Kgg. na Atty. Acosta,
Hiniram po ng pinsan ko ang titulo ng lupa namin para maging collateral sa kanyang utang sa isang ospital. Sinabi po niya sa amin na nabayaran na raw niya ang utang dahil nakakuha na siya ng pera mula sa PCSO. Sa kasamaang- palad, hindi pa rin ibinabalik ng ospital ang titulo sa pinsan ko. Ang sabi raw ng ospital, naiwala raw nila ang kopya ng nasabing titulo. Ano po ba ang mabuti naming gawin tungkol sa aming sitwasyon?
Lubos na gumagalang,
Susana
Dear Susana,
Ang pinakamainam ninyong gawin sa ganitong sitwasyon ay ang makipag-ugnayan sa ospital upang matiyak kung talagang naiwala nga ba nila ang titulo ng inyong lupa. Mainam din na sabihan sila na hanaping mabuti ang nasabing titulo sapagkat ito ay isang mahalagang dokumento at may obligasyon silang pangalagaan ito habang ito ay kanilang hawak.
Kung sakaling mapatunayan na talagang naiwala nila ang nasabing titulo, wala kayong ibang magagawa kung hindi ang magsampa ng petisyon sa korte upang mabigyan kayo ng panibagong kopya ng nasabing titulo.
Upang mapalitan ang naiwalang titulo ng inyong lupa, ang mga hakbang na kailangan ninyong sundin ay makikita sa Section 109 ng P.D. 1529. Dito ay nakasaad na:
“Sec. 109. Notice and replacement of lost duplicate certificate -- In case of loss or theft of an owner’s duplicate certificate of title, due notice under oath shall be sent by the owner or by someone in his behalf to the Register of Deeds of the province or city where the land lies as soon as the loss or theft is discovered. If a duplicate certificate is lost or destroyed, or cannot be produced by a person applying for the entry of a new certificate to him or for the registration of any instrument, a sworn statement of the fact of such loss or destruction may be filed by the registered owner or other person in interest and registered.
“Upon the petition of the registered owner or other person in interest, the court may, after notice and due hearing, direct the issuance of a new duplicate certificate, which shall contain a memorandum of the fact that it is issued in place of the lost duplicate certificate, but shall in all respects be entitled to like faith and credit as the original duplicate, and shall thereafter be regarded as such for all purposes of this decree.”
Nakasulat sa nasabing probisyon ng batas na kailangan ninyong ipagbigay-alam, sa pamamagitan ng isang sworn statement, sa Register of Deeds ng probinsiya o siyudad kung saan matatagpuan ang lupa na naiwala ng ospital ang owner’s duplicate certificate of title ng nasabing lupa.
Kailangan din ninyong maghain ng “Petition for Issuance of Owner’s Duplicate Copy of Title to replace lost copy of its original” sa Regional Trial Court ng probinsiya o siyudad kung saan matatagpuan ang nasabing lupa upang mapalitan ang naiwalang titulo. Kaugnay nito, dapat ninyong bigyan ng notice ang lahat ng tinatawag na interested parties o iyong mga taong may karapatan sa lupa upang ipagbigay-alam sa kanila ang inihain ninyong petisyon. Kapag nagawa na ninyo ang mga hakbang na ito ay saka lamang maaaring iutos ng korte na palitan ang naiwalang titulo.
Dagdag pa, maaari rin kayong magsampa ng action for damages laban sa ospital na nakawala sa kopya ng inyong titulo para sa gastos at perwisyong inabot ninyo dahil sa kapabayaan nila.
Nawa ay malinaw naming nasagot ang inyong mga katanungan. Gayunpaman, binibigyang-linaw po namin na ang mga payong nakasaad sa liham na ito ay base lamang sa mga impormasyong nilalaman ng inyong liham. Maaaring may ibang legal na opinyon na mas angkop dito kung may mga importanteng detalye na hindi ninyo nabanggit sa inyong liham. Mas makabubuting kayo ay personal na sumangguni sa isang abogado upang mas malinaw ninyong mailahad ang inyong sitwasyon nang sa gayon ay mapayuhan kayo ng mga hakbang na nararapat ninyong gawin.
Ang inyo pong lingkod bayan,
PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA
Punong Manananggol Pambayan