6,475 guests

‘Ang upuan sa mesa ng Pasko!’

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 214

Pointguard

Pasko na naman!!!

Pagkikita-kita muli ng mga kapamilya, kamag-anak, kaklase, kasama sa trabaho. Pagsasaluhan ang nakayanan. Pagpapalitan ng regalo at walang katapusang balitaan.  Pagbati sa iba’t ibang paraan:  sms Messages /  fb PM/ viber/ email/ instagram/ twitter/ skype. Dati Ay Christmas Cards lang. Ang mga nasa malayong lugar ay kitang-kita mo sa iyong laptop na nakangiti at kumakaway, masaya sapagkat kahit nasa ibang bansa ay parang kapiling din natin sa Pilipinas. Ibang- iba na nga talaga ang takbo ng mundong ating ginagalawan.

Ngunit dapat din nating bigyang pansin ang mga pamilya na sa kauna-unahang pagkakataon ay magno-noche buena na may bakanteng silya sa hapag kainan sapagkat sumakabilang buhay ang isang mahal sa buhay. Hinding-hindi na makukumpleto kahit kailan pa man ang pamilya.  Nakakamiss ang yumaong   Ama, Ina, anak, kapatid, asawa o apo.  Walang teknolohiya ang maaaring gamitin upang makausap, makita at mayakap ang yumao. Imbes na maghatid ng saya, nagsisilbing punebre ang mga himig Pasko na nagdudulot ng matinding lungkot  at lumbay sa  mga nagluluksa. 

Ako ay nagpapasalamat sa Diyos at buhay at malakas pa ang aking Tatay at Nanay. Kaya nga para sa mga anak na katulad ko, ipadama natin sa ating mga magulang ang ating pagmamahal, paggalang at paglingap sa kanila sa isip, salita at sa gawa habang may natitira pa silang panahon bago mabakante ang upuan sa mesa.

Para sa magulang na katulad ko, ipadama sa ating mga anak na mahal na mahal natin sila kahit na  dumadating ang okasyon ng pagsu­sulit ng mga hangganan ng isang “teenager”. Totoo, may mga pagkaka­taon na una pang mababakante ang upuan ng anak kaysa sa magulang dahil sa malubhang sakit o aksidente o malagim na pangyayari. 
   
Kaya ko sinasabi ang mga bagay na ito sapagkat gusto ng ating Panginoon Diyos na walang bakanteng upuan sa kanyang mesa.  Ano nga naman ang saya kung mag-isa ka lang at walang kasalong kakain ng piging?
   
Anyayahan natin ang ating Panginoong Hesus sa bakanteng upuan sa mesa. Siya ang dahilan kung bakit tayo nagdiriwang ng Pasko. Siya ang dapat umupo sa kabisera, siya ang sentro ng ating pagdiriwang. 
   
Maligayang Pasko po sa ating lahat!!!