Torture sa Noynoy regime


“WALA nang wang-wang” ngunit wala pa ring kaginhawaan isang taon mula nang isaalang-alang ng sambayanan sa mga kamay ni P-Noy ang kapalaran.

Mahigit 25 taon mula nang tumalilis si Marcos at maluklok si Cory, lalong naging miserable ang kalidad ng pamumuhay ng masang Pilipino.

Lalong yumaman ang naghaharing-uri.

Lalong dumami ang mga Pilipinong nagugutom at iskwater sa sariling bayan.

May libreng edukasyon at libreng hospitalisasyon kuno sa ilang siyudad.

Ngunit ang totoo’y pati mga pampublikong paaralan ay hindi na abot-kaya ang mga singilin at sobrang corrupt ang mga DepEd officials.

Sa mga ospital, ultimong bulak na isasaksak sa ilong ng mga namamatay na pasyente ay pinababayaran, kung ’di hindi iri-release ang bangkay!

Sa isang banda, nasa unang yugto pa lang tayo ng melodramang “Derechong Daan.”

Bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon ang P-Noy adminitration na diretsuhin ang kanilang pagmamaneho?

* * *

Dumulog sa akin ang isang pamilya ng isang suspect sa isang robbery case na diumano’y pinahirapan at pilit pinapaamin sa Tagum City, Davao del Norte.

Inaresto raw si Christopher Llido y Simacon sa bisa ng isang warrant of arrest noong nakaraang Feb. 21 ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Antimano, tinakot na itatapon daw sa dagat itong si Llido kapag hindi umamin sa ibinibintang sa kanya.

Nang hindi pumiyok, nilagyan daw ng adhesive tape ang kanyang mga mata tapos ay plastic bag sa ulo.

Pinagsusuntok si Llido na nanindigang hindi aamin sa hindi niya kasalanan.

Sa isang punto, tinanggal daw ang plastic bag sa ulo ng detenido at nakita niyang naka-ski mask ang pulis na kasama niya sa interrogation room.

Lalong nainis ang mga pulis at pinagtulungan siyang hawakan sa mga braso at mga paa, isinaksak ang dalawang pirasong basahan sa bunganga at dalawang butas ng ilong.

Diumano’y tinubig sa ilong si Llido na halos malunod.

Saka sinunggaban siya sa bandang lalamunan tapos ay sinikmurahan.

Hindi pa rin pilit na napaamin at hindi pumirma si Llido sa papeles na ginawa para sa kanya.

Ayon naman sa CIDG, walang torture na naganap at legal ang pagkakaaresto kay Llido na may warrant of arrest.

Tinatawagang-pansin ko ang Commission on Human Rights (CHR) ukol sa reklamong ito.

Aba’y 25 years na tayong lumaya kay Marcos, ano itong mga insidente ng gross human rights violations?

* * *

Kami po ay nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan.

Inuuga at ginigising namin ang mga tutulug-tulog na awtoridad at nagbibingi-bingihan sa mga problema ng mga maliliit na dapat nilang pagsilbihan.

Huwag mawawalan ng pag-asa!

Idulog po ang inyong problema sa Erwin Tulfo Aksyon Center sa #163-E Mother Ignacia St. near EDSA, South Triangle, Quezon City, between 1 p.m. and 4 p.m., tel. no. 410-7962.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC