Dear Chief Acosta,
Nais ko lamang pong isangguni at ihingi ng tulong ang sitwasyon ng aking kaibigan. Ang akin pong kaibigan ay 20 taong gulang na at kasalukuyang naninirahan sa piling ng kanyang ama, ngunit hindi po maganda ang pakikitungo sa kanya ng kanyang ama. Palagi po siyang sinasaktan ng kanyang ama mula nang iwan sila ng kanyang ina upang magtrabaho sa ibang bansa ngunit hindi na muling bumalik pa sa piling nila at hindi rin nito nagawang magparamdam kahit pa noong namatay ang kapatid na babae ng aking kaibigan. Mula po noon ay lagi nang naging mainitin ang ulo ng ama ng aking kaibigan at kahit pa sa mga bisita at kaibigan ay nagagawa niyang ipahiya ito at pagbintangan ng kung anu-ano.
Nagkaroon nga po ng sitwasyon na habang nagpa-practice po kami para sa job interview ay may dumating na pulis na ipinatawag ng kanyang ama at isinumbong na mayroong kaming ginagawang kalokohan. Buti na lamang po at mabait ang pulis at naniwala na wala naman kaming ginagawang masama. Ang pinakamalala po sa lahat ay nang ipinagtanggol ng aking kaibigan ang kanyang pinsan na babae mula sa kanyang ama ay napukpok siya sa ulo nito at siya pa ang ipina-barangay ng kanyang ama. Ngayon po ay lalabas na sa hospital ang aking kaibigan at nais po sana namin na mailayo ang aking kaibigan mula sa kanyang ama at hindi na siya malapitan pa muli nito. Ano po ba ang mga hakbang na nararapat na gawin ng aking kaibigan? Ano po ba ang kasong maaari niyang isampa laban sa kanyang ama?
Kara
Dear Kara,
Ayon sa inyong liham, ang inyong kaibigan ay sinasaktan at ipinapahiya ng kanyang sariling ama. Nabanggit din ninyo na simula noong iniwan ng kanilang ina ang kanilang ama ay hindi na naging maganda ang buhay ng inyong kaibigan sa piling ng kanilang ama. Dahil sa nabanggit ay pinag-iisipan na ng inyong kaibigan na sampahan ng kaukulang kaso ang kanyang ama nang sa gayon ay matigil na ang kaapihan na kanilang nararanasan.
Bagama’t maaaring may depression na nararamdaman ang ama ng iyong kaibigan ay hindi tama ang kanyang ginagawa sa kanyang mga anak. Hindi rin tama na ipahiya niya ang mga ito kahit pa siya ang nasabing ama nila.
Para sa pananakit at pambubugbog sa inyong kaibigan na ngayon ay dalawampung (20) taong gulang na ay maaari siyang magsampa ng kasong physical injury laban sa kanyang ama. Maaaring ito ay serious physical injury (Artikulo 263, Revised Penal Code), less serious physical injury (Artikulo 265, ibid.) o slight physical injury (Artikulo 266, ibid.), depende sa bilang o araw na kailangan upang magamot ang mga tinamong pinsala o sakit sa katawan. Bukod sa pagsampa ng kasong physical injury, maaari ring sampahan ng kaso sa paglabag sa Republic Act No. 7610 o mas kilala sa tawag na child abuse law ang ama ng inyong kaibigan halimbawang may nakababatang kapatid pa ang inyong kaibigan na kanyang sinasaktan at ipinapahiya.
Hinggil sa inyong katanungan kung ano ang maaari ninyong sabihin sa inyong kaibigan upang sila ay mapayuhan nang maayos, mainam na ipaunawa mo sa kanila na bagama’t iginagalang nila ang kanilang ama ay wala itong karapatan na saktan sila nang walang sapat na dahilan. Sila ay may karapatan na mabuhay nang maayos at walang pangamba.
Imungkahi rin ninyo sa inyong kaibigan na idaan muna ang kanilang problema at reklamo sa lupon tagapamayapa ng barangay na sumasakop kung saan sila nakatira. Dito ay sisikapin ng lupon na pag-usapan ang problema at pagbatiin ang dalawang kampo nang sa gayon ay maiwasan na umabot pa sa hukuman ang kaso.
Nawa ay malinaw naming nasagot ang inyong mga katanungan. Gayunpaman, binibigyang-linaw po namin na ang mga payong nakasaad sa liham na ito ay base lamang sa mga impormasyong nilalaman ng inyong liham at aming interpretasyon dito. Maaaring may ibang legal na opinyon na mas angkop dito kung may mga importanteng detalye na hindi ninyo nabanggit sa inyong liham. Mas makabubuting kung ang inyong kaibigan ay personal na sumangguni sa aming tanggapan upang mas malinaw niyang mailahad ang kanilang sitwasyon at nang siya ay mapayuhan ng mga hakbang na nararapat niyang gawin.
Ang inyo pong lingkod-bayan,
PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA
Punong Manananggol Pambayan
Paunawa: Ang mga serbisyong legal ng PAO gaya ng “legal advice,” court representation, pagsasagawa ng dokumento, notaryo at iba pa ay libre at walang bayad mula sa kliyente ng PAO sang-ayon sa R.A. 9406 (PAO Law). Sang-ayon din sa nasabing batas, ang katunggali o kalaban sa kaso na matatalo ang magbabayad ng attorney’s fee sa PAO para ideposito sa National Treasury.
Maaaring isumbong kay Chief Acosta ang sinumang public attorney o empleyado ng PAO na manghihingi o tatanggap ng salapi mula sa kliyente ng PAO sa address na ito: 5th Floor, DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue, Diliman, Quezon City, 1104.
Manood ng “Public Atorni” tuwing Huwebes ng gabi, sa TV5, pagkatapos ng “Aksyon Journalismo.”
Isangguni ang iba pa ninyong usaping legal sa aming opisina sa address na nakasaad sa pitak na ito o kaya ipadala ang inyong katanungan sa aming e-mail address:
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.