4,865 guests

Hambog na staff ni Pacman, binatikos ng NPC!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 310

NAGLABAS na rin ng pahayag ang National Press Club (NPC) laban sa kahambugan ng staff ni Senador Manny Pacquiao.

Binatikos nila ang kayabangan ni Choi Garcia na executive assistant umano ni Pacquiao na walang karapatang magtrabaho sa pamahalaan.
   
Sa isang kalatas, sinabi ni NPC President Paul Gutierrez, na malaking kalapastangan sa malayang pamamahayag ang inasal ni Garcia lalo’t hindi nito nalalaman ang alituntunin sa Senado kung kailan at saan ba dapat mag-interview ang mediamen sa Mataas na Kapulungan.
   
“What the guidelines prescribed is that no interview shall be done by any member of the press once a committee hearing starts or once the Senate is in session.  Hence, the way by which Mr. Garcia intervened is totally uncalled for, unnecessary and unprecedented in the long history of the Senate,” sabi pa ng magiting na NPC president.
   
Nag-ugat ang pahayag na ito mula sa insidente ng paninita, pananakot at pambu-bully ni Garcia sa reporter na si Jojo Sicat ng DZRJ dahil habang ini-interview niya ang ’Pambansang Kamao,’ bago mag-umpisa ang Senate inquiry on ‘Espinosa murder case,’ pinagbawalan umano nito ang mamamahayag na gumawa ng panayam at kumuha ng video.
   
Nasundan pa ito nang si veteran journalist Paolo Romero ng Philippine Star ang ‘nakasagutan’ ni Choi nang tangkaing magsumbong ang Senate media kay Pacquiao hinggil sa  kagaspangan ng pag-uugali ng abusadong tauhan.
   
Bilib talaga tayo kay Mr. Gutierrez. Singbilis ng kidlat ang ginawa nilang aksiyon para ipagtanggol sina Sicat at Romero.
   
Palibhasa’y lehitimong naka-assign sa Senate Beat, kabisado ni Idol Paul ang patakaran at panuntunan sa Senado.
   
Sa sobrang dami lang talaga ng pinagkakaabalahan kaya bihira na lang dumapo ito sa Mataas na Kapulungan.
   
Sa dami ba naman ng ‘dumarating’ sa kanyang ‘Punong Tanggapan’ sa NPC, hindi mo na magagawa pang pumasyal sa Senate Media.
   
Sabi ni Mareng Angie Rosales ng The Daily Tribune, magpa-inom ka naman daw, Boss Paul!
   
Kantiyaw nina Butch Fernandez (Business Mirror), Boyet Jadulco (Abante), JP Lopez (Malaya) at Jeff Antiporda (Manila Times), wag na raw Double Black kasi regular Black Label lang daw ay okay na!
   
Dahil hindi manginginom (ng marami?) si Marvn Sy ng Philippine Star, kahit pulutan na lang daw.
   
Siyangapala, Mr. Senator Pacquiao, hindi pa rin pala maawat ang kakisigan ng tauhan mong si Ka Choi bolatsoy.
   
Nagyayabang daw ito sa dalawang Media Relations Officer (MRO) ng dalawang senador. Hindi raw siya puwedeng sibakin kasi super-lakas daw siya kay Pacman.
   
Dati rin daw siyang US Marine member kaya hindi puwedeng sindakin ninuman.
   
For your information, Mr. Choi Garcia, sir. Hindi ka po namin ipinapasibak sa puwesto.
   
Wala kaming karapatang mambasag ng hapag kainan ng isang pamilya.
   
Ang gusto lang namin mangyari ay humingi ka mismo ng paumanhin kay Mr. Jojo Sicat na hiniya mo sa loob ng plenaryo.
   
Wala rin kaming pakialam kung ex-US Marine ka kasi kahit naman siguro taga-FBI o CIA ay marunong ng tinatawag na ‘basic courtesy.’
   
Kailangan pa ba nating iguhit dito kung ano ang ‘job specification’ at ‘job description’ ng isang ‘executive assistant,’ kung talagang EA ka nga ni Senator Pacquiao?
   
Hindi ka rin naman dating member ng Hawi Boys ni Randy Santiago ’di ba?
   
Unang-una kasi, hindi na trabaho ng EA ang manita ng media sa loob ng Session Hall lalo kung wala sa lugar at wala sa katwiran.
   
May MRO naman siguro kayo na talagang ‘naka-assign’ na mag-asikaso sa media. O kaya naman, ituro mo kami sa Office of the Senate Sergeant-At-Arms (OSSAA) para sila na ang bumulong sa amin at pagsabihang bawal ang mag-interview.
   
Hindi iyong ikaw na umeepal na nanlilisik ang mata at tatakutin ang aming kasamahan sa hanapbuhay.
   
Nagpaunlak na ng interview ang boss mo ’di ba?
   
Ano pa ineepal mo?
   
Ang problema kasi, hindi mo na nga alam ang tamang panuntunan ng Senado para sa aming mga mamamahayag ay bigla ka pang maggagaling-galingan at magdudunung-dunungan!
   
Ano gusto mo, ideklara ka naming Pambansang Epal sa Senado?
   
Ang catch pa ngayon, ipagmamalaki mong ex-US Marine soldier ka? Para ano? Para matakot mo kaming lahat sa Senate media?
   
Tama ka boss, wala kaming ‘formal combat training.’ Wala rin kaming ‘sea, air and jungle survival training.’ At lalong wala rin kaming pormal ‘marksmanship training.’
   
Pero kahit po papaano, may kakaibang ‘training’ kami sa Senate media mula pa sa aming pagkabata.
   
Iyon ay ang capital GMRC as in Good Manners and Right Conduct.
   
Kaunting values lang kuya.
   
Para naman hindi masira ang pangalan ng principal mong si Senador Manny Pacquiao!
   
Addition po tayo ng kaibigan, sir.
   
Hindi subtraction!