San Pablo City -- Arestado ang isang lalaki na pumaslang sa sarili nitong misis makaraan ang halos dalawang taong pagtatago sa batas dahil sa pagbalik nito sa kanyang tahanan kamakalawa ng madaling araw.
Sa report na dumating sa tanggapan ni Laguna police director Senior Supt. Gilbert Cruz mula kay Supt. Ferdinand De Castro, hepe ng San Pablo City police, kinilala ang suspect na si Ronnel Villanueva, 25, residente ng Bgy. Del Remedio.
Ang pagaresto sa suspect ay pinangunahan ni SPO4 Edwin Goyena at SPO1 Emmanuel Bueno dahil sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder na ipinalabas ni Judge Agripino Morga ng RTC Branch 32, Fourth Judicial Region.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman sa kanyang paglaya at kasaluku-yang nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa lungsod.
Magugunitang pinatay ni Villanueva ang kanyang maybahay na si Mariel Villanueva, 22, nang ito ay undayan ng saksak sa katawan sa loob ng palengke ng siyudad noong September 16, 2009.
Tatlong malubhang tama ang inabot na saksak ng biktima sa kanyang katawan kung saan namatay bago dumating sa pagamutan ng lungsod.
Samanatala, inamin niVillanueva sa pulisya ang ginawa nitong pagpatay sa kabiyak dahil sa matinding selos. Ayon sa suspect, bagamat sa unang pagkakataon ay binalewala nito ang mga balita hinggil sa kanyang misis subalit sa pangalawang pagkakataon ay nahuli nito sa palengke na kasama umano ang manliligaw nito.
Dahil sa pangyayari ay biglang nagdilim ang kanyang paningin kung kaya’t agad nitong inundayan ng saksak ang asawa.