Pasay ginigisa sa sariling mantika


NAGTATAMASA po ng milyun-milyon ang negosyanteng Intsik na may kwestiyonableng karakter na nabigyan ng poder ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay, para pangasiwaan ang Pasay Mall na nai-award sa kanya ng konseho ng walang  “public bidding”.

At ang pagtatamasang iyon ni Nelson C., ang Intsik na nabiyayaang pangasiwaan ang Pasay Mall, ay nabuking matapos matuklasang iginigisa nito sa sariling mantika ang Pamahalaang Lungsod ng Pasay na patuloy na gumagastos sa Pasay Mall na walang ganansiyang nakukuha mula sa kwestiyonableng negosyante.

Opo! iginigisa ni Nelson C. ang pamahalaang lungsod sa sarili nitong mantika sa pamamagitan ng pagbabayad lamang ng buwanang upa na P900,000, kapalit ang P3-P4 milyong nakukulekta nitong upa buwan-buwan mula sa mga tenants ng Pasay Mall na matatagpuan sa Taft Avenue corner Libertad Street.

Bukod pa dito ay nakakakulekta din si Nelson C. ng humigit kumulang sa P4 milyun mula naman sa buwanang sinisingil nito sa bawat tenant na gumagamit ng kuryente at tubig na ang mga kunsumo ay ibinabase niya sa mga sub-meters ng kuryente at tubig na ipina-instala at ginastusan ng pamahalaang lungsod.

Ang Pamahalaang Lungsod po ng Pasay ang nagbabayad ng ilaw at kuryente na ibinabase naman  ang kunsumo sa  ‘mother meter’ na nakakabit dito at tinatayang ang binabayaran ng lungsod sa tubig at ilaw ng Pasay Mall na hindi naman bumabalik sa kaban ng lungsod ay naglalaro sa P2 hanggang P3 milyon buwan-buwan.

Ayon sa aking mga espiya, may plano pa lang patayuan ni Nelson C. ng mga karagdagang stalls ang paligid ng Pasay Mall na kasalukuyang ginagamit bilang “parking area’ ng mga customers na mahigpit na tinutulan ng mga tenants na umuupa ng malaking halaga sa kinuha nilang delanterang pwesto na matatakpan pag itinayo na ang karagdagang mga stalls.

Kinukuwestyon ang karakter ni Nelson C. dahil ito umano ang pinagkatiwalaan ng Pamahalaang Arroyo nuong taong 2004 na mag-imprenta ng mga pekeng ‘election returns’ na ginamit sa mga dayaan sa halalan nang nasabing taon.

Gamit ni Nelson C. ang  Grand C Graphics printing firm sa pag-imprenta ng mga ‘pekeng election returns’ noong 2004.

Si Nelson C. ay malapit na kaibigan noon ni  PAGCOR chair Ephraim Genuino, na kumu-corner sa lahat ng uri ng printing job na ipinagagawa ng PAGCOR noon at siya (Nelson C.) din ang naatasan umano ni PGMA  sa pamamagitan ni Genuino na gumawa at mag-imprenta ng  mga ‘pekeng election returns’ noong 2004.

Hindi lang matukoy sa kasalukuyan kung sino ang naglapit at nag-pressure sa konseho ng lungsod upang aprobahan  ang pagbibigay ng karapatan kay  Nelson C. na i-operayt ang Pasay Mall ng walang naganap na ‘public bidding’.

Ke me bidding o wala ang dapat punahin dito ng mga mamamayan ng Pasay ay ang paggisa ni Nelson C. sa sariling mantika sa pamahalaang lungsod.

Kung tayo ay aasa sa mga matatakaw na konsehales  ng lungsod na nag-aproba at nagbigay ng pahintulot ng walang ‘public bidding’ para pamahalaan ni Nelson C. ang Pasay Mall, matapos umanong tumanggap ng umano’y tig-P150,000 para lumagda sa resolusyon ay  tiyak pong walang mangyayari.

* * * * *

Panawagan sa mga awtoridad, hindi lang sa Lungsod ng Pasay, kundi sa mga taga PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Labor and Employment (DOLE) at pamunuan ng National Bureau of Investigation hinggil sa patuloy at garapalang bentahan ng laman dyan sa Amor KTV Bar, sa HK Plaza, dyan sa Roxas Blvd. Pasay City.

Alas-4 pa lang ng hapon ay  isa o dalawang ‘tourist bus’ ng mga menor-de-edad nating mga kababaihan ang  hinahakot at inilululan sa tourists bus na kinaroroonan ng bagong dating na Korean tourists upang pagpasasaan sa mga hotel na kung saan sila dadalhin.

Mahigit sa 150 kababaihan natin ang ibinubugaw ng mga Koreanong may-ari ng Amor KTV Bar, na nasa tapat lang ng tanggapan ng Department of Foreign Affairs(DFA), sa kanilang mga kababayan araw-araw na hindi pinapansin ng mga taga NCRPO, DSWD,DOLE,  NBI at local na pulisya sa ilalim ni Col. Melchor Reyes.

Tahimik ang  minsan ay nalawayang  mga tauhan at opisyal ng National Bureau  of Investigation (NBI) na nanghuli noon sa Amor KTV Bar.

Ayon sa aking mga espiya P250,000 ang kapalit sa kalayaang iginawad ng NBI noon sa may-ari at mga kababaihan ng Amor KTV Bar na kanilang hinuli noon at dinala nga sa kanilang  punong himpilan matapos nilang i-raid ang establisimiento may isang taon na ang nakakalipas.

Kaya simula noon ay balik-prostitusyon na naman ang Amor KTV at “obvious-na-obvious”  kung paano hakutin ang mga menor-de-edad nating mga kababaihan at parang baboy na ipinagtutulakan  sa mga Koreanong sakay ng tourists bus upang pagparausan sa tutuluyan nitong mga hotel.

At sa mga opisiyal at tauhan ng NBI na tumanggap noon ng lagay para palayain ang may-ari ng Amor KTV Bar sampu ng mga hinuli nilang mga menor-de-edad noon at sa mga taga DSWD, DOLE, PNP-NCRPO at kay Col. Reyes ng Pasay Police Station, idilat niyo ang inyong mga mata sa garapalang prostitution activity na nagaganap sa Amor KTV Bar araw-araw.

May naganap palang miting sa Hongkong Chef restaurant  para mahinto ang random inspection na ginagawa  ng  Commission on Audit (COA) sa mga establisimiento sa Pasay City,  partikular ang mga may-ari ng mga bahay-aliwan at P5 milyun po ang inilaang pondong panglagay o tong-pats para dito.

At ayon sa aking mga espiya pinaghati-hatian daw ang limang milyun panglagay ng mga matataas na “elective officials” o halal ng bayan na mga opisyales ng lungsod  Pasay, COA  at ilang mediamen.tskkk…tskkkk…tsk… kailan kaya tayo titino.

* * * * *

Di pa rin pala humihinto sa kanilang iligal na sugalan o pasakla itong mag-amang sina Ronnie at Angel Bulag, na operator ng saklaan sa Bacoor at Zapote sa lalawigan ng Cavite.

At parang hinahamon ng mag-amang Ronnie at Angel Bulag ang kapulisang hindi pumapansin sa kanila sa ’di malamang dahilan, dahil kahit alas 3 na ng madaling araw ay ’di magkamayaw ang nagsasakla at sa gilid pa ng daan sa Talaba at Zapote idinadaos ang pasugal ng mag-ama.

Malaking halaga ba ang natatanggap ng PNP provincial director at mga hepe ng pulisya ng nasabing mga bayan kung kaya’t nakakapag-operayt ng iligal nilang sugal ang mag-ama kahit sa gilid ng mga kalye na dinaraan ng mga motorist at publiko?

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC