| Saranggola |
|
|
|
| Tuesday, 09 February 2010 18:17 |
|
ANG laro ay may halong “disgrasya” pero kapag sinadya ang panganib ay talagang iba na ang hinahamon. Ang kuwentong tutunghayan natin ngayon ay nangyari noong uso pa ang mga gang ng kabataan at may maton sa bawa’t kanto. Sa panahong iyon, ilang dekada na ang nakararaan, hindi pa uso ang shabu at ang simpleng laro ng mga bata ay ginagawang hamon kay kamatayan ng ilan. Disi-sais anyos lang si Cristobal, matapang at tinaguriang “batang siga” ng palengke sa San Juan. Parehong nasa palengke ang hanap-buhay ng mga magulang niya kaya masasabing laking palengke si Cristobal. Sanay siya sa gulo at pati ang ordinaryong laro ng saranggola ay ginawa niyang laro ng matatapang. Marami pa noon ang nagpapalipad ng saranggola maski na sa gitna ng Metro Manila. Ang thrill ni Cristobal ay ang magpalipad ng saranggola niya sa bubong ng isang tatlong-palapag na lumang gusali sa harap mismo ng malaking palengke. May mga gumagaya sa kanyang mga kasamahan niya sa gang pero kay Cristobal ang pinakamalaki at pinakamataas na saranggola. Walang magawa ang pagsasaway ng mga magulang ni Cristobal sa kakaiba niyang hilig. Minsan, isang araw ay nainis sa kanya ang nanay niya dahil sa katigasan ng ulo ni Cristobal. Pero umakyat pa rin ito sa bubong at doon nagpalipad ng saranggola. Masayang nagkakatuwaan ang barkada nila sa itaas at pati sa ibaba ay marami ang nakatingala sa kanila. Nagkukulitan sina Cristobal sa bubong nang bigla siyang natapilok at na-out balance. Mabilis na nahulog mula sa bubong si Cristobal at nasagi niya ang cable ng kuryente sa kanyang pagbagsak. Sa madaling salita ay nakuryente siya at umuusok nang siya’y bumagsak at tumama sa isang buntis na nagtitinda sa sidewalk. Nadamay ang kawawang buntis sa sakuna ni Cristobal at kapwa sila isinugod sa malapit na ospital. Patay na at hindi umabot si Cristobal sa ospital at malubha naman ang kalagayan ng buntis at matagal na na-confine sa ospital ang babae. Sunog sa kuryente ang bangkay ni Cristobal at marami ang naglamay sa burol niya. May mga nagsasabi na ang kuwento ni Cristobal ang siyang naging inspirasyon ng isang pelikulang ginawa tungkol sa saranggola. Iniba nga lang ang pangyayari para makaiwas umano sa sinumang maghahabol sa istorya ni Cristobal. Isa pa, mas pinabata pa ang character ng bata na naglaro ng saranggola sa bubong. Ginawa siyang mabait at maamo, isang “sympathetic character” for cinematic effect, ika nga. At sa halip na nakuryente at nahulog ang bata sa pelikula ay tinamaan umano ng ligaw na bala ng isang pulis. Lasing man o hindi ang pulis, ang kuwento ng pelikula ay umani ng ilang papuri para sa isang ordinaryong direktor. Pero kung tutuusin ay mas madrama at makatotohanan ang kuwento ni Cristobal para sa kanyang panahon. At hindi melodrama at labas ito sa kamay ng mahusay na direktor. Ang saranggola ay simbolo ng matagal nang ambisyon ng tao na makalipad. Sa murang isipan ito ng mga bata nag-umpisa at ito’y maaaring isang lumang palatandaan ng ating ugnayan sa lakas at kapangyarihan at sa ibang mga nilalang ng kalawakan. Ano sa tingin ninyo? * * * Para sa mga karanasang may kinalaman sa paranormal, mga panaginip na hindi maipaliwanag, lumiham lamang sa People’s Tonight c/o Crime & Mystery, 6th floor, Universalre Bldg., 106 Paseo de Roxas St. corner Perea & Gallardo Sts., Legaspi Village, Makati City. Huwag kalilimutang lakipan ng logo ng People’s Tonight at buong puso ko kayong paglilingkuran. Para naman sa nangangailangan ng aking personal na paglilingkod, magsadya lamang sa aking tanggapan sa #45 General Lim St., Heroes Hill, Quezon City. Maaari ring tumawag sa telepono bilang 410-8745, 410-8749, at 373-3866. |
Most Popular Articles
- Tawak ( 6,495 views )
- Advertise ( 1,885 views )
- About Us ( 1,689 views )
- Piolo moving to GMA7? ( 1,455 views )
- Alex Gonzaga ‘nailigtas’ ng TV5 execs kay Cristy Fermin ( 1,225 views )






