12,141 guests

Emotional blackmail!

  • Written by Nitz Miralles
  • Published in Showbiz
  • Read: 384
Baron Geisler Baron Geisler

Gusto na raw bitawan ng isang talent manager (TM) ang pasaway niyang alaga, pero hindi niya magawa dahil nagbantang magpapaka­ma­tay ’pag binitawan ng mana­ger.

Magi-guilty nga naman si TM ’pag itinuloy ng ta­lent ang bantang magpa­kamatay ’pag niligwak si­ya nito.

May mga nagsasabi kay TM na emotional blackmail ang ginagawa ng kanyang talent para hindi niya iwanan dahil ang taong magsu-suicide, hindi ipinaaalam ang gagawin.        

Kaya ’wag siyang matakot at bitawan na ang talent na pasaway.

Malaking problema ito kay TM, kaya hiningi ang opinion ng mga kaibigan na salungat din ang mga opinion.

Si TM pa rin ang magdi-decide kung ano ang gagawin sa pasaway niyang talent.

* * *

Nabasa namin ang post ni June Torrejon sa Facebook na, “The Professional Artist Managers, Inc. (PAMI) received a formal complaint from Ping Medina regarding the incident with Baron Geisler. We are calling for an emergency meeting to act on his complaint.”
   
Member ng PAMI ang manager ni Baron Geisler na si Arnold Vegafria, hindi alam ng marami kung sino ang manager ni Ping, pero magandang hakbang ang ginawa niyang magreklamo.
   
Ang nakakalungkot lang sa nangyari, damay si Ping sa desisyon ni Director Arlyn dela Cruz na tanggalin  ang eksena nilang dalawa ni Baron sa Bubog.
   
Hindi na mapapanood ang controversial scene nina Ping at Baron.
   
Post ni Direk Arlyn: “I will reshoot the scene as intended and with the original actors I have in mind. The film will be released internationally and locally without Ping and Baron.”
   
Naungkat din ang pambabastos umano ni Baron kay Susan Enriquez at ito ang gustong malaman ng marami.
   
Ano ang sinabi ni Baron kay Susan na may itinanong lang daw pero iba ang isinagot ng aktor.

* * *

Ina-update ni Kent Juan, BF ni Boobay, ang friends at followers ng komedyante sa kondisyon nito at  ibinalitang wala na sa ICU si Boobay at inilipat na sa regular room.
   
Humihingi pa rin si Kent ng dasal para sa mabilis na paggaling ng komedyante.
   
Kuwento pa niya, tinanong siya ni Boobay kung kailan siya babalik sa Unang Hirit?
   
Ang sagot niya, kapag super magaling na siya.

* * *

Masayang nagpa-picture si Jennylyn Mercado sa tabi ng kanyang Walk of Fame star dahil kabilang siya sa inductees this year ng Walk of Fame na ginawa last December 1 sa Eastwood City.
   
Hanggang sa interview at sa pagharap sa fans, kita ang laking kasiyahan ng aktres sa bagong blessing na ibinigay sa kanya.
   
Ang ganda ng ginawa nina Frederico Moreno this year na sama-sama ang inductees na pumunta sa stage dahil nagkaroon ng chance na magkita-kita ang talents ng magkakaibang network.
   
Sakay din sila sa isang stretch limousine at siguro naman, nagtsikahan sila kahit papaano.

Anyway, ikatutuwa ni Jennylyn kung narinig ang comments ng fans na sa kanyang red-carpet walk, nakikita na sa kanya ang karakter ni Steffi Cheon ng My Love from the Star na kanyang gagampanan.        
   
Sa March 2017 daw ang airing nito sa GMA-7.
   
Sa ngayon, sa Superstar Duets muna napapanood si Jennylyn bilang host. Sa December 17 na ang finals ng singing competition.  
   
Samantala, kabilang sina Jennylyn at Dennis Trillo sa performers sa Sikat Ka, Kapuso show sa Los Angeles, Californina, sa January 22, 2017.
   
Makakasama nila sina Tom Rodriguez, Alden Ri­chards, Betong Sumaya at Lovi Poe.

* * *

Biniro ng mga reporter si Arianne Bautista na lagot siya sa fans ng loveteam nina Rocco Nacino at Sanya Lopez sa Encantadia, pagseselosan siya dahil siya ang na-blind item na dini-date ni Rocco.
   
Ang tungkol sa kanila ni Rocco ang isa sa mga itinanong sa dalaga sa presscon ng Ika-6 na Utos, kung saan kasama siya sa cast.
   
Pero mabilis ang denial ni Arianne sa kanila ni Rocco, friends lang daw sila at business partners dahil kabilang sila sa owners ng Backyard Kitchen & Brew restaurant sa BGC.
   
Never pa raw silang nag-date at ’yung nakitang picture nila sa isang boat, sa Cebu ’yun at may mga kasama sila.
   
Dagdag ni Arianne, nagkakagulatan na lang sila ni Rocco ’pag nagkikita sa meeting ng mga business partner ng resto.
   
Sakaling ligawan ni Rocco, walang problema.
   
Samantala, ginagampanan ni Arianne sa Ika-6 na Utos ang role ni Selma, bestfriend ni Ryza Cenon na walang magawa sa kamalditahan nito.