5,136 guests

Mapangalaga sa kinabukasan ng kabataan

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 295

BUNGA ng masidhing kampanya ng pamahalaan laban sa droga, na ikinamatay at ikinaligtas ng maraming kabataan, inilat­hala ko rito ang aking sinulat tungkol sa kabataan, sa aking aklat na “Magkaisa Para sa Bayan.”

Matapos basahin ang nasa ibaba, magpasiya, kung tayo o ang ating pamahalaan  ay mapa­ngalaga sa kinabukasan ng ating kabataan.

“Ang mabuting ma­mamayan ay mapanga­laga sa kinabukasan ng kabataan. Ang kabataan ay ang mga nilalang na dahil sa murang pa­ngangatawan at isipan ay dapat pangalagaan at gabayan ng kanilang mga magulang at pamahalaan.

Anong kinabukasan mayroon ang mga kabataan sa ating kasalukuyang lipunan?

Lipunang walang paggalang sa Diyos at pagpapahalaga sa buhay.
   
Lipunang laganap ang kurapsyon at pinamumunuan ng mga politikong kapangyarihan at pera ang pangunahing layunin sa panunungkulan.
   
Lipunang laganap ang kahirapan at kawalan ng kabuhayan, kaya’t ang mga magulang ay nagtatrabaho sa ibang bansa, mabuhay at mapaaral lamang ang kanilang mga anak.
   
Lipunang laganap ang droga, patayan, holdapan, panggagahasa, putahan at mga pasugalan.
   
Lipunang nakalalagnat ang trapik, marumi ang paligid, ang hangin at ang tubig, binabaha sa konting ulan, ang mga kabundukan ay ahit, marurumi ang karagatan, patay at tuyot ang mga ilog at batis.
   
Lipunang napakaraming kabataan ang ginagahasa at pinapaslang ng mga adik.
   
Anong ginhawa, ka­siyahan, kalakasan, kapayapaan at kaligtasan ang idudulot ng ganitong uri ng lipunan sa ating mga kabataan?
   
Anong pag-asa ang naghihintay sa ating bayan kung ang kabataan ay lumalaki sa ganitong nagnanaknak na kalagayan ng ating lipunan?
   
Sinasabing ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Higit sa kabataan, tayong mga magulang at nakatatanda ang pag-asa ng bayan, sapagkat tayo ang gumagawa ng lipu­nang kinamumulatan, hinihingahan, ginagalawan at kinalalakhan ng mga batang susunod na mamamayan sa ating bayan.
   
Tayo ang humuhubog sa kanilang murang pa­ngangatawan at isipan.
   
Bagama’t ang pamahalaan (maliban sa mga magulang) ang siyang may pangunahing tungkulin at kakaya­hang iligtas ang kabataan sa mga masasamang impluwensiya ng lipunan, malaki ang magagawa natin sa pangangalaga sa kinabukasan ng mga musmos sa ating bayan.
   
Ang pangangalaga sa kanilang kinabukasan ay ang hindi pagdulot sa kanila ng magulo at maruming lipunan tulad ng kasalukuyang lipu­nan natin.
   
Ang mabuting magagawa natin sa kabataan ay ang handugan sila ng matahimik, maa­yos, malinis at maunlad na lipunan.
   
’Yung walang gulo at patayan. Lipunang malaya sa droga at mga bisyong sumisira sa ating katauhan.
   
Lipunang may pag­kakataon silang maka­pag-aral, maka­pag­tra­baho at mamuhay nang marangal. Lipu­nang maraming puno at malinis na karagatan, ilog at batis, kung saan sila’y maka­paglalaro sa lilim, yakap at bendisyon ng kalikasan.
   
Kaawa-awa ang ating kabataan kung hindi natin aayusin at babaguhin ang ating bulok at naghihingalong lipunan. Wala silang patutunguhan kundi kapahamakan o kamatayan.
   
Subali’t higit na kaawa-awa ang ating bayan, kung ang kanyang mga musmos na anak ay mamumuhay sa ating kasalukuyang lipunan, na nagmimistulang isang malalim at malawak na libingan ng mga kabataan.
   
Ang kabataan ang pinakamahalagang yaman ng bayan na dapat nating arugain, paka-ingatan at akayin sa maliwanag na landas  ng mga banal na mithiin at adhikain natin.
   
Bilang mga magulang at nakatatandang miyembro ng lipunan ay dapat nating pangalagaan ang kanilang kinabukasan para sa kaayusan, katahimikan at kaunlaran ng ating bayan.”