DALAWANG araw bago mag-resign si dating Ombudsman Merceditas Gutierrez ay may nilagdaan umanong kontrobersyal na midnight decision sa kanyang tanggapan.
Ito ay para baligtarin at pawalang-sala ang isang opisyal ng Bureau of Customs na nauna nang pinasuspindi ng kanyang mga ‘associates’ dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices.
Ang nasabing opisyal, si dating BOC Enforcement and security Service chief Joey Yuchongco (JY), ay ipinasuspindi ng Ombudsman may anim na taon na ang nakakaraan.
Pero misteryosong ang suspension order nito ay ngayon lang taong 2011 naipatupad ng Ombudsman at pamunuan ng BOC sa ’di malamang dahilan.
Bunga ng pagkaka-suspindi kay JY nitong taon, siya ay umapela sa Court of Appeals (CA) subalit lubhang matibay ang mga ebidensiya laban sa kanya kaya’t tinanggihan ng CA ang kanyang apela.
Dahil dito, siya ay nag- file ng irrevocable resignation na tinanggap naman ng pamunuan ng bureau.
Ayon sa aking mga espiya sa Ombudsman, kung alam lang umano ni dating Ombudsman Gutierrez na umapela si JY sa kanyang kaso sa CA at na-deny, malamang na nagdalawang- isip ito at maaaring hindi nilagdaan ang kontrobersyal na order na nagpapawalang sala kay Joey na napatunayang lumabag sa alintuntunin ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa huling balita ng aking mga espiya, nilalakad umano ni JY ngayon na siya ay mabalik sa dati niyang pwesto bilang pinuno ng ESS ng BOC.
Ang siste, paano ito makakabalik kung ang kanyang apela sa CA ay na-deny bukod pa sa nagsumite siya ng irrevocable resignation na tinanggap naman ng pamunuan ng bureau?
Ngayon, ano kaya ang mangyayari kay dating Ombudsman Gutierrez kaugnay ng kanyang misteryosang decision na nagpapawalang-sala kay JY sa kabila na ang kaso nito ay na-deny ng Court of Appeals?
Mahahabol pa kaya siya kaugnay ng kanyang ginawa na maituturing na midnight decision kung iyon ay totoo?
Ayon sa mga nagmamasid sa tanggapan ng Ombudsman, kung totoo ang paglagda ni Gutierrez sa kaso ni JY ay maituturing umanong isang midnight decision iyon.
Ito ay dahil minadali ang pagpapalabas ng reversal order na hindi na inusisa at inalam ang development ng kaso ni JY na na-deny ng CA.
Makikita din dito kung susunod ba sa alituntunin ni P-Noy ang kanyang mga alipores na tumahak sa tuwid na landas, dahil ang balita ko ay nilalakad ni JY na siya ay mabalik sa BOC bilang pinunong muli ng ESS. Abangan! he... he... he...
* * *
Nakakaawa naman ang mga guwardya ng National Food Authority (NFA) dito sa Metro Manila dahil mag-iisang taon na ay hindi pa sila nababayaran ng kanilang mga backpay.
Ang mga guard ay pawang nasa ilalim ng Tiger Investigation Detective Security Agency (TIDSA) ay hulugan o installment din umano kung pasahurin ng kanilang ahensiya.
At ang ikinakatuwiran sa kanila ng pamunuan ng TIDSA ay hindi umano nagbabayad ng tama ang NFA sa kanilang ahensiya kung kaya’t hindi maibigay ang kanilang mga backpay at installment ang kanilang sahod.
Palagay ko, mga kapatid kong security guard, malaki ang maitutulong sa inyo nitong inyong representante sa Kongreso na si Congressman Mikee Arroyo, na inyong iniluklok bilang sectoral representative sa Kamara.
Alam kong ’di kayo pababayaan nitong si Congressman Arroyo dahil malaki ang malasakit niya sa inyo at gayundin kayo sa kanya he... he... he...
* * *
Patuloy palang binabalewala ng may-ari ng dating L.A. Café ang pagpapasara sa kanila ni Mayor Alfredo S. Lim dahil sa maraming iligal na gawain tulad ng prostitusyon at bentahan ng droga sa lugar na ginagawa ng mga nagpapatakbo nito.
Ang dating L.A. Café, na pinalitan na ng pangalan ng dayuhang may-ari, ay pinatatakbo ngayon ng Pilipinong dummy na si Conrado.
Ito ay nagbukas muli at patuloy sa kanilang mga iligal na gawain. ’Di umano nagbahayad ng kaukulang buwis sa lokal na pamahalaan ang dayuhang may-ari nito at garapal na nilalabag ang ordinansa ng Maynila.
Ito ay patuloy sa pagtutulak ng droga sa loob nito gayundin ang walang patumanggang pagbebenta ng aliw ng mga menor de edad na kawani ng nasabing lugar.
Ang dating L.A. Café pinalitan ng pangalan na Manila Bay Café. Ito ay matatagpuan sa Romero Salas St., corner M.H.del Pilar sa Malate.
Ang balita Mayor Lim, may mga tauhan kang namantikaan ng foreigner na may-ari nito sa pamamagitan ni Conrado kung kaya’t hinahayaang magpatuloy.
* * *
At sana ay pakisilip n’yo na rin mayor ang mga bagong KTV bar d’yan sa Mabini na ang mga kabataang kababaihan natin ay halos nakabilad na ang mga katawan sa pag-akit sa mga customers sa gilid ng mga kalye, partikular sa Mabini, M.H. del Pilar at paligid nito. Halos sakupin na nila ang kalye para makaakit lang ng mga foreign at local customers.
Ang mga KTV bar at Sing-Along bar dyan sa Malate particular sa Mabini ay pag-aari po ng dreaded Yakuza group at Korean Mafia.