6,702 guests

Dilawang puwersa: Kunwari anti-Marcos, anti-Duterte pala

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 371

LAHAT ng Pilipino, lalo ang Pangulo ng bansa, ay dapat sumunod  at kilalanin ang proseso ng hudikatura.

Hindi tamang kapag natalo ang isang tao o grupo ay babatikusin ang hudikatura, partikular ang Korte Suprema (KS).

Ang sinabi ko’y tungkol sa pagbira ng mga anti-Marcos sa KS at kay Pangulong Du30, sa desisyon ng hukuman na ilibing si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). Mali ito.
   
Ang desisyon ng KS ay ayon sa batas at hindi ayon sa hindi sinasabi ng batas.  
   
Hindi sinabi sa R.A. No. 289 (An Act Providing for the Construction of a National Pantheon for Presidents of the Philippines, National Heroes, and Patriots of the Country), ang lumikha sa LNMB, na ang hindi bayani ay hindi maaaring ilibing sa LNMB.
   
Kung mga bayani lang ang pwedeng ilibing sa nasabing himlayan, dapat ang LNMB  ay gawing bakanteng lote na lamang, dahil wala sinumang nakalibing sa LNMB ang opisyal at deklaradong bayani ng  Kongreso, gaya nang sabi ko sa nakaraang kolum. 
   
Kung si Gen. Angelo Reyes (na manipis ang konsiyensya at nagpakamatay sa puntod ng ina, matapos yurakin ni Sen. Trillanes ang karangalan at katauhan), ay nalibing sa LNMB,  bakit hindi si FM na naging Pangulo?

* * *   

Alam nina Rep. Edcel Lagman at Atty. Neri Colmenares na dapat kilalanin, igalang at sundin ang desisyon ng KS, lalo ng mga abogado.
   
Hindi iyong babatikusin dahil hindi sang-ayon sa kanilang argumento.
   
Ang masama, ’di na nga kinilala at iginalang ang pasiya ng KS, ginamit pa itong bala ng “dilawang puwersa,” upang upakan si Duterte.
   
Kunwari ay ANTI-MARCOS, pero ANTI-DUTERTE PALA. 
   
Hindi maipagkakaila na ang agenda ng dilawang puwersa ay patalsikin si Duterte gamit ang isyu kay Marcos.
   
Sinasamantala ni Noynoy Aquino at Liberal Party ang pambabatikos ng maka-kaliwang puwersa laban sa libing ni Marcos sa LNMB, para manawagan ng pagpapabagsak kay Duterte.
   
“Hindi dapat pinayagan ni Duterte na ilibing si FM sa LNMB, sapagkat ’di ito bayani at magnanakaw pa,” ayon sa dilawang puwersa.
   
“Sinusunod ko  lang ang KS at wala akong nilabag na batas sa pasiya kong mahimlay ang mga labi ni Marcos sa LNMB, makaraang mamatay siya noong 1989,” sabi ni Duterte.
   
Nagpasya ang KS (9-5-1) na ilibing si Marcos, sapagkat siya’y naging Pangulo ng bansa at sundalo.
   
Walang sinabi ang Korte na bayani si Marcos, kaya inilibing sa LNMB.
   
Tama ang pahayag nina Deputy Speaker Romeo Abu (Batangas) at Minority Leader, Danilo Suarez (Quezon) na walang kahihinatnan ang masamang balak ng dilawang puwersa na patalsikin si Pangulong Du30, sapagkat napakalakas ng suporta at tiwala ng mamamayang Pilipino sa kanya.
   
Ang tingin ko, natatakot si Aquino at LP, na baka ang paglilinis ni Du30 laban sa talamak na droga, kurapsyon at pandarambong (kung saan sangkot ang mga politiko at pulis na kaanib o kadikit ng LP), ay matuhog sa pinaka-utak ng mga nabanggit na krimen.
   
Kaya, sinunggaban ni Aquino at LP ang isyung binubuhay ng mga komunista at mga ligal nitong organisasyon, hinggil kay Marcos at batas-militar, ay dahil sa paniwala ni Noynoy at LP, na magandang ‘oportunidad’ ang isyu para patalsikin si Duterte.
   
Nakakalungkot isipin na mayroong grupo at mga indibidwal na ang adyenda ay patalsikin ang Pangulo, gayong wala pa itong isang taon sa puwesto.
   
Ang nakakadismaya ay walang lehitimong isyu ang dilawang puwersa, laban sa ating Pangulo.
   
Hindi maganda ang pinaiiral ni Noynoy Aquino at katropa niyang dilawan.