LUNGSOD ng Malolos -- Pinangunahan ni Mayor Christian Natividad ang paglilinis sa mga kailugan, patubig, lansangan at kapaligiran sa nabanggit na lungsod kamakailan.
Naisagawa ito sa tulong ng mahigit 255 local na opisyal at kawani ng city government kabilang na rin ang tulong na ibinigay ng 4,385 katao mula sa barangay councils at mga mamamayan ng iba’t ibang barangay.
Isa sa mga adhikain ng proyekto ay maikonsidera ang lungsod na isa sa pinakamalinis na lungsod sa Gitnang Luzon.
Bilang ganti sa mga mamamayang sumali sa “Bayanihan sa Kailugan,” pinagkalooban sila ng 10 kilo ng bigas na mula sa “Food for Work Program” sa ilalim ng Tanggapan ng Kalingang Panlipunan at Pagpapaunlad.
Simula noong taong 1995 ay pinagtibay na ang Kautusan Blg. 8 -- isang kautusang bayan na mayroong kinalaman sa Zero Waste Management Program. Ang Pamahalaang Bayan nga Malolos, Bulakan ay nagtakda ng mga hakbangin para sa sistematikong pagsasaayos ng basura at pagprotekta ng buong lungsod. May kasamang ulat sina Judee Constantino at Alette delos Reyes