5,330 guests

Iturok sa puwet ng mga taga-DoH ang ‘denggoy vaccine’

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 1096

Hala bira!

PARANG dragon na bumuga ng apoy si Oriental Mindoro 1st District Congressman Paulino Salvador  ‘‘Doy”  Leachon sa kanyang privilege speech sa Kongreso.

Ang dahilan, nabuking niya na ginawang guinea pig ng nakaraang pamunuan ng DoH ang mga batang Pinoy sa pamamagitan ng pagtu­rok ng anti-dengue vaccine na gawa ng multi-national drug company na Sanofi.

Bago pa ang speech na ito ni Congressman Doy, ang utol niyang popular at health advocate na si Dr. Tony Leachon ay umangal na sa ginagawa nina former Health Secretary Jannette Garin na pasubukan ang bakuna sa mga bata dito sa atin dahil hindi pa nga ito aprubado ng Food and Drug Administration.

Plus, sa lahat ng bansa sa Asya, hindi pumayag na agad iturok sa kanilang mamamayan, lalo na sa Singapore, ang Sanofi product na Dengvaxia dahil hindi napapatunayang ligtas ito.

Umaabot pala sa P3.5 bilyon ang binili ng DoH na anti-dengue vaccine sa Sanofi noong January 2016 kahit wala naman ito sa General Appropriations Act para sa taong iyon.
   
Kinukuwestiyon din ni Congressman Leachon kung bakit biglang binig­yan ng FDA ng Certificate of Product Registration noong December 22, 2015 o anim na buwan na lamang bago ang elek­siyon na.
   
Ganoon ba kabilis nagawa ang pag-aaral para mabigyan agad ng sertipikasyon ang Dengvaxia kahit maraming bansa ang tumatanggi na gamitin ito?
   
Pero sabi ni Congressman Leachon, kahit nabig­yan na ito ng certificate ng FDA, hindi pa rin umano tama na gamitin ito ng gobyerno or public hospitals hangga’t walang rekomendasyon mula sa  Formulary Executive Council na mangangai­langan ng isang taon para ito ay pag-aralan.
   
Tanong, kung December 2015 ang FDA registration at January 2016 ang pagbili ng gamot, ibig sabihin pala, midnight deal ito dahil patapos na ang Noynoying Aquino administration noong mga panahong iyon.
   
Hindi ba’t kung sample product lang ito, lalo na’t walang pinal na approval at hindi pa proven ang efficacy ay dapat lamang na hindi bumili ang gobyerno ng  P3.5 bilyong halaga ng tinawag ni Cong. Doy na “denggoy vaccine?”
   
Napakadelikado ng ginawa nina Garin at ng kanyang pangkat na iturok sa ating mga bata ang isang uri ng gamot na hindi natin nalalaman kung ano ang epekto. Inililigtas natin sila sa lamok na may dalang dengue pero nabiktima naman sila ng denggoy na bakuna! Ganoon na lang ba iyon, pagkatapos ng termino nila, lusot na lang agad? Hindi ba puwedeng iturok din muna natin sa puwet ni Garin at ng kanyang mga opisyal ang bakuna na ito?
   
Kaya naman pala nagpupuyos sa galit sina Doc Tony at Cong. Leachon dahil mukhang may grand conspiracy sa Kongreso para hindi matalakay ang isyu sa House Committee on Health na pinamumunuan ni Congresswoman Helen Tan.
   
Hindi pinayagang magsalita ang mga resource person at may anggulo pa ng bullying ng mga matatapang ang apog sa Kongreso kaya hindi natuloy ang pagdinig.
   
Anong kabalbalan ito?
   
Dapat siguro panghimasukan na ni Health Secretary Ubial ang isyung ito bago pa makarating kay Pangulong Rody Duterte.
   
Kung tutuusin, sa bi­gat ng mga alegasyon, hindi na kailangan ng Congressional investigation dahil sa level lang ni Secretary Ubial ay puwede siyang magpasi­mula ng internal investigation.
   
Ano kaya’t iturok din  natin lahat ang denggoy vaccine na ito sa mga kongresistang gustong mag-whitewash sa ma­eskandalong transaksiyon?
   
Nananawagan tayo kay Executive Secretary Bingbong Medialdea na panghimasukan ang isyung ito dahil sobrang sinop ng Pangulong Rody sa paglalaan ng pondo sa mga proyekto sa gobyerno tapos maitatapon lang ang mahigit tatlong bil­yong piso sa gamot na hindi pa alam kung gawa ng mga albularyo o karpintero!
   
Palagay ko may masa­sampal talaga si Digong kapag nabuklat ang tunay na ugat ng midnight deal na ito ng nakaraang pamunuan ng DoH.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.