6,524 guests

Mga dapat gawin bago ang Kapaskuhan

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 222

Pointguard

HINDI na talaga maawat ang paparating na panahon ng Kapaskuhan. Patunay dito ang mga pag-uulat ng media  sa usapin ng paglalakbay ng ating mga kababayan.

Mapapanood sa balita ng mga network ang paglalagay nila ng mga reporter na nagla-live report sa mga terminal ng bus, paliparan, at pantalan, lalung-lalo na ang halos 24/7 na pag-uulat ng trapiko sa main thoroughfares sa kalunsuran na lagi nang masikip kung hindi man ay hindi na gumagalaw.

Nariyan din ang mga pag-uulat hinggil sa  mga paalala ng kapulisan para sa  pag-iingat tungkol sa  naglipanang kriminal sa kalsada at sa mga mall na karaniwan namang nagse-sale at humahaba ang oras ng serbisyo.

Nariyan din siyempre ang tungkol sa pagtaas o pagbaba ng mga presyo ng pa­ngunahing bilihin lalo na iyong kaugnay sa kinakain nating mga Pinoy sa tradisyunal na Noche Buena at Media Noche, at sa siguradong naglipanang Christmas party. At kaugnay ng mga party, mawawala ba ang mga palabas tungkol sa pagpapayo na gawing hinay-hinay lang ang pagkain ng ma-cholesterol, matatamis, maaalat na pagkain?

Inaasahan naman na natin kung ano ang iuulat dahil halos taun-taon na lang itong nangyayari: maraming tao na nagmamadali upang makauwi sa lalawigan upang maka­sama ang kanilang pamilya sa panahong ito; mag-iins­peksiyon ang pulisya para sa seguridad at iba pang ahensiyang may kinalaman sa paglalakbay upang matiyak na maging ligtas ang biyahe.
   
Samahan pa riyan ang kung anu-anong polisiyang ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para solusyunan ang pabigat na nang pabigat na daloy ng trapiko sa halos lahat na ng lugar sa Kalakhang Maynila.
   
Kaya  maaaring pagpasok ng buwan ng Disyembre  ay mabuting magdaos na kayo ng kaliwa’t kanang party. Marami na ring masaya lalo na ang mga nasa  gobyerno dahil may mga bonus na at nakatanggap na ng 13th month pay.
   
Dahil mapera na dapat ay ipamili na ng pamaskong damit ang pamilya at iba pang kailangang regalo.
   
Tamang panahon na rin para nakapa­mili na ng appliances na matagal at unti-unting pinag-ipunan buhat sa maliit na sweldo. Maaaring natapos nang hulugan ang pangarap na sasakyan, o bahay at lupa. Dahil magpapasko na, masaya na ang marami sa atin sa kabila ng maraming suliranin, sa kabila ng pagkakamit ng kapayapaan, sa kabila ng salimuot ng pulitika sa bansa.
   
Tiyak ko ring masaya na ang marami sa atin sa kabila ng pagkabagabag, sa kabila ng mumun­ting suliranin, pagpasa sa subject kung mag-aaral ka halimbawa, o paghahanap ng trabaho kung katatapos lamang sa kolehiyo.
   
Batbat tayo ng malalaki at maliliit na suliranin dahil ito ang katangian natin bilang tao. Ang palagiang subukin ang kakayahan upang kaharapin at resolbahin ang problema.
    
At ngayong mabilis na lumalapit ang petsa ng Pasko sa atin, may isa lang akong pakiusap sa inyo, aking mambabasa. Hindi ko kayo paiiwasin sa epek­to ng Pasko na may malaking kaugnayan sa komersyalismo, hindi ko kayo papayuhang maghinay-hinay sa masasarap ngunit wika nga’y deadly kung mapaparami ang konsumo na pagkain, una dahil hindi naman ako doktor, pangalawa baka ako mismo ay mahirapan ding umiwas, baka hindi na lang ako tumikim-tikim.
 
Ang gusto ko lang ipakiusap ay ang pagbabalik sa batayang dahilan, sa pinakaubod na dahilan ng Kapaskuhan, ang pag­kilala at pagdakila sa pagsilang ni Kristo upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Bigyan natin ng mas malalim na kahulugan ang  nala­lapit na Kapaskuhan.