5,045 guests

Kababawan ng Pasko

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 152

Hala bira!

TANDANG-TANDA ko sa aking kabataan ang kasabikan sa mga bagong damit tuwing Pasko.

Kabilang kami sa mga mapalad na kabataan noong mga dekada 70s hanggang 80s dahil kapag sapit ng ganitong panahon, tiyak na kami ay may bagong damit at sapatos. Bahagi ng taunang budget ng pamilya ang paglalaan ng kahit konting pera na pambili ng bagong kasuotang pamasko. Hindi pa naman uso noon ang branded, Billy the kid na pantalon at polo sa Divisoria ay ayos na ang butu-buto.

Hindi naman uso noon ang RTW, patok noon, kung hindi man bibili sa Baclaran o Divisoria, magpapatahi kami ng terno na kung tawagin noon ay “otso-deretso” o mula sa tela na mula rin sa mga bargain center.

Hindi ko makalimutan na may isang pagkakataong bumili kami ng nanay ko ng sapatos sa Zenco footstep sa Sta. Cruz. Gustung-gusto ko iyong sinukat kong sapatos pero med­yo maliit sa aking paa.

Tinanong ako ng nanay ko kung kasya ba, hindi ko alam kung bakit sinabi kong sakto po kahit ang mga daliri ko sa paa ay nakatiklop. Palibhasa’y sinabi ko nang kasya, natakot na akong bawiin kaya binayaran ng nanay ko ang sapatos na siya ko namang isinuot noong Pasko ng 1975.

Akalain n’yo bang ang maliit at masikip kong sapatos na iyon na kulay asul at may kombinasyon ng puti ay siya kong suut-suot sa mismong araw ng Pasko habang naglalakad papunta sa aking mga ninong at ninang sa Grace Park at Obrero area sa Caloocan City.
   
Paltos ang aking paa sa paglalakad pero lubos ang aking kasiyahan dahil habang naglalakad kami ng kapatid kong bunsong lalaki, may pangus-pangos kaming mansanas. Bihira pa noon ang mansanas at talagang Pasko lamang namin nakakain.
   
Ang unang ruta namin ay magsisimba tapos magmamano sa mga kamag-anak na kapitbahay lang naman namin sa Nuestra Señora De Gracia sa 6th Avenue, Caloocan. Pala­kasan ng kalansing noon dahil bihira naman ang nagbibigay ng perang papel.
   
Kapag nagbigay ng singkuwenta sentimos ang mga tiyuhin at tiyahin, super happy na kami kasi diyes hanggang beinte singko lamang naman ang karaniwang bigayan.
   
Iyong mga may kaya sa buhay, nagbibigay ng limang piso pero wala akong natatandaang nagbigay ng sampu. Iyong Ninong Rene ko sa Obrero na taxi driver ang natatandaan kong nagbigay sa akin ng P20. Feeling big time kasi inaanak.
   
Sa gabi ng pagsalubong sa Pasko na kung tawagin ay noche buena, masaya na kami sa pinagsasaluhang gelatine, gatas na Darigold, pan o tasty, menudo at kanin. May mantikilya rin kami na nasa lata noon na ang tatak ay Queens na galing sa grocery basket ng tatay ko na nagmula sa kanyang trabaho sa General Motors of the Philippines.
   
Ang buong maghapon ng Pasko, ikot lang nang ikot sa mga kamag-anak hanggang makaipon ng pera para makapunta sa Luneta. May dating mini-carnival doon sa gilid malapit sa Kalaw area. Doon kami lagi, habang naglalatag ng banig sa madamong bahagi na malapit sa monumento ni Rizal o malapit sa mapa ng Pilipinas sa lagoon.
   
Wala pang malalaking mall noon. Syvel’s sa Sta. Cruz, Ever Gotesco Caloocan at COD sa Cubao ang mga sikat noon. Pero mas gusto ng pamilyang Pilipino ang magdiwang ng Pasko sa Luneta. Kahit mga taga-probinsiya ay dumadayo sa Maynila para makapunta sa Rizal Park.
   
Magbabaon lang kami ng kanin, nilagang itlog at adobong manok, katalo na. Susubo ng konti tapos habulan na sa maluwag na parang ng Luneta. Iyong konting barya na pinamas­kuhan, ipambabayad naman sa carnival rides na ang sikat noon ang bumped car. Wala pang 4D riders noon.
   
Kapag medyo maliit ang napamaskuhan, sa mini-carnival sa Luneta pero kapag maraming nagbigay ng limang piso, doon sa Fiesta Carnival sa Cubao ang punta dahil mas malaki doon at mas maraming atraksi­yon. Wala pang Star City at Enchanted Kingdom noon. At ang Universal Studios and Disneyland ay wala sa bokabularyo ng karaniwang musmos.
   
Lumilipas ang maghapon ng Pasko na ganoon kasaya at kasimple ang Pasko naming mga kabataan.
   
Maaaring mababaw ito para sa mga kabataan ngayon pero para sa akin, iyong mga Pasko ng kababawan ang nagbigay sa akin ng tunay na kahulugan ng kaligayahan.
   
Hindi na ito babalik, hindi na darating ang panahon na sa halagang limang piso ay kuntento na ang tao.
   
Pero naniniwala ako sa magic ng Pasko dahil kaya nitong pasayahin ang mundo ng Kristiyanismo. Ito lang ang okas­yon na totoong mas maraming lumulutang na mabubuting  tao at pumapayapa ang mundo.
   
Maligayang Pasko at mabuhay ang Pilipinas sa pagpasok ng nagbabagong taon!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.