TRB: Walang toll hike sa Bagong Taon


MULING tiniyak ng spokesman ng Toll Regulatory Board (TRB) na walang pagtaas sa toll fee sa lahat ng mga pangunahing expressway sa Luzon hanggang sumapit ang January 1, 2012.

Sa programang “Talking Points” na ginanap sa Philippine Information Agency, sinabi ni TRB Spokesman Julius Corpuz na malabong magkaroon ng dagdag sa singil ng toll dahil hindi pa napapag-desisyunan ng kanilang ahensya ang naunang inihaing petisyon, para sa toll hike sa susunod na taon ng tatlong expressway operator na “periodic adjustment” na naaayon sa batas.

Ani Corpuz, bilang bahagi ng patas na pamamahala ng administrasyong Aquino, kailangan munang sumailalim uli sa isang public hearing ang petisyon ng mga operator ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Manila-Cavite Toll Expressway Project (MCTEP) at Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway bago magkaroon ng anumang paggalaw sa singil.

Kaugnay nito, iniimbitahan ni Corpuz ang publiko at mga miyembro ng transport sector na dumalo sa naturang pagdinig kasama ang mga tollways operator na gaganapin sa umaga ng Disyembre 1 sa tanggapan ng TRB sa Pasig City.

Base sa petisyon ng 94-kilometrong SCTEx, tataas sa P324 mula sa P272 ang singil sa toll para sa mga Class 1 na sasakyan; mula P543 ay magiging P648 ang singil para sa mga Class 2; at papalo ng P972 mula P815 para sa mga Class 3.

Ang R-1 Expressway ng MCTEP ay humihingi ng dagdag na singil na P29 mula sa dating P24 para Class 1; P58 mula P48 para sa Class 2; at P86 mula sa P72, Class 3.

Samantala, sa hiling naman ng 42-km STAR, ang mga Class 1 ay sisingilin ng P64, mula sa dating P60; Class 2, P129 mula sa P120; at Class 3, P193 mula sa P179.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC