NAGALIT na si German Moreno kay DJ Mo Twister nang makarating sa kanya ang balitang ibina-blind item na naman siya nito.
Ayon kay Kuya Germs, ikalawang beses na raw itong ginagawa sa kanya ng naturang host. Noong una, humingi pa raw ito ng tawad sa kanya. Pero laking gulat na lang niya nang ulitin umano ni Mo ang panlalait sa kanya via blind item, na obvious na obvious daw na siya ang tinutukoy.
Say ni Kuya Germs, kakausapin na niya ang CEO/president ng TV5 na si Mr. Manny Pangilinan para ireklamo na ito at maging sa MTRCB ay dudulog din daw siya para mabigyan ng kaukulang-pansin ang ginagawang panlilibak sa kanya, at sa iba pang artista, ng naturang host.
Tsika pa ni Kuya Germs, respetuhan lang daw ang nais niya. Dapat daw, tinutulungan ang artistang maging maganda ang imahe sa publiko, hindi raw ‘yung inookray-okray sa mga manonood.
Reaction tuloy ng mataray na reporter, ‘di raw kaya ang pagiging madaldal at kulang sa pansin ni DJ Mo ang isa lang sa natuklasang ‘di magandang pag-uugali nito kaya kinalasan ni Rhian Ramos?
* * *
NASA Glendale, California, ang pamilya nina Sen. Bong Revilla at Cong. Lani Mercado para sa photo shoot nila ng gagamitin sa wedding special na ilalabas para sa kanilang silver wedding anniversary sa May 28.
May mga kukunan sa kapilya kung saan una silang nagpakasal noon at muli nila itong babalikan upang maging bahagi ng selebrasyon.
“Hindi lang si Lani ang pinakasalan ko nang ikasal kami. Pati bayan ay pinakasalanan ko na rin. Walang perpektong relasyon, pero nagpapasalamat ako at nakarating kami ng 25th anniversary,” kuwento ni Sen. Bong.
Bago umalis ang mag-asawang Bong at Lani, tinapos muna ng senador ang kanyang mga trabaho at commitments, isa na ang pagho-host ng Kap’s Amazing Stories na napapanood tuwing Linggo sa GMA7.
* * *
IKINAGULAT ni Rachelle Ann Go ang balitang hiwalay na sila ng boyfriend niyang si John Prats.
“Nagsisimula pa lang kami ni John, hiwalay na agad? Kanino nanggaling ang balitang ‘yan? Hindi totoo ‘yan!” depensa ni Rachelle Ann.
Mismong kapatid ni John na si Camille Prats ang nagpatunay na walang break-up na nangyari kina John at Rachelle Ann.
“Hindi nga sila nagkakagalit, eh. Bakit naman sila magbe-break?” say ni Camille.
Samantala, ang pinagbibintangang dahilan ng break-up nina John at Rachelle na si Jamilla Obispo, nagulat din. Nakita raw kasi silang magkasama ni John Prats sa Boracay noong Holy Week kaya siguro naglabasan na siya raw ang dahilan ng break-up nina John at Rachelle Ann.
“Totoo, nasa Boracay ako at that time, pero ang asawa at anak ko ang kasama ko. Hindi kami ni John Prats ang magkasama,” pahayag ni Jamilla.
* * *
VERY happy ang mga taga-Las Vegas nang gawin doon ang laban ni Manny Pacquiao at Shane Mosley.
Nito raw kasing nakalipas na ilang araw, kumita sila nang mahigit US$ 300 million o P1.132 billion.
Puno ang mga hotel at dagsa ang mga nagsusugal sa casino.
Pati na ang mga restaurant, umaapaw ang mga customers. Isama pa ang shopping centers at maliliit na tindahan sa dinagsa sa katatapos na Manny Pacquiao-Shane Mosley fight. Fully-booked din ang MGM Grand Arena Hotel kung saan idinaos ang laban at iba pang hotels na tinuluyan ng fans at tagasuporta ng Pambansang Kamao.
Kung may porsyento nga raw si Manny sa mga hotel, restaurant at iba pang negosyo sa Las Vegas, hindi lang P2 billion ang mate-take home pay niya.
Samantala, pinasaya ni Joel Cruz ng Aficionado, ang mga kapitbahay niya sa Sampaloc dahil nagpatayo siya ng malaking screen sa kabilang bahay niya na nagpalabas nang live na laban ni Manny at Mosley.
Lahat ng mga tao roon, pinapasok para makapanood nang live sa laban ni Manny nang libre.
Congrats kay Manny Pacman! Siya pa rin talaga ang nag-iisang kampeon pagdating sa boxing.
Balitang ang susunod na laban niya ay kay Marquez o Floyd Mayweather, kung hindi ito magkakaroon ng dahilan para umiwas lumaban.
* * *
MAY sitcom na inihahanda para kay Vic Sotto na ididirek ni Bert de Leon.
Pero ang tanong, kung kakayanin pa ito ni Bossing dahil may apat na shows na siya sa kasalukuyan kasama na rito ang Eat Bulaga.
Sabi ni Direk Bert, kapag natapos na raw ang isang show ni Bossing, puwedeng ipalit nila ang sitcom na bago ang concept na nagustuhan daw ng sikat na TV host/comedian.
Tungkol naman sa concert na marami ang nagre-request kay Vic, imposible na raw matuloy ito sa November, dahil sa dami raw ng ginagawa niya pati ang pelikulang isasali niya sa 2011 MMFF.
“Malaki at matagal ang paghahanda para sa isang concert sa Araneta Coliseum. Dapat, may sapat na oras para sa lahat ng bagay para mapaganda at maging memorable talaga ang palabas.Kung kakayanin, baka sakali,” paliwa-nag ni Bossing Vic.