BAGO ang lahat, binabati muna natin si Manila International Container Port (MICP) District Collector Ricardo “Boysie” Belmonte, kapatid ni Speaker Sonny Belmonte, sa mabilis niyang pag-aksyon sa artikulo natin noong nakaraang Lunes.
Ibang klase talaga si Collector Boysie, aksyon agad kapag may nakarating sa kanya na kalokohan ng kanyang mga tauhan.
Ipinarating kasi natin kay Collector Boysie ang ginagawang pagpapalusot ng ilang mapagsamantalang broker/importer kasabwat ang ilang tiwaling kawani ng nasabing puerto.
Ang ginagawa kasi ng mga lokong ’yan ay naipapa-release ang mga ceramic tiles at iba pang ceramic products kahit walang conditional release mula sa Deparment of Trade and Industry-Bureau of Products Standard (DTI-BPS).
Ang “modus” daw kasi, ikinukuha lang ito ng “tentative release” mula sa tanggapan ng Formal Entry Division (FED) at tapos, labas na ang kargamento. Sa magkanong dahilan, hindi natin alam.
Pero sana, hindi lang dito matapos ang katarantaduhang ito. Matagal-tagal din nilang niloko ang gobyerno. Katulad ni Belmonte, dapat umaksyon rin ang DTI-BPS para papanagutin ang mga tarantadong broker at importer sa ginawa nilang panloloko.
Paano ngayon kung may mga madisgrasya dahil mga sub-stantandard pala ang nai-release na mga ceramic products? Dapat habulin rin sila sa mga dapat nilang bayaran sa nasabing ahensiya.
Handa ang pitak na ito na ibigay sa mga taga-DTI ang mga impormasyon kaugnay sa ginawang kalokohan ng mga importer/broker at mga tiwaling empleyado ng BOC.
Collector Belmonte, paki-busisi mo rin ang pinagbayarang duties and taxes ng mga ulupong na ’yan!
Sana lahat ng opisyal sa BOC at pamahalaan, kasing bilis ni Collector Boysie kung umaksyon.
Muli ang aming pagbati at mabuhay ka, Collector Belmonte!
* * *
Marami ang napapailing kapag ibinabalita ng gobyerno ang bilang ng may trabaho sa bansa. Bunga raw ito ng pagsisikap ng mga otoridad na bigyan ng magandang trabaho ang mga Pinoy.
Paanong ’di sila mapapailing, eh, alam naman nilang marami sa mga may trabaho ang mga tinatawag na “contractual employees.”
Ang ibig sabihin nito, magiging jobless rin sila bago nila makumpleto ang anim na buwang serbisyo sa mga tanggapang pinapasukan.
Sa ilalalim kasi ng Labor Code of the Philippines ay itinuturing na regular na ang isang bagong kawani pagkatapos ng anim na buwang tuluy-tuloy na pagta-trabaho sa isang kumpanya.
Kaya nga kahit na magaling, masipag at kuwalipikado ka pa ay tanggal ka pa rin bago mo makumpleto ang anim na buwan para ’di ka maregular.
Ang gagawin ng kumpanya ay kukuha na naman ng mga bagong empleyado para lang makaiwas sa isinasaad ng Labor Code.
Karamihan kasi sa mga tusong negosyante ay ayaw gawing regular ang kanilang mga empleyado para maiwasan nila ang pagbibigay ng mga benepisyong dapat ipagkaloob sa isang regular ng kawani.
Kung tutuusin ay matagal nang problema ng mga manggagawa ang “contractualization” sa bansa.
Usung-uso ito, lalo na sa mga manggagawang namamasukan sa mga malalaking mall, na pag-aari ng mayayaman at nagbabait-baitang mga negosyante. Ang gusto yata nila ay sila na lamang ang mabuhay ng masagana at ’di na alintana ang hirap ng mga empleyado nila para lalong yumabong ang kanilang yaman.
Kaya naman, ’di kagaya ng mga regular at permanenteng empleyado, ang mga “contractual” ay tinaguriang mga empleyadong tumatanda ng paurong.
Ito ang dapat pagtuunan ngayon ng pansin ng mga otoridad, lalo na’t maraming OFWs ang nawawalan ngayon ng trabaho at bumabalik sa bansa.
Dapat na ring tigilan ng gobyerno ang pambobola at sabihin kung ilan ang bilang ng “contractual employees” para malaman kung ilan talaga ang may magandang trabaho sa bansa. Ang laganap na “contractualization” ang isa sa mga dahilan kung bakit mas gusto ng marami nating kababayan ang magtrabaho sa ibang bansa.
Bakit nakakaya ng mga kumpanya sa ibang bansa na magpasahod ng malaki sa kanilang mga empleyado, samantalang sa Pilipinas ay napakaliit lang ng sahod ng mga empleyado?
Sa totoo lang, tayo ang katawa-tawa sa paningin ng mga bansa kung saan maraming OFWs na nagtatrabaho.
Sila ang nakikinabang sa mga pinag-aral nating doctor, nurses, inhinyero, titser at iba pang propesyonal, lalo na sa mga produkto ng mga pampublikong paaralan na tinustusan ng pera ni Juan dela Cruz.
Ika nga, tayo ang nagtanim, nagbayo at nagsaing pero dayuhan ang kumain.
Nakakainis! Pero sino kaya sa ating maiingay na mga mambabatas ang handang tumayo upang labanan ang mapagharing-uring “contractualization,” na umiiral sa bansa? Sino?
Hindi kaya parang batas ito ng “Oil Deregulation,” na walang gustong lumaban?
Kung bakit, alam niyo na ang dahilan!
MGA REKLAMO AT REAKSIYON
Maganda sana ang Letre Rd., sementado at maluwag, kaya lang ginagawang paradahan ang magkabilang gilid. Napakabaho at napakadumi din ng katabing sapa. Sana aksyunan naman ito ni Mayor Oreta -- BOY SAMSON ng Malabon.
Rep. Manny Pacquiao, payuhan mo ang Nanay Dionisia na ’wag ipagyabang ang yaman niyo dahil maraming mahirap sa inyo sa Sarangani -- RIC CABUSAO ng Manila.
Salamat sa text nina RIC DELLUTA, GEN GUILANG ng Laguna, RINA HERNANDEZ ng Pasig, VIC ROBLES ng Kalookan, MARTHA ORDONEZ ng Nueva Ecija, BETH CRUZ ng Bulacan, ROBERT GO ng Manila, PAUL BENITEZ ng Quezon at MALOU SANTOS ng QC.
(Para sa inyong komento at suhesiyon, tumawag o mag-text sa #0915-9462777/email:
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.
. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)