkain ng katawan at ang pagtugtog naman ay upang kalingain ang kanilang kalooban. Mga senior citizen na pero tila lalo pa silang pinapabata ng kanilang musika. Sa totoo lang, ang pisikal na anyo lang ang tumatanda. Hindi ang puso, lalo pa kung ito ay idinuduyan ng musika.

Nakakamangha ang musika kasi kaya niyang pag-ugnayin ang mga henerasyon. Halimbawa natin dito ang musika  ng Beatles na naunang sumikat noong 60’s up to 70’s pero ipadinig mo ang musika nila sa bagong henerasyon at mas malamang magustuhan nila. Parang Eraserheads na kayang aliwin ang magkakaibang sector ng ating lipunan.

Malaki rin ang impluwensiya ng makasaysayang Woodstock 1969 sa New York sa mundo ng musika dahil simula ito ng counter culture na nagpauso sa hippie culture, mga salitang “make love not war,” nature-tripping, pop/rock music at maging birth control pills.

Yoyoy Villame,  national artist?

May awit ng protesta at awit para sa kalikasan. May awit para sa pamilya at mga nagmamahalan. At meron  din sa pag-ibig na ’di matugunan o pagsasamang kailangan nang tuldukan.

Halimbawa ay ang Apo Hiking Society na ang mga awitin ay sumasalamin sa damdaming Pilipino. Ang Asin na isinasalin sa musika ang komentaryo sa kapaligiran at pulitika. Ang Hotdog na makulay, masaya at very colloquial ang titik ng mga kanta. Pasok talaga sa araw-araw na karanasan ng Pinoy nasaan man siya.

Sa  ibang bansa, mataas ang pagkilala sa mga musikero, halimbawa si Elton John na may kadikit na Sir ang pangalan na ang reyna mismo ng Englatera ang naggawad bilang pagkilala sa ambag niya sa lipunang English.

Dito sa atin, pwede bang tanghaling National Artist si Yoyoy Villame? Malaki ang  naging kontribusyon niya sa pagpapasikat ng mga kantang novelty kung saan bawat kanta ay may kwento? Masaya at malungkot na kwento na hindi maaaring hindi mapansin ng kahit sino dahil sa kakaibang saya na dala nito.  Natandaan n’yo ba ang Buchikik na ine-record pa ng sosyal na grupong The Company?

Hindi pwedeng isnabin si Yoyoy.

(Email: This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. )

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC