APAT na buwan na palang nanliligaw si Enzo Pineda kay Louise delos Reyes, pero hindi pa rin sinasagot ni Louise ang batang aktor. Gusto pa raw niyang makilala nang husto si Enzo.
Nakausap namin nang masinsinan si Louise tungkol kay Enzo sa final presscon ng Alakdana at naikuwento ni Louise na personal daw siyang inimbita ng father ni Enzo na si Eric Pineda para dalhin sila sa Las Vegas para live na mapanood doon ang laban ni Manny Pacquiao kay Sugar Shane Mosley.
Pero nag-decline si Louise dahil sa kanyang hectic schedule dahil patapos na nga ang Alakdana plus may provincial promotion sila ng soap at sisimulan na rin ni Louise ang Tween Hearts, The Movie ngayong Mayo.
At dahil malapit nang matapos ang Alakdana, hindi pa alam ni Louise kung kanino siya mapupunta sa kanyang dalawang leading men sa soap -- kung kay Alden Richards ba o kay Paolo Avelino.
* * *
HINDI na pala nakipagsabayan si Alden Richards sa panliligaw kay Louise delos Reyes dahil ang type pala nitong pormahan ay si Bela Padilla.
Pero kahit daw interesado si Alden kay Bella, hindi pa niya priority ang kanyang lovelife lalo pa baguhan pa lang siya sa showbiz.
Paliwanag ni Alden, ayaw muna niyang may pumipigil o nagre-renda sa kanya na karelasyon. Masarap daw ang pakiramdam na wala pang commitments.
Matagal na raw niyang pangarap na maging artista at ngayong naging bida na agad si Alden via Alakdana, hindi niya dapat na palamasapin ang magandang break na ito sa kanya.
* * *
SUMAKABILANG-BUHAY na pala ang Japanese na stepfather ni Joanna Marie Tan na si Yokio Yoshioka. Ito raw ang second husband ng kanyang ina at kinalakihang father ni Joanna. Kaya naman malaki ang influence ng Japanese na amain sa buhay ni Joanna Marie.
Sa ngayon, inamin ni Joanna na siya na bale ang breadwinner ng pamilya at sinusuportahan ang pag-aaral ng mga kapatid.
Si Joanna ang lumalabas na kontrabida kay Louise sa Alakdana, bilang anak ni Jobelle Salvador. Pero kuwento ni Joanna, sa bandang huli ng istorya, magiging mabait na rin daw siya kay Louise.
Bukod sa showbiz, aktibo rin si Joanna bilang Kabataang Barangay chairman sa Baesa, Caloocan City.
At dahil sikat siya sa kanilang barangay ng Caloocan, tuwing may Santacruzan ay kinukuha siya para maging Reyna Elena, na buong-pusong niyang pinauunlakan.
* * *
LALONG gumaganda ang istorya ng Magic Palayok sa pagkakasundo nina Geoff Eigenmann at Carla Abellana. Ngayong week, abangan pag-revive ng mga doktor sa naghihingalong si Pilar. Matutuwa ang lahat at bibisita si Jude na may dalang bulaklak. Masaya sina Yvonne dahil nasa kanila na pareho ang Palayok at Sandok na gagamitin nila para magluto ng masasarap na putahe. Pero dahil sa gitigitan ng magkapatid na Sandok at Palayok, pumapangit ang lasa ng kanilang niluluto kaya nagagalit si Yvonne at ikukulong niya ang dalawa. Sa kanilang pagkakulong, magkakabati sina Sandok at Palayok kaya yatakas sila at babalik sa poder nina Isko at Cookie.