Cebuana ginamit sa raket


TUSO ang mga manggagantso na nakakalikom ng pera sa mga taong madali namang nagpapaloko sa kanilang text racket.

Marami nang nabiktima ang mga mandurugas na iyan na nagti-text sa iba’t-ibang cellphone numbers at sinasabing nanalo ang may-hawak ng bawat number ng P100,000 o higit pa.

Pati pangalan ni P-Noy ay ginagamit sa naturang raket, akala mo tuloy ay may mabuti nang nagawa ang gobyernong ito sa iyo, he-he.

Sino nga ba ang hindi mapapatalon sa pagkakaroon ng instant cash?

Ngunit bago ang ano pa man, kinakailangang magbayad ka muna ng “processing fee” upang matanggap mo ang perang hulog ng langit.

At diyan na nagagatasan ang mga kababayan nating kusang nagpapagoyo.

Wala ’yang iniwan sa raket ng mga illegal recruiters.

Tulad nitong saleslady na si Maribel Ceria na siyang na-salestalk ng isang texter na nagsabing siya’ý nanalo ng P100,000 sa raffle ng phone numbers.

Upang makuha niya ang cash prize, kinailangan daw makapaghulog siya ng processing fees. Tatlong ulit siyang pinagpadala ng pera sa Cebuana Lhuillier branch sa Harrison Blvd., Pasay City.

“Pay anywhere” ang mode of payment o pickup ng naturang remittance sa alinmang branch office ng Cebuana Lhuillier.

Hanggang sa nakahalata na si Ceria na niloloko lang siya kaya dumulog sa aking tanggapan.

Naghugas-kamay naman ang Cebuana Lhuillier na hindi nila kasalanan kung saan, kung kanino at kung anong “valid ID” ang ginamit sa pag-receive ng remittance.

Sinabi lang kay Ceria na pumunta at mag-report sa NBI.

Alam n’yo naman na tutulugan lang ng NBI ang ganyang “maliliit” na kaso!

Lumilitaw na kulang sa pag-iingat ang Cebuana Lhuillier, hindi binubusisi ang mga ID na ipinapakita ng kanilang mga patrons.

Wala bang CCTV system ang Cebuana Lhuillier upang makilala ang mga mandarambong na ’yan?

Bakit hindi makipagtulungan nang husto ang Cebuana Lhuillier sa pagsugpo sa ganyang panloloko na ginagamit ang kanilang mga ahensiya?

Nasaan ang inyong sense of responsibility at commitment sa publiko?

* * *

Kami po ay nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan.

Inuuga at ginigising namin ang mga tutulug-tulog na awtoridad at nagbibingi-bingihan sa mga problema ng mga maliliit na dapat nilang pagsilbihan.

Huwag mawawalan ng pag-asa!

Idulog po ang inyong problema sa Erwin Tulfo Aksyon Center sa #163-E Mother Ignacia St. near EDSA, South Triangle, Quezon City between 1 p.m. and 4 p.m., tel. no. 410-7962.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC