Hulihin si Danny D’ Belen


CONGRATULATIONS kay Comelec Chairman Sixto Brillantes dahil sa wakas, nakumpirma na rin ang kanyang appointment matapos ang apat na beses na pagkakasalang sa kanya sa  makapangyarihang Commission on Appointments.

Marami ang nagulat sa biglang pagtiklop ni Senate Minority Floor Leader Alan Peter Cayetano dahil kahit puwede nitong i-invoke ang Section 20 ng Senate rules para pigilin ang appointment ni Lolo Sixto, nanahimik na lamang ang senador.

Anu’t anuman ang dahilan ng ‘pananahimik’ ni Senator Alan, dapat ay hindi mapahiya ang mga tagasuporta ni Lolo Sixto sa pagpupursigi sa kanyang appointment.

Para sa akin kasi, mahirap nang tanggalin ang batik ni Lolo Sixto na naging abogado siya ng pamilya Ampatuan na nililitis ngayon dahil sa Maguindanao massacre.

Sa edad niyang 72-anyos, mas maigi sigurong bago siya magretiro sa serbisyo ay makapag-iwan siya ng magandang ‘legacy’ sa Comelec sa pamamagitan sa pagpapakulong sa mga taong nasa likod ng talamak na pandaraya noong nakalipas na 2004 at 2007 elections.

***

Siyanga pala, Lolo Sixto, isang sumbong ang tinanggap natin hinggil sa casual employee n’yo riyan sa Comelec na may alyas na Aleta Putcha.

Daig pa raw kasi nito ang mga buwayang pulis kung kotongan ang mga barangay chairmen sa 3rd district ng Maynila. Madalas pa, ipinangangalandakan nito  ang may sakit na asawa at iba pang pangangailangan ng pamilya.

Ngunit nang pasundan minsan ng kinotongang barangay chairmen,  ganun na lang ang gulat nila nang makitang dumiretso ito sa casino saka magsugal.

Casual employee pa lang si Aleta Putcha pero kung umasta, daig pa ang mga opisyales ng Comelec dahil kung takutin daw  nito ang mga barangay chairmen na ayaw magpautang sa kanya ay gayun na lang.

Kapag hindi raw nagpautang ang mga nilalapitang barangay officials, makakatikim na sila ng kakaibang ganti mula kay Aleta Putcha!

Puwede rin daw silang gipitin ni Aleta Putcha kasi may kontak din daw ito sa Commission on Audit.

Kaya nasisira nang husto ang imahe ng Comelec kasi mula sa mga opisyales nito hanggang sa empleyado, sanay na silang manakot at mangurakot.

Ano pa ang inaantay mo, Lolo Sixto, baka gusto mong magpasiklab para patunayan na hindi nagkamali ang CA sa pagbibigay ng kumpirmasyon sa inaasam mong puwesto!

***

Sinong may sabing hinto ang illegal gambling sa Region 4?

Paanong hihinto, eh tuloy ang bookies ng Small Town Lottery (STL) nina Vic Seaman at Roger Duling sa buong Batangas.

Magkaaway ang dalawang ‘bookies financier’ na ’to pero dahil garapal at talamak ang illegal gambling activities sa nasasakupan ni Chief Supt. Gil Meneses ng Police Regional Office (PRO) 4, lantaran na ang ginagawang pagsuway sa utos ni PNP chief Director General Nick Bartolome.

Alam n’yo ba kung bakit?

Kasi, isang nagngangalang Danny D’ Belen ang nagpapakilalang kolektor ni Meneses.

Ang ‘immediate boss’ daw ng police scalawag na si D’ Belen ay si Supt. Peralta ng Regional Special Operations Group (RSOG).

Hindi ko sinasabing totoo ang akusasyong ito laban kina Meneses at Peralta, pero hangga’t patuloy na namamayagpag sa paggamit sa kanilang pangalan ang pesteng si D’ Belen, hayagan na ang ginagawang pambababoy nito sa imahe ng PNP.

Bukod kina Vic Seaman at Roger Duling, may hiwalay na pasugal din si Boy Recto, alyas Makoy.

Ang ‘everyday gross income’ ng kumag na si Makoy ay P800,000 o P24.8 million isang buwan.

Sa buong Batangas naman, P8 million kada araw ang dapat na engreso sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) araw-araw, pero ang idinedeklara lamang nila Seaman at Duling ay P3 million kada araw.

Ibig sabihin, lugi ang pamahalan ng P5 million a day o P155 million sa loob ng isang buwan.

Imposibleng hindi alam ito ng PCSO kasi kung iyong mga pondo para sa ‘charity foundation’ nga ay pilit nilang inili-liquidate, bakit hindi nila rebisahin ang kubransa ng Batangas Enhance Technology System na hindi raw makakibo sa pa-bookies ng mga astig na sina Vic Seaman at Roger Duling.

Si Vic Seaman, para sa kaalaman ng lahat, ang may hawak din ng bookies o pa-jueteng sa buong Laguna na may P6 million a day ang koleksiyon pero ang idinedeklara ay P3 million lamang kada araw.

Muli, lugi pa rin ng P3 million evereday ang gobyerno dahil sa demonyong si Seaman.

Nangyayari ang lahat ng ito dahil na rin sa basbas ni D’ Belen.

Siyanga pala, hindi lamang sa illegal gambling naghaharing-uri si D’ Belen, kasi pati paihi sa krudo ng gasolina at pasingaw sa mga pekeng LPG sa Canlubang, Laguna ay protektor din si D’ Belen.

Pati illegal logging sa buong Quezon province ay pangalan din ni D’ Belen ang nakakaladlad dahil daw sa ‘go-signal’ na ibinigay sa kanya ni Col. Peralta.

Ano kaya ang aksiyon ni Gen. Bartolome rito?

Abangan!

* * *

May nilulutong impeachment ang militanteng grupo at ilang ‘ekonomista’ laban kay P-Noy.

Anuman ang kanilang magiging ‘grounds,’ mukhang hilaw pa rin sa akin  ito sa ngayon.

Tingnan na lang natin kung uubra ito sa mga darating na araw.

Samantala, gaano kaya katoto na nawiwili rin daw maglaro ng ‘angry birds’ si P-Noy?

Nagsawa na rin daw kasi siya sa ‘Plants versus Zombies.’

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC