HINIHILING ng mga taxpayers na kung tagurian ay Kababaihang Taxpayers ng Tandang Sora (KTTS) na paimbistigahan ni P-Noy o ng Senado at Kongreso at ng Commission on Audit (COA) ang isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) na sinuspindi ng Ombudsman ng 90 araw dahil sa umano’y pagkakamal nito ng daang milyung salapi sa panahon ni PGMA.
Ang samahan ng mga kababaihan na pawang residente ng GEM 10 Subdivision sa Lungsod Quezon, na kung saan nakatira ang sinuspinding opisyal ng LTO, ay galak na galak umano nang batikusin ko ang tungkol sa Optional Motor Vehicle Special Plates (OMVSP) na umano’y siyang pinanggalingan ng limpak-limpak na salapi na umano’y kurakot ng opisyal ng LTO.
Ang tinutukoy ng samahan ng mga kababaihan na pawang miyembro ng KTTS ay ang isang Menelia Casida Mortel, pero hindi nila tinukoy kung si Mennie Mortel, na ipinasuspindi ng Ombudsman sa Department of Transportation and Communication (DOTC) ay iisang tao.
Ayon sa KTTS, itong si Menelia Casida Mortel, na may ’di kalakihang sahod sa LTO bilang Internal Audit chief sa panahon ni PGMA at ‘executive assistant’ na ini-appoint ng kasalukuyang on-leave LTO chief Virgie Torres, on concurrent capacity ay nagkamal umano ng limpak-limpak na salapi sa mahigit sa P10 bilyong kinita ng OMVSP sa loob ng siyam na taon.
Ang OMVSP ay ang mga special plate, personalized plate at vanity plate na ibinebenta noon ng tanggapan ni dating LTO chief Aneli Lontok at ni Mortel. Ito ay nagkakahalaga ng P15,000, P25,000 at P50,000, ayon sa pagkakasunod-sunod at karamihan umano ng naisyuhan ng OMVSP ay mga may-ari ng smuggled at carnap na sasakyan.
Hindi po pumasok sa computerized system ng LTO ang mga ibinabayad ng mga kumuha ng OMVSP dahil manual na resibo lang noong panahon ni PGMA ang ini-isyu ng tanggapan ni Lontok at Mortel.
Ayon sa KTTS, si Menelia Casida Mortel na kapit-bahay nila sa Sterling Street, Gem 10 Sudivision sa Tandang Sora, Q.C. ay may-ari umano ng anim na bagong-bagong mga sasakyan, dalawa dito ay nasa San Vicente, Calabanga, Camarines Sur.
Apat na beses umano sa isang taon kung mag-abroad ang pamilya nito at si Casida umano ay may malaking cash deposit sa iba’t ibang commercial bank at nagmamay-ari ng malawak na ricefield sa Bicol region.
Dalawang anak nito ang may sariling mga kotse at nag-aaral sa eksklusibong paaralan sa South Superhighway sa Makati City.
Si Mortel ay isa din sa may kinalaman sa pagdidi-centralize ng issuance ng certificate of stock report (CSR) ng LTO, sa panahon ni dating LTO Chief Aneli Lontok. Ito ay isang mahalagang dokumento ng LTO na ang isang may hawak nito ay magagawang iparehistro ang isang sasakyan kahit na iyon ay carnap o smuggle.
Ako po ay hindi naman basta-basta naniniwala sa mga isinusumbong sa akin ng KTTS kaya sinubukan ko pong kunin ang panig ng sinasabing si Menelia Casida Mortel sa pamamagitan ng pagtawag sa telephone number nitong 454-0925 na ibinigay sa akin ng KTTS, subalit nabigo po akong makausap at makuha ang panig ni Ms. Menelia Casida Mortel matapos sabihin sa akin ng ’di nagpakilalang kausap kong babae na ito ay nasa San Vicente, Camarines Sur.
* * *
Bakit nag-iingat ng malaking halaga at tumatangap ng deposito si LTO Plate Section Chief Ledda Jose mula sa mga kumukuha ng special, personalized at vanity plates?
Nadiskubre ang misteryosong pag-iingat ni Ms. Jose ng malaking halaga ng salapi sa kanyang tanggapan nang pasukin ng ’di kilalang mga kawatan at mapagnakawan ang opisina niya sa LTO compound sa Diliman, Quezon City ng halagang P139,000 at dalawang pares ng plakang numero otso na ini-isyu para sa mga congressman.
Inamin po ni Ms. Jose sa mga imbestigador at sa miyembro ng media mismo na P25,000 lang ang pera niyang sarili sa nawalang P139,000, at ang natitirang P114,000 ay deposito ng mga kukuha ng Optional Motor Vehicle Special Plate (OMVSP) o special, personalized o vanity plates.
Ang tanong, bakit tumatanggap ng deposito para sa mga special, personalized at vanity plates itong si Ms. Jose at hindi niya ito ilagak sa cash department para maisyuhan ng compurterized receipt?
Matapos kayang makuha ng mga nagpa-reserba ang mga OMVSP ay ipapasok pa kaya ni Ms. Ledda Jose ang salaping para sa LTO na idineposito sa kanya? Tanging siya lang umano at ang kumukuha ng plaka ang nakakaalam ng kanilang transaksyon.
Totoo ba ang bali-balita na minana na ng mga taga plate section ang mga gawain noon sa tanggapan ni Lontok na ang kinikita sa mga OMVSP ay hindi pumapasok sa kaban ng LTO at sa mga bulsa lang ng mga tiwaling mga kawani noon ng LTO napupunta.
Saan na nga kaya napunta ang P10 bilyon na kinita sa OMVSP sa loob ng siyam na taon sa ilalim ni dating PGMA administration?
Palagay ko dapat paimbestigahan ni P-Noy, ng Senado at Kongreso o ng COA ang kaganapang ito sa LTO dahil hindi po maliit na halaga ang P10 bilyon o higit pa na kinita sa OMVSP na hanggang sa kasalukuyan ay hindi maipaliwanag.
Kung pababayaan po natin na makatapos sa kanyang 90 araw na suspension itong si Mortel ay baka wala na pong mangyari sa kaso ng nawawalang mahigit sa P10 bilyon kinita sa OMVSP dahil maimpluwensya po itong si Mortel sa LTO bilang pinuno ng Internal Audit at bilang itinalaga ni LTO Chief (on-leave) Virgie Torres, na kanyang executive assistant.