11,831 guests

‘Bad script’ at ‘telegraph script’

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 135

SA pagdinig kahapon sa Senado kung saan ‘nag-face-off’ sina Sen. Leila de Lima, si Romy Dayan, ang kanyang ibinasurang ‘lover,’ agh, tinanggal na ‘driver’ at si Kerwin Espinosa, tinawag na “bad script” ni Sen. Antonio Trillanes ang mga testimonya ni Espinosa at Dayan.

Ang pagdinig ay may kinalaman pa rin sa problema ng bansa sa iligal na droga at sa ‘deliberate murder’ kay ex-Albuera, Leyte Mayor, Rolando Espinosa Sr., ama ni Kerwin at dahil hindi “magkatugma” ang testimonya ni Kerwin at Dayan sa ilang punto, nakakita ng “butas” ang “attack dog” ni Noynoy Aquino at Mar Roxas (Trillanes) upang parehong “gibain” ang dalawa -- at “maisalba” si Sen. Leila na hindi malayong sa kulungan ang puntahan.
   
Aber, kung babalikan, masasabing “beterano” itong si Sen. Sonny kung mga ‘staged investigation’ din lang ng Senado ang pag-uusapan, pansinin  na lang ang kanilang ginawa kay ex-VP Jojo Binay at kay Chief Justice Renato Corona (sumalangit nawa).
   
Hindi ba ang lahat, lumabas na “scripted” lahat ng Palasyo ni Noynoy at Mar? Sa kaso ni VP Binay, upang tiyakin na hindi siya mananalong presidente at sa kaso ni CJ Corona, upang pawalang-bisa ang desisyon ng SC na ibalik na ng mga Cojuangco-Aquino sa gobyerno at sa mga magsasaka ang Hacienda Luisita.
   
At dahil palaging si Sen. Sonny T ang principal suspect, err, principal player sa lahat ng ito na parehong nagtagumpay, kaya marahil alam niya kung alin ang ‘good script’ at alin ang ‘bad script,’ hehehe!
   
Subalit, maraming miron ang umangat ang kilay kahapon sa kanyang paulit-ulit na pagbabanta, err, ‘reminder’ kay Kerwin at Dayan na “hindi habang panahon” ay nasa posisyon ang gobyernong Duterte.
   
Kumbaga, kulang na lang sabihin ni Sen. Trillanes na “umayos” itong sina Dayan at Kerwin dahil hindi na magtatagal sa poder si Pang. Digong, ganu’n kaya ’yun, mga kabayan?
   
Aherm. Mayroon kayang alam na “mas magandang script” itong pangkat ni Sen. Trillanes laban sa administrasyong Duterte na sila-sila pa lang ang nakakaalam?
   
Eh, excuse po, Sen. Sonny, sakaling totoo nga ang hinala ng ating mga miron, hindi po “palabas” ang “niluluto” ninyo, “destabilization of a duly constituted and elected government” ang tawag po sa ganyan! Bawal po ’yan, kriminal po ang ganyan, hane? Abangan!!!
   
At napag-usapan na rin lang ang ‘script,’ “bilib” tayo mga kabayan, sa naging takbo ng pangyayari sa “script” sa nangyaring paghuli ng Bureau of Immigtration (BI) sa 1,319 ‘illegal Chinese workers’ d’yan sa Fontana Leisure Park sa Clark, Pampanga noong Nobyembre 24.
   
Sa ngayon kasi, “nagtatago” na umano itong si Jack Lam, may-ari ng Fontana, “nakulapulan” ng “putik” ang imahe ng Bureau of Immigration, partikular na sina Comm. Jimmy Morente at intel chief, Charles Calima, pero ang “itinuturo” sa atin ng mga miron na siyang “prumotor” at “utak” sa lahat, si ‘Kim Wong,’ hindi man lang lumulutang ang pangalan!
   
At tila, kahit si Pang. Rody, “napaikutan” sa isyung ito dahil nag-utos umano na “hulihin” si Jack Lam sa kasong ‘bribery’ at ‘economic sabotage.’
   
Gusto lang nating linawin dito, dear readers, na hindi ko kilala nang personal at nakakaharap itong sina Jack Lam at Kim Wong.
   
Bagaman, sa naisulat kong balita noong Linggo (‘Gambling Lord vs. Gambling Lord in arrest of 1,319 Chinese workers), malinaw, ayon sa ating mga miron, na “away” lang sa “negosyo” ang nasa likod ng sumabog na mga kontrobersiya sa operasyong ito ng BI.
   
Kumbaga, ‘na-spin’ nang husto ang isyu upang “madiin” si Lam, masira ang reputasyon nina Comm. Morente at Calima -- at maitago ang “kamay” nitong si Wong na sinasabing ‘puppet master’ sa lahat ng ito.
   
Aber, magaling talaga ang “gumawa” ng ‘script’ sa isyung ito dahil sa ngayon nga ay naging ‘defensive’ ang BI habang napilitang umalis ng bansa si Lam.
       
Ang resulta? Tuloy ang “monopolyo” sa online/offshore gaming nitong si Wong na una nang sumabit sa ‘money laundering’ ng pera ng Bangladesh bago ang eleksyon -- pero nalusutan pa rin kaya wala tayong masasabi kundi… ang “husay” mo talaga, Kim Wong, “mabuhay” ka, hehehe!

‘WRONG MISTAKE’ ANG MPD
   
“Binulabog” tayo kahapon ng isang kaibigan upang ireklamo, MPD director, Jigs Coronel ang umano’y ginawang “pagsalakay” ng ilang operatiba ng ‘Manila’s Finest’ sa ‘Ozem Recruitment Agency’ d’yan sa lugar ng Malate, kung saan “dampot dito, dampot” doon umano ang ginawa.
   
At dahil estilong “bara-bara,” kahit umano ang tatlong empleyado ng katabing opisina ng Pama, isang insurance company, dinala sa MPD HQ sa UN Avenue, kung saan hindi malayo na ang naging “katwiran” ng mga pulis ay… “Sa presinto ka na magpaliwanag!”
   
Ganu’n ba ’yun, mga bosing? At paanong “paliwanag” ang dapat gawin? “Makiusap” sa inyo? At sa paanong paraan ang “pakiusap” na ito, dapat ba may “hatag” pa na “pangkape”?
   
Ang mga ganitong sablay na estilo ang sa totoo lang, mga kabayan, ay hindi nakatutulong na “pagandahin” o “pabanguhin” ang imahe ng PNP, partikular na ang MPD, tama ba, Boss Mayor Erap at DD Jigs Coronel?
   
Hindi ba puwedeng ‘i-release’ na lang sila kasabay ng ‘apology’ ng mga pulis sa kanilang naging katangahan, ayy, pagkakamali, sa nangyari?
   
Marahil pa, Boss Erap, mas “bibilib” sa mga pulis-Maynila ang mga residente kung pagtugis sa mga totoong kriminal ang kanilang aatupagin.
   
Katulad na lang ng sinapit nitong si Ahmad Tanim, isang Muslim na katulad ninyo, kasamang Joel Sy Egco at Ding Ladayo.
   
Sa ngayon ay nagpapagaling pa rin sa isang ospital itong si Tanim matapos pagbabarilin noon lang nakaraang buwan d’yan sa may ‘Golden Mosque’ sa Quiapo at himalang nabuhay pa rin (praise be to Allah!). Bago ito, naging ‘kidnap victim’ na rin umano siya noon lang Hulyo!
   
Ang tanong? May ginawa bang imbestigasyon at aksyon sa mga karahasang inabot ni Tanim sa kamay ng mga elementong kriminal sa Maynila ang MPD o... wala lang? Just asking.