NAKAKATAWA naman ang naisulat kahapon sa Philippine Daily Inquirer tungkol sa Jueteng. Ayon daw kay DILG Sec. Jesse Robredo nanatili pa ring “rampant” ang jueteng sa Northern Luzon!
Ano ito? Nagpapatawa ba ang Robredo-Bartolome partnership? Ilang buwan ko nang sinusulat ang isyung ito at paulit-ulit ko silang hinamon tungkol dito ngunit nanatili silang bingi at pipi sa mga isinulat natin!
Me sinasabi pa silang “one-strike policy” na umano ay “still in effect!” Kung ganun, bakit ngayon lang daw nila nalaman ang isyung ito ng jueteng? Maski ang bata sa kalsada at itanong mo ang jueteng ay alam!
Mula pa nang umupo kayo sa puwesto, nandiyan na ang jueteng na ito! Ano ba kayo, nagpapatawa???
Uulitin natin ang matandang kasabihan, kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan! Kung gusto itong paimbestigahan, matagal na dapat!
Hindi ba parang “too late the hero” ang eksena rito ng DILG? Para lang masabing hindi nila inaaksyunan ang problema? Sabi ni Gen. Bartolome, hindi kukunsintihin ang sinumang PNP personnel na involved sa “illegal gambling.”
Kung ganun, bakit ’yung provincial director namin sa Pangasinan tumaas nang tumaas ang “quota” naka-puwesto pa rin??? Mahirap talagang makakita ang bulag at makadinig ang bingi!!!
Teka muna, saan bang lugar epektibo ang “one-strike policy” ng PNP? Hindi po ba kasama ang Pangasinan dito?
Pero dahil sa mahilig kayong magpatawa, puwede na kayo sa comedy bar!
***
Sa okasyon ng Valentine’s Day, sana padamahin din natin ng kaunting pagmamahal ang mga kabataan na palaboy-laboy sa lansangan.
Napakarami pong mga street children o mga batang kalye dito sa Metro Manila. Marami sa kanila ang ginagamit ng mga sindikato para mamalimos. Ang ilan, na-i-involve sa mga petty crimes katulad ng snatching.
Ang iba, napapabilang sa hanay ng mga Rugby Boys na sisinghot-singhot ng rubber cement habang nakahandusay sa bangketa. Sadyang malapit sa kapahamakan ang mga kabataang ito. Sila po ay mga biktima lamang ng pagkakataon.
Kinakatigan ko po ang panawagan ni DSWD Sec. Dinky Soliman, sa mga pamilyang nakaririwasa na maging foster parents ng mga batang nasasadlak sa karalitaan. Sana lang mag-focus ang DSWD dito sa NCR, kung saan napakaraming bata ang tila inabandona na ng kanilang mga magulang.
Kung pababayaan lang natin na magpalaboy-laboy sa kalye ang mga paslit na ito, tiyak disgrasya, droga, pagka-molestya o kamatayan ang naghihintay sa kanila. Sa probinsya, bagamat marami rin mahihirap, bihira ang mga magulang na nagpapabaya sa anak.
Kaunting babala lang. Karamihan sa mga street kids ay hindi mga ulila o orphans kaya’t hindi basta-basta maaaring ipa-ampon. Posibleng magka-problema sa batas ang mga magsisilbing foster parents -- kahit malinis ang kanilang hangarin.
Kailangan munang magtatag ang DSWD ng maayos na sistema sa foster care para masakop din ang mga abandoned and abused children at hindi lamang mga orphans.
Ang panukala ni Sec. Soliman ay maaari rin maglagay sa panganib sa mga foster families. Marami pong street kids ay mga asset na ng crime syndicates. Posibleng gamitin ng sindikato ang mga batang ito para makapasok sa tahanan ng mga nakaririwasang foster families.
Lalong nakakatakot kung kukupkopin ninyo sa inyong tahanan ang isang miyembro ng Rugby Boys! Palagay ko nauunawaan na ninyo ang dahilan ng aking pagkabahala!
Palagay ko, sa halip na mag-focus lang tayo sa pagpapa-ampon, tingnan din natin ang umiiral na batas ukol sa proteksyon ng mga menor de edad. Talaga bang pabor sa interes ng mga kabataan ang Juvenile Protection Act?!
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi maaaring ikulong o kasuhan ang mga bata na involved sa krimen -- kahit mabigat ang kanilang kasalanan! Ang ganitong batas ba ay totoong nagbibigay ng proteksyon sa mga kabataan o kinukunsinti lamang ang kanilang pagkakabaon sa kriminalidad? Anong uri ng buhay ang naghihintay sa mga batang nalilihis sa tamang daan, kung pinagbabawalan ang mga awtoridad na ituwid ang kanilang landas?
Ang tunay na pagmamahal ay hindi kumukunsinti sa maling gawain! Kung mahal mo ang isang tao, gusto mo siyang turuan na maging isang mabuting miyembro ng lipunan. At hinding-hindi mo rin maaaring ilagay sa mapanganib na sitwasyon ang isang minamahal mo. Sa ganang akin, iyan po ang sukatan ng tunay na pagmamahal.
Ngayong Araw ng mga Puso, isipin po natin kung talaga bang mahal natin ang ating mga kabataan?!
***
Lubhang nakatutuwa ang sunod-sunod na huli na ginagawa ng PDEA at PNP-AIDSOTF simula nang pagpasok ng bagong taon. ‘Ika nga sa kasabihan, “magandang buena-mano!”
Nailahad natin dito sa aking kolum ang malalaking huli ng buwan ng Enero na tinampukan ng eksklusibong Ayala-Alabang Subdivision kung alin ang bahay ng mayayaman ang inupahan upang maging shabu laboratory lamang.
Nais kong iulat sa inyo ang ilan pang importanteng huli partikular ngayong “buwan ng mga puso” na kinabibilangan ng pag-aresto sa isa na namang Chinese national mula sa Xiamen City, Fujian, China at pansamantalang nakatira sa Baguio City!
Ito ay resulta ng isang buy-bust nitong Pebrero 2 sa may Timog Avenue, Quezon City na nagresulta sa pagkakumpiska ng dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P10 milyon! Hindi po ang halaga ang mahalaga sa atin dito kung hindi ang dami ng shabu na napigil maikalat at bumiktima ng maraming buhay!
Kasunod dito ay ang buy-bust ng Pebrero 6 na naging sanhi sa pagpapasara ng drug den sa Jaro, Iloilo at pagkaka-aresto ng may-ari nito. Ngunit bago pa man ito, nauna nang nadiskubre at naipasara ang mga drug dens sa Surigao City, Mandurriao, Iloilo; Dasmariñas, Cavite; at Dadiangas South, General Santos City nitong buwan ng Enero.
Banggitin din natin ang magkahiwalay na buy-bust na ginawa sa Agdao, Davao City; at Digos City, Davao del Sur; na nagbunga sa pagkakahuli ng tatlo pang “tulak” ng ipinagbabawal na droga.
Sa sabayang operasyon na ito ng PDEA regional offices, makikita natin ang concerted efforts na siyang nagbibigay ng mas magagandang resulta, ‘di po ba?
Kaya’t para sa walang humpay na pagta-trabaho ng PDEA at PNP-AIDSOTF, partikular sa kanilang pinuno na sina DG Gutierrez, Asec. Gadapan at Gen. Cacdac, mabuhay kayo!
Gusto ko ring kumustahin ang ating butihing direktor ng PDEA-NCR na si Gen. Magsino na kilala ring masipag at dedicated sa kanyang trabaho. Meron ba tayong bagong huli d’yan?
***
Gusto ko ring papurihan ang Laguna Provincial Director na si Col. Gilbert Cruz sa pagkaka-aresto sa 45 hinihinalang “pushers” at “users” sa ginawang raid sa isang “shabu tiangge” sa Biñan, Laguna, kamakailan lang.
Hindi man maituturing na “big-time” ang mga naaresto rito, sila’y nakunan pa rin ng mga sachets at shabu paraphernalia na ebidensya para sila ay sampahan ng kaso.
Salamat na lamang at suportado ng korte ng Laguna ang kanilang provincial director, hindi kagaya ng isang umano ay drug court judge sa Marikina City na pumanig sa hindi pagpapa-rehab ng isang pasyente!
Maganda ang pamunuan ni Col. Cruz at sila ay tunay na nakakatulong sa kanilang kababayan sa Biñan at nakiki-isa sa ating kampanya laban sa iligal na droga. Hindi katulad ng aming provincial director sa Pangasinan na kadalasan ay walang aksyon sa maraming unsolved crimes at talamak na problema sa aming probinsya.
Sana ay pamarisan si Col. Cruz ng iba pang provincial director nang sa ganun ay tunay na makatulong ang ating kapulisan sa ating mga kababayan. Makatutulong po ng malaki sa imahe ng kapulisan na nakikita ng taong-bayan ang partisipasyon ng kapulisan sa problema ng bayan.
***
Dahil araw ngayon ng mga puso, binabati ko ang aking mahal na may-bahay at ina ng Sto. Tomas, Pangasinan, na si Mayor Vivien O. Villar ng isang “Happy Valentine’s Day” at gayundin sa aking anak at manugang na sina Tonet at Luwee Pescador.
“Happy Valentine’s Day” din sa aking Dangerous Drugs Board (DDB) Family, sa aking mga suking sumusubaybay sa ating kolum at sa aking mga malalapit na kaibigan.
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.
)
Published : Friday May 25, 2012 | Category : Opinion | Views : 8

I have filed my Motion for Reconsideration with the Commission on Elections last May 21 on the grounds that: 1. “Procedurally the subject resolution disregarded for the rule on evidence that only authenticated copies are admissible, and made out a case not materially alleged by the complainant in his criminal... Read more
Published : Friday May 25, 2012 | Category : Opinion | Views : 8
By : Jesli A. Lapus

HINDI daw talaga tayo ang may-ari ng mga yaman sa mundo, tagapangalaga lamang tayo nito para sa mga susunod na henerasyon. Magandang pagmuni-munihan ito sa gitna ng patuloy na umiinit na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa pinagtatalunang Scarborough Shoal. Paano pa kaya ang Spratly’s? Paano... Read more
Published : Friday May 25, 2012 | Category : Opinion | Views : 9
By : Winston A. Marbella
FOR Sen. Joker Arroyo, the impeachment trial of Chief Justice Renato Corona goes far beyond that. He has called the dangerous trajectory of the Aquino presidency as a blatant grab for power “disguised as transparency.” Senator Arroyo, a human rights lawyer who served as President Cory Aquino’s first executive secretary,... Read more
Published : Friday May 25, 2012 | Category : Opinion | Views : 7
By : Atty. Persida Rueda-Acosta

Kgg. na Chief Acosta, Nais ko po sanang humingi ng advice sa inyo. May mga anak ang aking asawa sa kanyang dating kinakasama. Nagkasundo sila sa P4,000 sustento buwan-buwan. Ang kapatid po ng dating kinakasama ng aking asawa ang siyang nag-aalaga noon sa mga bata. Ngunit, ipinagtabuyan niya ang mga... Read more
Published : Friday May 25, 2012 | Category : Opinion | Views : 8
By : Paul M. Gutierrez

BAGO ang lahat, kudos muna ulit sa Laguna PPO sa pangunguna ni PD Gilbert Cruz, matapos madakma ng kanyang mga tauhan sa San Pedro itong si Ester “Estela” Concepcion, isang katiwaldas, ehek, kasambahay, na marami ng kaso ng pagnanakaw sa kanyang mga naging “amo” sa Metro Manila. Ayon na rin... Read more