Walang karapatang magreklamo

 

KUDOS kay kabayang Lito Banayo na tulad ko ay “anak” ng San Pablo City at administrador ngayon sa NFA. Suportado ta ka sa mga pagbabagong dapat lang mangyari sa ahensyang ’yan tungo sa pangarap na “matuwid na landas” ni P-Noy.

Ngayon kasi ay binabatikos ang NFA sa nangyaring bidding noong Marso 23, para sa suplay ng 600,000MT ng bigas na aangkatin ng bansa.

Pinakamaingay sa mga ito ay ang umano’y mga “favored rice traders” noong panahon ni GMA, sa pangunguna ng isang J. Soliman. Anak daw ito ng isang kilalang miyembro ng rice cartel sa bansa na ang mga aktibidades noong panahon ni Tita Cory ay “binalatan” na rin sa Senado.

Partikular na reklamo ng sindikato, ehek, ng grupo, ang masyadong “mahigpit” na bidding rules ngayon ng NFA.

But on the contrary, mga kabayan, ano ang “mahirap” sa mga bagong proseso at regulasyon sa bidding na gustong ipatupad ni Admin Tolits upang walisin ang mga kalokohan sa NFA?  Partikular dito ang operasyon ng mga “sindikato” doon na sanay na “lutuin” ang resulta ng bidding.

Anong masama kung busisiin ni Banayo ang kredibilidad at kakayahan ng mga lalahok sa bidding at matiyak na hindi “prente” lang ng sindikato ang mga mananalo?

Anong masama kung mawala na ang monopolyo ng mga tiwali at korap sa mga magsusuplay ng ating inaangkat na bigas?

Sa madaling salita, dapat suportahan si Banayo sa mga isinusulong niyang reporma sa NFA.

Nais lang naman niyang tiyakin na hindi na mauulit ang mga eskandalo ng katiwalian at anomalya sa rice importation.

At hindi ba matagal nang “namayagpag” ang mga nagrereklamong ito noong panahon ni GMA? Anong karapatan nilang magreklamo ngayon?

* * *

Congratulations sa mga opisyales ng PNP na mabibigyan ng mga bagong posisyon sa ating pambansang pulisya sa mga susunod na araw.

Tuloy-tuloy na ang rigodon sa PNP sa pagreretiro ni PNP deputy director for administration, Perfecto Palad at Dir. Nilo dela Cruz ng CIDG.

Happy retirement kay Dir. Palad na una kong nakilala nang siya ay madestino bilang PRO4-A police director. Naglingkod naman bilang Laguna PD si Dir. dela Cruz bago siya nadestino sa ibang sensitibong posisyon sa PNP.

At dahil si kasamang Alfred Dalizon ang sumulat ng balita hinggil sa mangyayaring “palitan” sa PNP sa isyu ng People’s Tonight na lumabas kahapon, umasa kayo mga kabayan na “very dramatic incident” na lang ang puwedeng mangyari para sumablay ang balita.

Sa madaling salita, congrats kay Calabarzon RD Samuel Padilao na magiging kapalit ni Dir. Nilo sa CIDG; congrats kay Chief Supt. Benjardi Mantele ng QCPD na siya namang papalit kay kay RD Sammy dito sa Calabarzon.

Siyempre pa, natutuwa rin tayo dahil tulad ng dapat lang na mangyari, tataas na ulit sa posisyon si NCRPO Dir. Nick Bartolome bilang bagong PNP chief of the directorial staff, kapalit ni Dir. Raul Castañeda na aakyat naman bilang deputy director for operations, ang third highest position sa PNP.

What can I say? Well deserving si Dir. Nick sa mga hamon na dumarating sa kanya at harinawang nasa mabuting kamay din ang NCRPO sa ilalim ng kanilang bagong “bosing” na si Chief Supt. Alan Purisima, kasalukuyang PRO-3 police director.

Magreretiro na rin sa Setyembre bilang chief PNP si DG Raul Bacalzo, ang ipinagmamalaki ng mga Batangueño, kaya asahan pa ang “galawan” sa PNP sa buong bansa sa mga susunod na araw.

* * *

Ipinaabot naman ng 7-Lakes Press Corps, sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Kuya Nani Cortez, ang kanilang pasasalamat kay San Pablo City Mayor Vic Amante matapos ang kanilang scheduled meeting kay Laguna Gov. ER Ejercito noong Marso 14.

Tuloy kasi ang “away” ng press corps at ng tanggapan ni Gov. ER kaya nag-inisyatiba ang isang diputado ni Gob na ayusin kung ano man ang  problema.

At dahil talaga yatang napakaraming inaayos na problema ang matikas na pamangkin ni Pang. Erap, na-schedule ang meeting ng 6:30 p.m.

’Yun nga lang, Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, pasado alas-9 o tatlong oras na silang nakatunganga sa opisina ni Gob nang sabihan sila ng isa pang diputado nito na hindi na sila haharapin ng mabunying ama ng lalawigan dahil mayroon daw itong “site visit” sa isang ipinagagawang gusali!

Aber, masipag nga, Board Member Abi Yu, itong si Gob! Kahit sa tanglaw na lang ng buwan, tinitiyak niyang nagagawa ang mga proyekto ng lalawigan, hehehe!

Eh, ano naman ang kinalaman ni Mayor Vic dito, mga kabayan? Dahil kung hindi pala nagpadala si yorme ng kaunting panggastos ng grupo, hindi sila makakain ng hapunan!

“Ngatog na ang baba ko sa gutom, Ka Paul, pero kahit ‘paborita,’ walang inialok na pagkain sa amin ’yung mga tauhan ni Gob kaya malaki ang pasalamat namin kay Mayor Vic at may malasakit sa local media,” atungal sa akin ng may isang katandaang reporter.

Mabuhay ka, Gob, ehek, Mayor Vic pala!

(For reaction, text at 09274711475 or email at This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. ).

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC