Com. Alvarez, Belmonte, DTI-BPS, aksyon na!


TALAGANG marami pa rin sa atin ang matitigas ang ulo. Kahit labag sa batas, regulasyon o alintutunin ay ginagawa basta pagkakaperahan ng malaki.

Nakalulungkot, pero ganyan ang nangyayari sa Bureau of Customs, dahil patuloy pa palang nare-release ng mga importasyon ng ceramic products na dumadaan sa Manila International Container Port kahit walang conditional release (CR) mula sa Department of Trade and Industry-Bureau of Products Standard  (DTI-BPS).

Upang mapangalagaan ang consumers ay nire-require ng DTI-BPS na dumaan sa masusing pagsusuri ang lahat ng importasyon ng ceramic tiles at iba pang ceramic products sa kanilang tanggapan.

Sa sandaling pumasa ang importasyon sa testing ay iisyuhan ng  Import Compliance Certificate  (ICC) at kaukulang sticker ng DTI-BPS at doon pa lang puwedeng ibenta sa publiko ang mga produkto.

Mainam naman ito para hindi malagay sa alanganin,  panganib o madaya ang mga bumibili.

Pero hindi rin  natin masisisi ang mga taga-section 10 ng MICP kung pinapayagan nilang i-release ang mga shipment ng ceramic products kahit walang CR mula sa DTI-BPS dahil meron naman daw itong tentative release mula sa collector’s office.

Kaya nga nananawagan ang mga lehitimong importer at broker kay Commissioner Lito Alvarez at MICP District  Collector Boysie Belmonte na imbestigahan  ang ginagawang palusot diyan sa nasabing Puerto.

May mga balita kasi tayo na may  tauhan si Collector Belmonte na siyang nagmamaniobra ng pagpapalusot. Maaaring hindi alam ni Belmonte na pagkatapos niyang  aprobahan ang tentative release (sa pagaakalang ikukuha ito ng conditional release) ay hindi na idinadaan ng mga tusong importer at broker sa DTI-BPS ang kanilang importasyon para sumunod sa regulasyon.

Kaya naman dapat lang na busisiin nina Commissioner Alvarez, Collector Belmonte at mga taga-DTI-BPS ang importasyon ng Denvar Trading, Goldware Marketing, Lawoy Enterprises at iba pang importer ng ceramic products na sinasabing ’di idinaan sa tamang proseso. Bukod kasi sa kakulangan ng clearance mula sa DTI-BPS,  masyadong mababa din daw ang pinagbabayarang duties and taxes ng nasabing mga consignee. Kaawa-awa naman si Collector Belmonte, kapatid ni Speaker Sonny Belmonte, dahil mukhang napapaikutan siya ng ilang pinagkakatiwalaan niyang tao sa kanyang tanggapan.

Ayon pa sa ating miron, masyado daw kasing mabait at mapagbigay si Collector Boysie sa kanyang mga alipores kaya umaabuso naman ang mga ito. Pero ingat kayo, dahil sigurado tayo na kapag nalaman ni Collector Belmonte ang mga kalokohang pinaggagagawa  niyo, malamang na sa kangkungan kayo pulutin.

Marami na kasing hinawakang  puerto si Collector Boysie pero halos lahat ng ito ay napaganda niya ang koleksyon at serbisyo.

Isa pa, hindi pababayaan ni Belmonte na sirain lang ng ilang tauhan niya ang tiwalang ibinigay sa kanya ni P-Noy.Tama ba tayo, Collector Boysie?

* * *

Tinatawagan natin ng pansin si Commissioner Alvarez na busisiin ang mga kargamento ng Rich Genzon, Joanna Gemma Brokerage, Twenty Six Trading, Royal Processing and Canning Corp., M99 Trading, at Casilangan Gen. Merchandise na sinasabing maraming “milagro.”

Hawak daw  ng isang Jay Ar, kapatid ni Ruel (isa sa sinasabing ismagler na nasa “order of battle” noong panahon ni dating Pangulong Erap), ang shipment ng nasabing mga consignee.

Kilala daw si Jay Ar bilang “hari ng palusot” diyan sa aduana.

Ang ipinagyayabang daw nitong si Jay Ar, kaya daw niyang tapalan ng pera kahit sinong opisyal o kawani ng BOC.

Totoo ba ito, Commissioner Alvarez?

Abangan…

* * *

Tinatawagan rin natin ng pansin ang mga otoridad diyan sa Pamantasan ng Pasay na huwag nang ipitin ang kailangang requirements ng mga bagong nursing gradute para makapag-board exam sila sa darating na Hulyo. Mantakin niyo, karamihan sa kanila ay nasa kalagitnaan na ng pagre-review  para makakuha ng board exam tapos hanggang ngayon hindi ninyo inire-release ang mga kailangang requirements ng PRC.    Paalala lang, mga kagalang-galang na opisyal ng Pamantasan ng Pasay, Mayo 13 na ang deadline ng filing ng application sa PRC.

Maawa naman kayo sa mga estudyante, lalo na sa mga magulang na halos makuba na para lang matustusan ang pag-aaral ng kanilang mga anak!

Aksyon na, huwag niyong hayaang maaksaya ang ibinayad nila sa mga review center kung ’di sila makakakuha ng board exam sa Hulyo.

* * *

MGA REKLAMO AT REAKSIYON

Talaga yatang walang nang pag-asa kay P-Noy. Kung matutuloy ang pagsasa-pribado ng LRT at MRT ay siguradong tataas ang pasahe. Paano na lang ang mga estudyante at manggagawang maliliit lang ang sweldo? Tingnan niyo nangyayari sa NLEX at SLEX, walang magawa ang gobyerno dahil hawak ng mga swapang na negosyante -- CC ng Manila.

Sayang  si Luistro. Pulos kasi palpak ang desisyon, ’di iniisip ang ginagawa. Bakit kasi kinuha pa ’yan ni P-Noy? -- ANDENG MARALIT ng Batangas.

Mayor Lim at VM Isko, dumarami na naman ang pasaway na kuliglig sa Maynila. Sana manghuli uli kayo -- ARMAN B. ng Manila.

Salamat  sa text nina ISIDRO DELLAVA ng Manila, DANNY GOMEZ ng Bulacan, CECILLE MATIAS ng Pampanga, FLOR HERNANDEZ ng Laguna, RIC CABUSAO ng Manila, CAMILLE LUARCA ng Pasig, GANI SAN PEDRO ng Muntinlupa, ALICE PEREZ ng Las Piñas at GINA PERALTA ng QC.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0915-9462777/e-mail: This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. . Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC