8,328 guests

Lagot kayo, pinaiyak n’yo si Bato!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 106

BILIB tayo kay Director General Ronald “Bato” dela Rosa.

Hindi siya nahiyang magpakita ng matinding emosyon nang tanungin ni Senator Migz Zubiri  kung ano ang nararamdaman sa mga naglalabasang detalye hinggil sa pagkakasangkot ng ilang PNP officers sa sindikato ng droga.
   
Kung anong tapang at brusko ni Bato, siya namang lambot ng puso nito.
   
Pagpapatunay na tao lang si Bato. Marunong masaktan at marunong ding umiyak.
   
Lalong bumigay si Bato dahil mismong si Zubiri ang nagsabi na sinusuportahan nila nang 100 porsiyento ang lahat ng programa nito para malinis ang hanay ng PNP, sampu ng giyera kontra droga ng Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte.
   
Pahagulgol ang iyak ni Bato. Ramdam ng mga taong nakapanood sa telebisyon ang matinding hinanakit na inabot nito dahil kahit anong linis na yata ang kanilang gawin ngayon para tumino ang pulisya ay parang mahirap nang mangyari.
   
“I, myself, sinasabi ko nga minsan hindi ko na alam kung sino ang pagkatiwalaan.... Like itong si Chief Inspector Espenido, nilagay ko siya doon as chief of police ng Albuera because buo ang paniniwala ko kahit hindi siya personally kilala,” ani Dela Rosa.

Simula aniya nang ipatawag siya ng Presidente para pamunuang linisin ang buong PNP, wala siyang ibang inisip kundi mareporma ito nang maayos dahil: “mahal na mahal ko ang organization namin kahit ako ay hirap na hirap na.”
   
“I will never surrender. Masasabi ko sa inyo, if you survive the board in the Academy, sa PMA, you will survive the world. Kaya ko ’to. Hindi ko ito uurungan. Lilinisin ko ang PNP hangga’t sa makaya ko,” sabi pa niya.
   
Pangalawang beses nang nagpakita ng matinding emosyon si Bato. Unang naganap ito nang humarap sa kanya ang mga tinaguriang narco-generals.
   
Iyon nga lang, mas matindi ang ginawang pag-iyak nito sa telebisyon kamakalawa.
   
Para kay Senador Panfilo Lacson na siyang chairman ng Senate Committee on Public Order, marami pa silang detalyeng dapat malaman tungkol sa testimonya ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa.
   
Bukod dito, importante ring marinig ang testimonya ni Ronnie Dayan na driver-bodyguard ni Senadora Leila de Lima.
   
At higit sa lahat, lalong gustong malaman ni Lacson ang iba pang koneksiyon kung paanong napatay si Jeffrey Diaz, alyas jaguar na supplier ni Kerwin ng shabu.
   
May pasubali kasi ang senador na posibleng kaya pinatay si Jaguar ay para magkaroon ng ‘cleansing’ sa hanay ng sindikato ng droga.
   
Tulad ng nangyari kay  Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na tatay ni Kerwin.
   
Kahit nakakulong, pinasok ng grupo ng PNP-CIDG 8 ang alkalde. Ang mga pulis na nasa likod ng pagpatay ay mga opisyal na sinasabi ni Kerwin na binibigyan niya ng regular na payola.
   
Motibo ang gustong malaman ni Ping at alam kong hindi titigil ang senador para malaman ito upang mahubaran na ng maskara ang iba pang opisyales ng pulisya na pilit nagtatago sa kanilang uniporme na ubod naman ng dumi.
   
Bilang dating pinuno ng PNP, alam kong hindi titigil si Ping para mapalalim pa nang husto ang ginagawa nilang imbestigasyon hinggil sa Espinosa case.
   
Idol ni Bato si Ping at sigurado rin tayong hindi titigil ang kasalukuyang PNP chief para malatigo nang husto ang mga scalawag pa rin sa PNP.
   
Masakit kay Kerwin ang mamatayan ng ama, ngunit masakit din kay Bato na ‘agawan’ siya ng testigo dahil hawak na nga nila si Mayor Espinosa, may mga tao pang naglakas-loob para patayin ito sa loob ng selda.